Home>Editorial>Opinion>Ayuda sa mga pulis Malabon, planong bawiin ni Mayor Len-Len

Ayuda sa mga pulis Malabon, planong bawiin ni Mayor Len-Len

MUKHANG tumitindi na ang bangayan sa pagitan nina Malabon City Mayor Antolin “Len-Len” Oreta at ng chief of police ng lungsod na si P/Col. Angela Rejano dahil plano na ng alkalde na bawiin ang lahat na ipinagkakaloob na suporta ng lokal na pamahalaan sa kapulisan.

Ito’y matapos na hindi umano sumipot ang opisyal sa ipinatawag na pakikipagpulong sa kanya ng alkalde nito lamang araw ng Lunes dakong alas-3 ng hapon matapos ang mahigit isang oras na paghihintay sa kanya ng alkalde.

Nais daw kasi ni mayor na malaman kay Rejano kung ano na ang iniuusad ng imbestigasyon sa serye ng mga patayang nagaganap sa lungsod na ang pinakahuli ay ang pagpatay kay Barangay Hulong Duhat Chairman Tune Velasquez noong Enero 11 ng kasalukuyang taon.

Pero katuwiran daw ng chief of police, nagkataong may dinaluhan siyang pagpupulong sa Camp Crame nang hilingin ng alkalde na magtungo siya sa tanggapan kaya’t hindi siya nakarating.

Ayon pa sa opisyal ng city hall, mula noong araw ng Sabado ay hindi na sumipot ang mga pulis na dating nakalataga sa Mayor’s Office at nito lamang Lunes nalaman ng alkalde na itinalaga pala sila ng chief of police sa ibang unit.

Batay naman sa source mula sa Camp Crame, nagpadala na ng liham si Mayor Oreta kay PNP Chief Gen. Debold Sinas upang ipabatid ang mga negatibong reaksiyon ng maraming opisyal ng barangay kaugnay sa umano’y “uncooperative” at “unaccommodating” na asal ng babaing opisyal gayung ang mga Kabesa ang tumatayong frontliners sa pagpapatupad ng mga ordinansa, kaayusan at katahimikan sa kani-kanilang nasasakupang barangay.

Natanggap naman ni Sinas ang ipinadalang liham ni Mayor Len-Len noong nakaraang Biyernes, Enero 15 bagama’t wala pang tugon dito ang butihing opisyal.

Nakasaad daw sa liham ni mayor, mas magiging kapakipakinabang sana kung nagkakasundo ang kapulisan at opisyal ng barangay na hindi umano nangyari sa panunungkulan ni Rejano.

Ipinunto pa ng alkalde na sa limang listahan na ipinadala sa kanyang tanggapan ng National Headquarters-Senior Officers Placement and Promotion Board para sa posisyon ng chief of police ng Malabon, mayroon na siyang napupusuan na maging hepe ng kapulisan ng lungsod at hindi ito si Col. Rejano.

Magugunita na minsan na ring binanggit ni Sinas sa mga opisyal ng kapulisan, partikular sa mga chief of police ng bawa’t lungsod at munisipalidad, na ayusin ang kanilang pakikitungo sa mga alkalde dahil malaking tulong ang napagkakaloob ng lokal na pamahalaan sa pulisya upang maging epektibo ang pagtupad nila ng tungkulin na bigyang proteksiyon at pagsilbihan ng maayos ang mamamayan.

Eh paano yan, mukhang mauulit na muli sa Malabon City ang nangyari noon kina Marikina Mayor Marcelino Teodoro at sa itinalagang chief of police na si Col. Redrico Maranan at maging sa dating alkalde ng Cebu City na si Tomas Osmeña at dating hepe ng lungsod na si Ret. Col. Royina Garma na itinalaga rin ni Sinas noong siya pa ang director ng Central Visayas.

Iba talaga ang masipag

Iba talaga kapag masigasig, seryoso sa trabaho at masipag ang isang pinuno ng kapulisan dahil nagiging matagumpay ang kilos ng kanyang mga tauhan.

Ganito ang ipinamamalas ngayon ni NCRPO chief P/BGen. Vicente Danao, Jr. kaya’t mabilis ang nagiging aksiyon ng lahat ng mga district director sa buong Metro Manila na nagreresulta sa agarang pagdakip ng mga wanted na kriminal.

Dito lang sa Northern Police District (NPD) sa ilalim ng pamumuno ni BGen. Eliseo Cruz, nalambat nila sa Parañaque City ang No. 1 Most Wanted Person ng NCR na si Ronnie Bolista na sangkot sa double murder at frustrated murder na naganap sa Navotas City mahigit apat na taon na ang nakalilipas habang ang Top 8 Most Wanted Person naman sa Valenzuela City na si Florencio Garcia na may kasong rape ay nadakip din ng mga tauhan ni Cruz sa Bgy. Cuta, Batangas City.

Sa Southern Police District (SPD) na pinamumunuan ni P/BGen. Emmanuel Peralta, nadakip si Joven Aleñabo sa Bacoor, Cavite na may kasong panggagahasa at No. 1 Most Wanted Person ng Pasay City habang naaresto rin nila, sa tulong ng CIDG ang Top 7 Most Wanted Person ng Antique Pandan sa Bgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City na may kaso ring rape.

Sabi ni Danao, magsisilbing babala sa iba pang wanted na kriminal ang sunod-sunod nilang operasyon dahil kahit saang sulok sila magtago sa Metro Manila at iba pang lugar, hindi titigil ang Team NCRPO sa gagawing pagtugis.

Text ng readers

SA text ng isang reader mula sa Caloocan City, tinatanong niya kung bakit marami silang nasa waited list ng Social Amelioration Program (SAP) ang hindi pa rin nakakatanggap ng mensahe para makuha na ang kanilang ayuda sa pambansang pamahalaan? Naglabas na raw kasi ng listahan ang lokal na City Social Welfare noon pang nakaraang linggo at inabisuhan sila na hintayin ang text ng service provider para makuha ang kanilang ayuda pero nganga pa rin sila hanggang ngayon. Sana raw makarating ang kanilang reklamo kay Mayor Oca Malapitan.

Isa pang reader ang inireklamo ang garapal daw na presyo ng face shield sa loob ng Mall of Asia dahil ang pinakamababang halaga ay P25 pa rin at ang ilan ay umaabot pa ng hanggang P50, gayung P10 lang naman ang halaga nito ngayon sa mga palengke.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363.

Publication Source :    People's Tonight