Ayudahan din ang mga donors

November 16, 2019

BAWAT taon, hindi lamang isang kalamidad ang tumatama sa ating bansa at marami sa ating mga kababayan ang palagiang nangangailangan ng tulong.

At sa ngayon, hindi na lamang bagyo ang ating pinaghahandaan kundi maging ang napapadalas na mga lindol na nakaapekto sa marami nating mga kababayan.

Sa ganitong mga panahon, lahat ng tulong ay kailangan at kasabay nito dapat lahat ng  insentibo sa mga magbibigay ng tulong ay atin ding igawad upang marami ang mahihikayat na umayuda.

Kaya naman, sa ating tingin ay napapanahon ang pagsusulong ni Senador Lito Lapid ng panukala na naglalayong gawing libre ang transportasyon ng mga relief good sa mga lugar na nangangailangan ng tulong sa gitna ng mga kalamidad.

Sa Senate Bill 1151, sinabi ni Lapid na halos 20 bagyo ang nananalasa sa Pilipinas taun-taon at sa panahon anya ng kalamidad marami sa mga mamamayang mula sa hindi tinamaang lugar ay nagpapadala ng tulong sa mga biktima lalo pa’t hindi lahat nang pangangailangan ay natutugunan ng gobyerno.

“An example of this is the logistical hurdles in mobilizing relief packages and material aid across the different calamity-stricken areas,” saad ni Lapid.

Binigyang-diin pa ni Lapid ang “archipelagic set up” ng bansa kaya nagiging mahal ang transportasyon ng mga relief good.

“With the archipelagic set up of our country, transporting relief goods normally entail huge costs in freight, arrastre services, pilotage and other port charges especially if it will require inter-island crossing or traveling across long distances over land,” dagdag ni Lapid.

Naniniwala ang senador na kung magiging libre ang transportasyon ng mga relief good, ang pera para sa padala ay maaari pang gamitin sa pagbili ng mas maraming relief goods katulad ng pagkain.

“This bill seeks to institutionalize a system of providing free freight services in the transportation of relief goods to calamity-stricken areas in favor of duly recognized relief organizations,” sabi ni Lapid.

Sa ilalim ng panukala, ang Office of Civil Defense (OCD), Philippine Postal Corporation at lahat ng freight companies, common carriers, private carriers, freight forwarders, at iba pang uri ng logistics service companies ay aatasan na magbigay ng libreng serbisyo sa paghahatid ng mga relief good sa mga lugar na isasailalim sa state of calamity.

Ang Department of Transportation (DOTr), sa pamamagitan ng Civil Aeronautics Board (CAB), Maritime Industry Authority (MARINA), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang magpapatupad ng panukala kapag naging batas.

Kung maaprubahan ang panukalang ito, sa ating pananaw ay hindi na magdadalawang-isip pa ang iba na dagdagan ang kanilang mga ambag o ayuda sa ating mga kababayang nasasalanta ng mga kalamidad.