Balangiga bells para sa pagkakasundo ni Pangulong Duterte at ng simbahan

December 17, 2018

IYONG church enemy number one lang na si Pangulong Duterte ang nagpakita ng totohanang pagsisikap na maibalik sa bansa ang Balangiga bells matapos ang mahigit 100 years.

Bagama’t ayaw akuin ni Duterte ang kredito na gusto namang alisin ni Hontiveros sa Pangulo, nananatili ang katotohanang si Digong lang ang nagpakita ng seryoso, totohanan at tuluy-tuloy na pagsisikap para maibalik sa bansa ang historical artifacts ng simbahan.

Lahat ng mga naging Pangulo, lalo na iyong mga paborito ng simbahan sa mga nakaraan, pabalat-bunga lang. Pasasayahin lang saglit ang CBCP at ang buong simbahan sa pamamagitan ng mga rhetoric at motherhood statements pero ang ending, wala rin.

Si Duterte na “evil force” ang tingin ng simbahan ay hindi sila binola, hindi sila pinaasa. Tingnan mo nga naman ang buhay, iyong kandidato na siniraan nila sa pulpito noong 2016 presidential election at ikinampanya sa mga parishioners na huwag iboto ay siya pang nagpakita ng sinsiridad na mabawi ang Balangiga bells.

Pero higit sa pagbabalik ng mga batingaw kung saan siya nararapat, umaasa tayong ito na ang huhudyat ng pagkakasundo ng simbahan at ng Pangulong Duterte.

Hindi lang dapat kasaysayan ng bansa ang mapreserba ng pagbabalik ng mga kampana, dapat ay maselyuhan nito ang hidwaan ng kaparian at ng Pangulo.

Maraming beses akong nainis sa simbahan sa tuwing kami’y magsisimba ng aking pamilya dahil iyong mga pari, walang ginawa kung hindi upakan ang gobyerno, lalo na ang Pangulo.

Sa tingin natin, kailangan ding magpakita ng goodwill ang CBCP na abisuhan ang kanilang mga pari na mag-abot din ng kamay ng pakikipagkaibigan sa Pangulo. Hindi naman ito literal na kakamayan si Presidente.

Ang ibig nating sabihin, magpakita sila ng pagsuporta sa mga programa ng estado na maglilinis sa bansa na matagal napabayaan. Aminin man natin o hindi, ang republika ay dinusta ng kapabayaan kaya malubha ang problema natin sa droga, sa krimen, sa basura, sa trapik at sa kahirapan.

Katulad ng pangakong ibabalik ang mga Balangiga bells, puro pangako rin ang ginawa ng mga pulitiko na lilinisin at aayusin ang bansa kapag sila ang nahalal na pangulo.

Si Duterte lamang ang sa tingin natin ay tumutupad at seryosong gumaganap sa kanyang trabaho para isalansan sa tamang lalagyan ang Pilipinas. Totoong hindi kaya ng anim na taon na ayusin ang bansang limang dekada nang pinabayaan subalit ang makita lamang ang matinding pagsisikap ni Pangulong Duterte na lutasin ang mga problema kahit dahan-dahan ay malaking bagay na sa ating lahat.

Senyales na ng pagyuko sa simbahan ang ginawa ni Duterte na halikan ang naibalik na kampana kaya inaasahan natin ang pagsukli dito ng simbahan.

Kung sa paanong paraan, sabi nga, malalaki na ang mga miyembro ng CBCP kaya dapat ay alam na nila ang kanilang ginagawa.

Give peace a chance.allanpunglo@gmail.com