Bakit nga ba naabsuwelto si Bong Revilla?

December 12, 2018

HUMANGA tayo sa pahayag ni Sandiganbayan Associate Justice Geraldine Faith Echong na hindi kuwestiyon ng popular o unpopular ang desisyon ng korte sa anumang kasong kanilang pinagpapasyahan.

Nanindigan si Justice Echong na walang anumang ebidensiya na naiharap ang prosecution para masabing tumanggap si Bong Revilla ng pera mula kay Benhur Luy o kahit kay Napoles.

Mas madali naman talagang mag-convict ng akusado, iyon ay kung hindi mo na titingnan ang ebidensiya at hindi mo na rin papansinin ang panig ng depensa.

Inasahan ko na ang pabor na desisyon ng anti-graft court para kay Revilla dahil talaga namang walang bitbit na kahit isang ebidensiya ang prosecution para patunayan ang kanilang kaso.

Pero iyong mga crying baby ay sila ring mga usual suspect na wala naman talagang mabuting sinabi para kay Revilla.

Sa isang banda, natural na ang dalawang panig sa anumang isyu sa ating bayan. Isang bansa na sinimulang hatiin sa mga kulay, sa mga paniniwala at sa mga kanya-kanyang pagkiling.

Kapag narinig mo ang mga nasa labas na nakapanig sa ibang kulay, iisipin mong hindi nga dapat naabsuwelto si Bong. Pero kapag pinakinggan mo ang mga taong walang agenda, walang malisya, walang bahid ng anumang pulitika, kahit paano’y magkakaroon ka ng balanse.

Ako, isa akong bias na tao pag dating kay Bong Revilla. Nagsimula ang aming friendship noong 1993 habang siya ay bise gobernador pa ng Cavite. Kung may taong nakakita kung paano umiyak si Bong, kung paano siya tumawa at nakarinig kung gaano siya kalakas umutot, isa na siguro ako sa mga iyon.

Puwede mo akong hindi paniwalaan dahil nga bias ako pero puwede mo ring sabihing may batayan ang kanyang pagkaka-absuwelto sa kasong plunder na isinampa ng most hated color in politics.

Una, hindi ako nagsasalita bilang isang kaibigan ni Bong. Sinasabi ko ito bilang isang court observer, trial hearing attendee at frustrated legal practitioner.

Ang totoo, kung nasa loob kayo ng Sandiganbayan at nakikinig ng trial, tatanungin mo sa iyong sarili kung anong klaseng demanda ba ang ihinanda ng Ombudsman laban kay Bong.

Nakita ko mismo kung paano hatawin, kastiguhin at sabunin ng mga justices ang prosecution dahil sa kanilang lousy case. Kung ako iyong abogado na hinataw ng masasakit na salita ng justice sa mismong open court, magbibitiw na ako bilang counsel.

Sa isang pagkakataon, may mga iniharap na ebidensiya ang prosecution. Lahat galing sa newspaper clippings, lahat kinopya sa mga sinabi ng justices.

“Alam na namin yang binabasa mo kasi kami sumulat nyan. Let me know kung talagang handa ba kayo sa kaso? Pumunta kayo rito nang walang kahit anong ebidensiya, ang mga dokumento nyo ay puro photo copies tapos ano gusto nyong gawin namin? sabi ng isang justice habang dinidinig ang Demurer to evidence na isinampa ng kampo ni Revilla.

Paulit-ulit ang ganitong tagpo na inakala ko noon ay on the spot na ibabasura ang kaso at hindi na matatapos. Pero nagpatuloy ang trial, naibasura ang mosyon ng depensa. Nanaig pa rin ang prosekusyon kahit walang kalaman-laman ang demanda.

Ang sumunod na senaryo, noong umupo sa witness stand si Benhur Luy at ang tatlong babae na state witness ng prosecution laban kay Bong.

Sila mismong apat, kasama na si Luy ay umamin na kahit kailan ay hindi nila nakita si Bong na tumanggap ng pera o kahit minsan ay binigyan nila ng komisyon. Ang lahat ng nakasaad sa demanda ng prosecution ay ibinatay sa ganitong pahayag ni Luy: Sabi po ni Mam Janette...., ibingay ko po kay Cambe...hindi ko po nakita pa nang personal si Revilla dahil sa TV ko lang siya nakikita, hindi ko po nakausap sa telepono si Revilla kahit kailan..”

Binanggit din ni Luy na gumawa siya ng sarili niyang listahan, sarili niyang log at lahat siya rin ang nag-encode sa computer. Ibig sabihin, lahat ng maisip niya, ilalagay niya sa log ayon sa pagkasabi ni Napoles. Tanong, makakatayo ba ito sa legal na korte? Natural hindi.

Makailang ulit ding inamin ni Luy na siya ang signature expert sa kompanya kaya madalas ang ginagaya niya lang ang mga pirma ng mga kongresista at senador na may endorsement letter.

Apat na taon at anim na buwan nakakulong si Bong na dapat sana’y hindi nangyari. Kung sa tingin nyo ay hustisya ang mapiit nang walang kasalanan, hindi ko alam kung ano ang itatawag ko sa inyo.

I rest my case your honors!

allanpunglo@gmail.com