Balanse si Digong

April 07, 2020

BUTI  na lang at balanse si Digong. Kung hindi, tumaob na ang banka natin.

Hinagupit ng pangulo si dating senatorial candidate Chel Diokno dahil sa panggagatong nito sa mga nagrally kamailan sa Edsa, Quezon City.

Napikon ang chief executive kay Diokno dahil nag-alok pa ito ng legal service sa mga dinampot at ikinulong na mga raliyista sa halip na pakiusapan ang mga pasaway na sumunod sa Enhanced Community Quarantine o ECQ.

Ipinatutupad ang ECQ  sa kalawakan ng Metro Manila upang mabawasan ang mabilis na pagkalat ng Coronavirus 2019 o COVID-19

Habang isinusulat ang kolum na ito ay mahigit 3,600 na ang kaso ng COVID-19 sa bansa at lagpas 160 na ang namatay na mga Pilipino dahil sa naturang sakit, ayon na rin sa Department of Health.

May pinaghuhugutan ang galit ng presidente kay Diokno—ang posibleng pagdami ng mga Pilipino na hindi susunod sa ECQ  na pwedeng makasama sa peace and order sa bansa at ikabagsak ng ating health system kung saan mas maraming mamamayan ang mapapariwara.

Sa kabilang dako naman, dinipensahan ni Digong si Vice President Leni Robredo sa planong sampahan ito ng kaso dahil sa pakikipagkumpitensiya umano sa pamahalaan sa pagkalap ng tulong laban sa COVID- 19.

Sa katunayan, sinibak pa ng pangulo sa puwesto ang commissioner ng Philippine Anti-Crime Commission o PACC na si Manuelito Luna na siyang may pakana ng masamang balak kay Robredo.

Hindi maintindihan ni Digong kung bakit kailangan kasuhan si Robredo gayung wala namang masama sa paghahanap at pagtanggap ng tulong para sa mga naghihingalo nating mga kababayan.

Ang mensahe ng pagsibak kay Luna ay malinaw--walang puwang ang pamumulitika sa panahon na nanganganib ang kalagayan ng buong Pilipinas.

At mabuti naman na sinuklian ni Robredo ang kahanga-hangang pagdipensa sa kanya ng pangulo. Sinabi ni Robredo na pagkakaisa ang kailangan ng ating bansa.

Sinuportahan ng bise president ang balak ng gobyerno na pahabain pa ang ECQ sa Metro Manila habang walang malinaw na datos ukol sa naging epekto ng COVID-19 at mga hakbang ng pamahalaan laban dito.

Bilang simbolo ng oposisyon, mahalaga ang pagsang-ayon ni Robredo sa iisang direksyon ng bayan para sa kaligtasan ng mga Pilipino.

Marahil, kakailanganin natin ang pagkakabuklod-buklod hindi lang sa panahon ng krisis kundi sa oras matapos natin mapagtagumpayan ang hamon na ito.

Sa kasalukuyan, hayaan natin ang lider ng bansa na hawakan ang timon ng ating bangka dahil siya ang may kakayanan na mapanatili itong lumulutang habang naglalayag tayo sa mapanganib na karagatan.

**

For comments, please call or text 09569012811 or email lastmohican2004@yahoo.com