Bakit si Maia Deguito lang ang nahatulan?

January 14, 2019

HINDI tayo makapaniwala na si former RCBC Manager Maia Deguito lamang ang mahahatulang guilty sa maeskandalong pag-hack ng US$81 million mula sa Central Bank ng Bangladesh.

Una, naniniwala akong nagamit lamang si Maia ng mga taong maimpluwensiya sa RCBC at ng mga taong matagal nang nagplano para gawin ang international hacking na ito.

Iyong binabanggit na nagbukas ng mga pekeng account sa RCBC branch ni Maia ay isang Filipino-Chinese businessman na long time client at maaaring nakapag-build na ng friendship. May  pagkukulang si Maia  dahil sa sobrang tiwala niya sa kliyente. Nangyayari ito sa lahat ng bangko na sa tingin natin ay hindi dapat. Regardles of friendship, dapat pa ring masunod ang mga reglamento sa pagbubukas ng mga accounts.

Pero water under the bridge na yang detalye para balikan pa natin isa-isa. Doon na tayo sa kuwestiyon kung bakit si Maia lamang ang nahatulan. Nasaan na ang RCBC officials at ang lahat ng mga taong naging kasangkapan para pumasok  ang pera na hindi naman sa kanila?

Nasaan din ang remittance company na dinaanan ng milyong dolyar na ito?

Nasaan na rin ang mga Filipino-Chinese na nabanggit sa eskandalong ito? Alam natin na iyong isa ay namatay na habang nasa China at sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa.

Hindi tayo maniniwalang mangyayari ang pinakaunang bank heist na ito sa kasaysayan ng banking  gamit ang internet kung wala ang partisipasyon ng mga taong sanay talaga sa ganitong lakad.

Huwag nating gamiting fall guy si Maia dahil walang maniniwalang kaya niya itong gawin mag-isa kung halimbawa ngang sangkot siya. Pero kung ako ang tatanungin, inosente si Maia rito. Kung mayroon man siyang pagkakasala, iyon ay ang gross negligence in the performance of her duty.

Ang totoo, sa tingin ko, si Maia ang “not most guilty’ sa kasong ito kaya qualified sana siyang maging state witness. Ano kaya ang nangyari bakit hindi nabuksan ang ganitong posibilidad sa kanyang kaso?

Ang ibig sabihin nito, sobrang maimpluwensiya ang mga sangkot sa international syndicate na ito para masyadong mabilis ang resolusyon ng kaso at ang lahat ng kasalanan ay ipinatong sa balikat ni Maia.

Huwag nating kalilimutan ang popular na legal dictum: magpalaya ka ng isang libong guilty kaysa magpakulong ka ng isang inosente.

allanpunglo@gmail.com