Home>Editorial>Opinion>“Ayaw” sa matino, matuwid na PNP?

“Ayaw” sa matino, matuwid na PNP?

TULOY” na (daw) ang pagreretiro ni Chief PNP Camilo Cascolan sa susunod na linggo, Nobyembre 10, 2020.

At bagaman hindi natin siya personal na kilala, pinupuri natin ang kanyang naging pamumuno sa nakaraaang dalawang buwan, simula ng maupo siya noong Setyembre 2, 2020, sa pagreretiro naman ni Gen. Archie Gamboa.

Tubong Cordillera, masasabing si Gen. Cascolan ang ‘first IP’ (indigenous people) na naging lider ng ating pambansang pulisya.

Na naging mahusay na lider si Gen. Cascolan— contrary to most skeptics’ expectation— ay “pinatotohanan” sa atin ni Atty. Glenn Chong, sa kanyang patuloy na paghahanap ng hustisya para kay Richard Santillan, na pinahirapan bago pinatay ng mga kriminal na pulis-Calabarzon noong isang taon.

Aniya pa, si Gen. Cascolan lang ang umaksyon sa kanyang matagal nang “pakiusap” na tulong sa PNP upang mabigyan ng katarungan si Santillan kaya, mabuhay ka, Gen. Cascolan!

‘Yun nga lang, dear readers, kung inaasahan ng lahat na “sa wakas” ay makakaupo na ang opisyal na inererespeto at pinaniniwalaan ng lahat dahil sa kanyang magandang rekord ng paglilingkod, si P/Lt. General Guillermo Eleazar, eh mukhang “teka muna” ulit, mga kabayan!

Dangan kasi, kung sa ‘original scenario’ bago nagretiro si Gamboa noong Setyembre na “dapat” pairalin ang ‘seniority’ sa hanay ng mga opisyal ng PNP, eh, ngayon yata, sa pagkabuwisit ng mga miron, “babaguhin” na naman ang polisiya— para lang hindi na makaupo si Eleazar.

Tandaan na noong Setyembre, sa pagreretiro ni Gamboa, ‘Number 2’ si Cascolan (deputy director for administration) at ‘Number 3’ naman si Eleazar (deputy director for operations).

At dahil nga ginawang ‘seniority rule,’ naging Chief PNP si Cascolan at ngayong magreretiro na siya, ‘most senior’ na si Eleazar na pumalit bilang deputy director for administration, ang dating puwesto ni Cascolan.

Bagaman marami ang nasorpresa at “sumama ang loob” dahil nga ‘for the second time,’ “naestafa” si Eleazar bilang Chief PNP, eh tinanggap na rin ng mga Pinoy dahil “okay” na sila sa ‘seniority rule’ na “ibinaba” ng Palasyo (read: PDU30).

At ito naman ang tanong natin sa mga Pinoy: “Papayag” ba kayo na ‘for the third time,’ muling “maestafa” si Eleazar at sadyang hindi na paupuin bilang Chief PNP hanggang magretiro siya sa isang taon?

Tama ba kasi, DILG Secretary Ed Año, ang sinasabi ng mga miron na may mga “umuurot” kay PRRD at SBG na HUWAG nang sundin ang ‘rule of law’ (seniority rule na sila rin ang gumawa) sa pagreretiro sa Nobyembre 10 ni Gen. Cascolan at sa halip ay “ipuwesto” ang ‘most junior’ sa mga opisyal ng PNP na si NCRPO chief, P/MGen. Debold Sinas?

Eh, paano kaya ito ipapaliwanag sa taumbayan ng Palasyo at DILG, aber?

Lunukin” kaya ng mga Pinoy na mula sa ‘seniority rule’ noon lang Setyembre, bilang-bigla, ang ikakatwiran eh, ‘presidential prerogative?’

Ano yan, dear readers, “lokohan?” Atty. Larry Gadon, pasok, hehehe!

Paano rin ipaliliwanag sa publiko na mas “makapangyarihan” pala talaga sa DILG, Napolcom, batas at regulasyon ang “bulong” ng mga kurimaw sa paligid ni PRRD at ‘yung babaeng opisyal sa PCSO, aber?

Ang buong paniwala kasi ng mga Pinoy, Mr. President, eh sa administrasyon mo, seryoso ang panawagan mo na pagrespeto at pagkilala sa ‘rule of law’— patunay ang nakuha mong 91 percent trust/approval rating sa survey kamakailan ng Pulse Asia.

Ang mga dagdag na tanong kasi, ‘anyare sa seniority rule? Kung ibabasura ito, puwede pa bang “paniwalaan” ng mga Pinoy ang iba pang sasabihin ng Palasyo?

Ayaw” ba ng gobyerno sa isang matino at matuwid na PNP?

At hindi natin “pinepersonal” si Gen. Sinas, dear readers.

Pero sigurado, Sec. Ed, ang “ibababato” na tanong sa iyo, “Bakit si Gen. Sinas sir, given his controversial track record?

“Wala na bang iba? Wala pala talagang ‘say’ ang DILG sa puwestuhan sa PNP?

At asahan din na ‘fiesta’ sa kantyaw at propaganda ang mga kritiko at kalaban ng gobyerno! Tama ba, CPP founder, Jose Maria Sison?

Hindi natin pinepersonal si Gen. Sinas, dear readers. Katulad kasi niya, “trabaho” lang tayo.

Siya, bilang opisyal ng PNP at tayo naman, bilang pangulo ng National Press Club.

Kaya ang “pakiusap” natin sa kanya, Sir, baka naman gusto mo nang “isuko” na at “ilabas” na, itong sina PMES Meldrin D. Bulandres at Reuel D. Piñero?

Bilang sagot kasi, DOJ secretary at PTFoMS chair, Menardo Guevarra, sa sulat na ipinadala ko sa Camp Crame kung “nasaan” ang mga nasabing pulis, KINUMPIRMA ng DPRM na nasa NCRPO, “in active duty” itong sina Bulandres at Piñero.

Naniniwala tayo na alam ni Gen. Sinas na ang dalawang pulis ay ‘suspect’ sa pagpatay kay Negros Oriental broadcast journalist, Rex Cornelio Pepino, noon lang nakaraang Mayo.

Kung ayaw ni Gen. Sinas na maakusahan na ‘coddler’ ng mga ‘crime suspects’ at ‘obstruction of justice,’ eh, mainam na siya na ang boluntaryong “magsuko” sa mga pulis na ito.

Mantsa” kasi ito sa kanyang tsapa at pagkatao.

At sigurado, may isyu na naman ang mga prenteng organisasyon ng mga komunista sa loob at labas ng bansa.

Paano kasi ididipensa na ang Chief PNP (sakaling siya ang ipuwesto kapalit ni Cascolan), “protektor” ng ‘human rights violators,’ sige nga! Kaya mo ba, kasamang Non Alquitran? Mahirap, hindi ba, dipuga!

Giba” rin ang lahat ng paghihirap ng NTF-ELCAC at gobyerno na “ibangon” ang imahe ng bansa, huhuhu!

Publication Source :    People's Tonight