Bakit may ‘original’ Black Nazarene pa sa likod ng Grandstand?

January 11, 2019

FIRST time kong nakadalo sa misa para sa kapistahan ng Black Nazarene nitong midnight ng Enero 8 salubong sa Enero 9 na ginanap sa Quirino Grandstand.

Maayos naman ang sistema, organisado ang lahat at ramdam ang kabanalan sa buong paligid.

Dahil sa Quirino Grandstand ginanap, kinailangan kong mag-check in sa pinakamalapit na Hotel H20 na nasa likod  kaya walking distance lamang. By the way, okey naman ang hotel, maayos, spacious at komportable naman. Hindi nga lamang sulit ang breakfast buffet dahil sobrang konti ng choices of food.

Hindi nga rin pala fresh ang food sa kinainan kong mami house/dimsum na North Park na sa tingin ko’y dapat panghimasukan ni DOT Secretary Berna Romulo para sa kasiyahan ng ating mga turista.

Balik tayo sa dinaluhan kong misa. Nakatabi ko ang kaibigan nating si kabayan Noli De Castro na kilala ng lahat na deboto at namamanata sa Itim na Nazareno.

Malapit kami ni Kabayan sa altar sa taas mismo ng Granstand kaya kita ko lahat, vantage point ika nga.

Hindi na raw pala pumapasan si Kabayan dahil may operasyon na siya sa balikat kaya dumadalo na lamang siya ng salubong mass bago ang traslacion.

Sa harapan ko ay naroon ang Hermano Mayor ng okasyon na si Mayor Joseph Estrada, si come- backing senator Jinggoy Estrada, ang beautiful wife niyang si Madame Precy, si Lorna Tolentino, si Chief PNP Oscar Albalyalde at si Cardinal Antonio Luis Tagle. Ang nasa kanan ko, ang mismong Itim na Nazareno na halos sampung dipa lamang ang distansiya.

Iba rin talaga ang dumadalo sa ganoong klaseng misa. Kahit ano pang sabihin ng mga hindi naniniwala, may “unseen force” kang mararamdaman na magbibigay sa iyo ng kasiyahan, inspirasyon at makapagpapasalamat sa mga dumarating sa iyong biyaya.

Iyon na ang closest encounter ko sa Black Nazarene kaya pinagmamasdan kong mabuti. Mula sa aking kinauupuan, nakikita ko rin ang mahabang pila ng mga dumalo sa walang patid na pahalik habang nagmimisa.

Ramdam sa iyong paligid at kita mo sa iyong mga mata first hand ang marubdob na pananampalataya ng marami nating kababayan na nasa paligid na ng Grandstand mula alas siyete pa lang  ng umaga para sa midnight mass.

Nang matapos na ang misa, kasabay kong lumabas ang ibang VIPs. Ang napansin ko lang na sana ay sagutin ng Minore Basilica ng Quiapo ay kung bakit may isa pang Itim na Nazareno sa isang maliit na silid sa likod ng Granstand.

Dinig na dinig ko ang sinabi ng nagbabantay sa pintuan ng silid “Sir, narito po ang original na Black Nazarene.”

Pinapasok niya ang ilang VIP at doon nananalangin habang nakahipo sa Poon. Nang buksan ang pinto, nakita ko nga na may Itim na Nazareno sa silid. Maliit lang ang silid, parang stock room na walang laman.

Ang tanong ko ngayon, ano iyong nasa altar na focal point sa misa  sa Grandstand at pinipilahan ng mga deboto para sa pahalik at ano naman iyong nasa silid na sinasabing original?

Hindi ba’t iyong nasa misa ang siya ring ipinuprusisyon ng halos 20 oras pabalik ng Basilica sa Quiapo?

Nauunawaan ko na baka ang pangambang masira ang “original” kaya iba ang nasa altar at traslacion. Kung ganito ang rason, bakit inilalabas pa sa Quiapo ang “original” at ilalagay lang sa isang maliit na stock room?

Kung talagang gusto nating ingatan ang original, mas mabuting nakakubli na lamang sa isang lugar sa simbahan ng Quiapo kaysa nakakubli sa sobrang liit na silid.

allanpunglo@gmail.com