‘Bakbakan’ sa puwesto ng kapangyarihan

June 02, 2019

Marami nang ulat ng mga nakaraang araw at hanggang isinusulat ito tungkol sa “bakbakan” sa puwesto o komite sa Senado sa pagitan ng mga bago at datihang senador. Wala pang Hunyo ay pinag-uusapan na ‘umano ito.

Halatang napipikon na si Senate President Tito Sotto sa nangyayaring “labanan” dahil kailangan daw igalang ang equity of the incumbents.

Ibig sabihin ay dapat manatili ang mga beteranong senador sa kani-kanilang pinamumuang komite sa Senado.

May napaulat na isang bagitong senador ’umano ang gustong hawakan ang anim na komite. May isa naman ay gustong kunin ang Blue Ribbon committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon.

Higit na napikon si Sen. Gordon at sinabing hindi niya bibitawan ang makapangyarihang komite.

Habang nagbabakbakan sa Senado, umuusok naman ang karera sa pagka-Speaker sa mababang kapulungan o Kongreso.

May tatlo pang bagong halal na kongresista ang sumunod kay Pangulong Duterte upang kausapin ito tungkol sa speakership ng Kongreso na ’umano’y ipinaubaya naman ng pangulo sa mga kasapi ng mababang kapulungan.

Tila naiinis na rin naman si Sen. Sotto dahil may ugong din na gusto siyang patalsikin sa puwesto bilang Senate President. Nagtataka rin naman siya kung bakit gusto agad ng mga  bagong senador na alyado ni Duterte na kabigin agad ang mga komite.

Gusto ba ng mga ito na maging sunod-sunuran sa Malakanayang ang Senado, tanong ni Sotto.

Mag-aral muna sila kahit mga anim na buwan dahil anim na taon silang uupo bilang mga senador, sabi ni Sen. Franklin Drilon. Handa daw tumulong si Drilon sa mga baguhang senador.

Nagbanta naman si Sen. Grace Poe na sasama siya kay Sen. Sotto kung mapupuntas ito sa minorya sa Senado.

Kung magkakagayon ay mababago ang timbangan ng puwersa sa Senado.

Kailangang maayos agad ang gusot na ito bago umupo sa puwesto ang mga baguhang senador.

Ngunit sa pakiwari ko ay lalala pa ang ”bakbakan”  na ito sa Senado at maging sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Mahirap talaga kapag kapangyarihan na ang pinag-uusapan. Sa mga ipinakita naman ni Sotto noong mga nakaraan, siya ay kaalyado ng Malakanyang. Ngunit nang manalo na ang mga inindorso ng pangulo, tumagilid na ang kanyang bangka, ’ika nga.

Kaibigan si Sotto ni Pangulong Duterte pero hindi siya tunay na “kabig” ng pangulo. Iba pa nga ang kanyang partido.

Malaking bagay na mahawakan ng Malakanyang ang Senado para sa mga isusulong na mga batas nito. At dito nagkakaroon ng sigalot.

Ang mga susunod na linggo ay kapana-panabik na pagmasdan dahil makikita natin kung paano sa bayan ni Juan magaganap ang ”pagkakalaglag at pagkakamit” ng mga bagong posisyon ng kapangarihan.         (bangonkalikasan@yahoo.com)