Home>Editorial>Opinion>Bakit naman hindi?

Bakit naman hindi?

MATAPOS muling “mabugbog” sa ikalawang pagdinig ng Senado noong Martes sa isyu ng ‘red-tagging,’ “nagmamaktol” na nagsumbong sa media si Renato ‘Ka Nato’ Reyes, secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)

Ayon sa ulat ng Phil. Star sumunod na araw ng Miyerkules, “bakit” daw sa kanilang mga “akusado” (na pagiging mga lider ng CPP-NPA) napupunta ang “bigat” (burden) ng pagpapatunay na HINDI sila mga komunista!

Sabagay nga, sa ano mang “korte,” ang pagpapatunay na may “kasalanan” ang isang tao ay nasa nag-aakusa, batay sa mga ebidensiya at testimonya.

Pero ang tanong naman ng mga miron, bakit naman hindi?

Imposible kasing hindi alam ni Ka Nato at mga kasamahan niya sa ‘Makabayan Bloc’ na mismong si Jose Maria Sison, founder ng CPP, ang nagkumpirma, noon pang 1987, na ang Bayan ay organisasyon na itinayo ng CPP, kasama na ang LFS (kung saan dati tayong miyembro), Kilusang Mayo Uno, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Alliance of Concerned Teachers.

At mahirap ding paniwalaan ang simpleng pagtanggi nina kasamang Teddy Casiño at Cong. Carlos Zarate na “hindi” sila representante ng CPP sa Kongreso dahil hindi nila magawang kondenahin ang mga teroristang gawain ng NPA—panununog, pagpatay, malawakang extortion, pambobomba, etc. etc.

Aber, kahit nga si Sen. Ping Lacson hindi maintidihan na sa katulad ni Zarate, bilang opisyal ng gobyerno, hindi nito magawang kondenahin ang malawakang pagpaslang ng NPA sa mga sundalo at pulis at pagsunog at pambobomba sa mga gusali at pasilidad ng gobyerno.

Saan ba kumukuha ng suweldo at mga pribilehiyo ang mga representante ng Makabayan Bloc? Hindi ba sa gobyerno?

Eh, bakit gobyerno ang napeperwisyo, hindi nila maipagtanggol ito?

Take note, ang hinihinging pagkondena sa Makabayan Bloc ay hindi mismo sa CPP at sa NPA, bagkus, sa mga terorista nilang gawain.

Katwiran pa nga ni kasamang Teddy, hindi nila makondena ang CPP-NPA, kasi naman hindi nila ito itinuturing na mga “kaaway.

Sa harap ng malawakang pagpatay at pamemerwisyo ng CPP-NPA sa publiko at sa gobyerno, hindi pala sila “kaaway” ng mga opisyal ng gobyerno na katulad ng Makabayan Bloc?

Kung hindi sila “kaaway,” ano ang relasyon nila sa Makabayan Bloc? Kaibigan, kaalyado?

Sandamakmak din ang dumating na mga dating kadre ng CPP-NPA sa pagdinig at ayon nga sa isa sa kanila, hindi ba sila ang “living evidence” na ang mga organisasyon sa ilalim ng Makabayan Bloc ang naging daan upang sa dakong huli ay maging mga mandirigma sila ng NPA?

Kaya nga sa tanong ni Ka Nato, eh, tama lang na sila ang magpatunay ngayon na hindi (daw) sila mga lider ng CPP-NPA.

Kumbaga, ‘end game’ na ngayon, mga bosing. Panahon na para aminin natin ang totoo. Para kasi sa mga dating “tibak” at kahit sa mga aktibo pa ngayon sa loob ng “kilusan” alam nilang lahat na sinungaling at nagsisinungaling kayo.

At para paniwalaan kayo, aba’y simple lang—kondenahin ninyo ang terorismo ng CPP-NPA, tapos!

Publication Source :    People's Tonight