Bakit dapat iboto si Mayor Fred Lim

SA isang Facebook post ng kaibigang si Mhalou Laderas kung saan kalakip ang mga katagang ‘huwag ibenta ang boto walang katumbas na pera ang pagkatao mo’, makikita ang isang chart. Sa kaliwa, nakalagay ang presyo ng bayaran sa bawat botante at sa kanan ay ang lumalabas na halaga ng pagkatao kada araw ng taong nagbebenta ng boto.

Sa halagang P5,000, ang halaga ng pagkatao ng nagbenta ng boto ay P4.56 kada araw; sa P4,000=3.65 kada araw; P3,000= P2.73 kada araw; P1,000=.91 sentimo kada araw; P500=.45 sentimo  at P400=.36 sentimo kada araw.  Ang cheap di ba?

Isipin sana ng mga  botante na kapag mas maraming pinamimigay na pera ang isang kandidato, ibig sabihin marami na itong ninakaw at nanakawin pa mula sa kaban ng bayan. Alangan namang galing sa sweldo lang nila ang ipinamimigay sa mga botante?

Pinakamaganda niyan ay kunin ang alok na pera dahil tiyak namang ninakaw lang sa gobyerno ‘yan, pero siguraduhing di ninyo iboboto ‘yung nagpakawala ng pera dahil pag nanalo, tiyak na magnanakaw ‘yan para bawiin ‘yung ipinamigay na salapi.

Kaya sa darating na halalan, huwag sana maging timawa at ‘bobo-tante.’ Gamitin ang utak at konsensiya at huwag nang idamay ang kinabukasan ng inyong mga kalungsod.  Isa alang-alang ang kinabukasan ng inyong mga anak at ng lungsod kung saan kayo titira habambuhay. Utang na loob.

* * *

Sa Maynila, magandang silipin ang mga nagawa na at balak pang gawin ni dating Manila Mayor Alfredo S. Lim na ngayon ay muling tumatakbo para alkalde sa ilalim ng partido ni President Rodrigo Duterte na PDP-Laban.

Kaya wala daw itong panahon para makipagdebate at makipag-contest ng siraan dahil siya ay tumatakbo bitbit ang kanyang track record pagdating sa larangan ng pagiging serbisyo publiko.

Hindi nga naman biro ang kanyang mga nagawa sa loob ng apat na termino -1992 hanggang 1998 at 2007-2013. ‘Yun lang makapagpatayo ka ng libreng kolehiyo at limang libreng ospital ay isang uri ng accomplishment na wala pang nakagawa, hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa buong Pilipinas.

Para sa mga kabataan na di nakakaalam, ipinatayo ni Lim ang City Collee of Manila (na pinalitan ang pangalan ng Universidad de Manila) para sa mahihirap na kabataang di makapagtuloy sa kolehiyo dahil sa kawalan ng pera. Ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na nariyan na noon pa ay para lang sa mga honor graduates ng high school kaya ipinatayo ni Lim ang CCM para sa mga ordinaryong estudyante na higit na nakararami.

Iisa lang din ang libreng ospital sa lungsod nang unang maupo si Lim bilang mayor, at ‘yan ay ang Ospital ng Maynila na nasa fifth district ng Maynila.

Unti-unti ay nagpatayo si Lim ng tig-isang ospital para sa mga nalalabing distrito ng Maynila hanggang sa bawat isa ay magkaroon na nga -- Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, first district; Ospital ng Tondo, second district; Mother and Child General, third district;  Ospital ng  Sampaloc, fourth district at Sta. Ana Hospital, sixth district. Ang kategorya ng Mother and Child Hospital ay iniangat ng Department of Health bilang Justice Jose Abad Santos General Hospital dahil sa magaling na pamumuno ng director nitong si Dr. Ted Martin.

Libre ang kolehiyo at libre din ang mga nasabing ospital, mula pagpasok hanggang sa paglabas kung saan me bitbit pang libreng gamot na nireseta ang mga pasyente.

Hindi ipinangako ni Lim ang mga ‘yan pero nagawa. Lalo ngayon na nangangako siyang magtatayo ng tig-isang libreng kolehiyo bawat distrito para hindi na magastusan sa pamasahe ang mga kabataan at mas matiyak na sila ay makatatapos ng kolehiyo. Sa hirap ng buhay ngayon, may pag-asa ka lang umangat kung ikaw ay tapos ng pag-aaral.

Ganyan sana ang iboto nating kandidato. ‘Yung ang klase ng mga proyekto ay panghabambuhay, pangkalahatan at higit sa lahat, mas siguradong makatutulong sa mga residente.  Di gaya ng pera na kapag iniaabot ng kandidato na panandalian lang, ilang araw lang ubos na.

* * *

Beauty tip -- Before sun exposure, make sure to apply sunscreens on skin, rub on 30 minutes before going out and again every 90 minutes. Even water-resistant sunscreens can be rubbed away when toweling off after a swim, so be sure to reapply.  (Source: Dr. Rosary May Canay-Diaz of Californian Bloom Aesthetic Institute and Medical Spa /4108424/4669596/09178038240/ 025053987)

* * *

Jokjok (from Jennelyn Villaflor of Imus, Cavite) -- Mister, tumabi kay misis sa kama at huminga ng malalim...MISIS: Bakit?/MISTER (Tumingin lang, tapos huminga ulet)/MISIS:  Bakit nga?/MISTER (Nabuwisit): Wow! Bad trip naman talaga o! Masama bang huminga?

* * *

Direct Hit entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to itchiecabayan@yahoo.com or text 0927-7169778.