Ayuda sa coco farmers kasado na

October 03, 2019

PINAKAMAHIRAP ang sektor ng coconut farmers sa bansa. Ang kanilang average na kita kada buwan ay P1,500 lamang, ayon sa pag-aaral. Ito ay simula noong panahon ni Marcos hanggang sa ngayon.

Maraming magniniyog ang patuloy na naghihirap dahil sa kawalan ng oportunidad na umunlad at ilan sa kanila ay namamatay dahil sa katandaan nang hindi pa rin napapakinabangan ang coco levy fund.  

Sa buong bansa, may humigit kumulang na 3.5 milyon sa walong milyong mga magsasaka ang  kabilang sa industriya ng niyog.  Para matuldukan ang problema ng mga coco farmer, tiwala si Senadora Cynthia Villar na pipirmahan ni Pangulong Duterte ang Senate Bill 1233, o Coconut Farmers and Industry Development Act, at Senate Bill 1976, o ang Strengthened Philippine Coconut Authority (PCA).

Pebrero ngayong taon, hindi pinirmahan ni Pangulong Duterte ang pinagsama-samang mga batas at hangaring palakasin ang PCA dahil sa kawalan ng “safeguards” upang maiwasan ang pagkawala  ng bilyong pondo ng coco levy.

Sa isang pagdinig sa Senado, sinisi ni Villar, chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food,  ang PCA sa hindi pagpapatupad ng iba’t ibang aktibidad na may kaugnayan sa niyog na makakatulong sana upang dumoble ang kita ng mga magniniyog.

“Tutulog-tulog sa pansitan itong mga opiyales ng PCA kaya hindi mapagbuti ang buhay ng mga coconut farmer na naghihirap mula sa napakababang presyo ng copra na bumababa mula noong huling bahagi ng Enero 2018,” ani Villar.

Ang presyo ng copra ay bumaba hanggang sa P16 bawat kilo mula sa P40 bawat kilo tatlong taon na ang nakalilipas. Ang pinakamababang presyo ay naitala sa mga malalayong lugar.

Sa ilalim ng  revised bill ni Villar, binibigyan ang PCA  ng pera para sa imprastruktura (20 porsyento); ibinahaging pasilidad (20 porsyento); pagtatanim at pagtatatag ng mga nursery (20 porsyento); intercropping (10 porsyento); pananaliksik at kaunlaran (10 porsyento); pautang  (10 porsyento); paglikha ng mga bagong produkto at marketing, (5 porsyento); at pagpapabunga, (5 porsyento).

“Ang pera na ibibigay sa PCA mula sa pondo ng coco levy ay naglalaro sa  P5 bilyon sa kada  taon upang matulungan ang mga magsasaka ng niyog na mapabuti ang kanilang mga bukid,” sabi ni Villar. Magbibigay din ito ng mga scholarship sa kanilang mga anak, access sa pautang at tulong sa kanilang mga kooperatiba, dagdag pa niya.

Umaasa si Villar sa pag-apruban ng bagong bill bago matapos ang 2019 dahil binanggit ng Pangulo sa kanyang ika-apat na SONA na ang pagbuo ng industriya ng niyog ay nananatiling prayoridad ng kanyang administrasyon.

Sinabi ng Pangulo na ang paggamit ng pondo ng coconut levy na nagkakahalaga ng higit P100 bilyon ay magpapataas ng antas sa buhay ng mga coco farmer.
**

For comments, please call or text 09569012811 or email lastmohican2004@yahoo.,com