‘Balik-Bureau of Customs’ si ‘Commissioner Ariel’

MAAGA tayong “binulabog” kahapon ng isang kasamahang reporter sa ‘Malacañang Press Corps’ (MPC), mga kabayan.

Ang siste, “nagtatanong” ang ating kaibigan kung may ‘backgrounder’ daw ba ako na “maipapasa” sa kanila sa MPC hinggil sa isang personalidad na magiging “kapalit” (daw) ni Bureau of Customs (BoC) commissioner, Rey ‘Jagger’ Guerrero.

“Kumalat” na raw kasi sa Palasyo na “napirmahan” na ang ‘appointment’ ng nasabing personalidad at ang “balita” pa nila, “ililipat” sa NFA (National Food Authority) si Comm. Jagger, wow!

Eh, alam mo ba kung “sino” ang magiging kapalit (daw) ni Comm. Jagger, kaibigang Jervy Maglunob? Eh, sino pa kundi si “ex-commissioner” Ariel!

Sa narinig natin, parang gusto ko tuloy “manghinayang,” dear readers.

Dangan kasi, noong 2017, nang “mapabalita” sa pantalan na “uupo” na bilang ‘commissioner of Customs’ itong si ‘Ariel’ at nagsimula na siyang “pumili” ng kanyang mga magiging tauhan at puwedeng “pagkatiwalaan,” aba’y “ipinahanap” pa niya ako, peksman, DCI Raniel Ramiro!

Ang “alok” sa akin, kasamang Dexter Gatoc?

Eh, “gagawin” daw kasi niya akong “director for communications” ng Aduana dahil “marami” raw ang “nakapagsabi” sa kanya na “alam” natin ang mga “pasikot-sikot” sa pantalan at “matutulungan” ko ang kanyang “administrasyon,” naks naman, hindi ba, hehehe!

Subalit, hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na makipagkita o makipag-usap sa kanya.

At ngayon nga, ayon sa ating kaibigang mamamahayag sa Palasyo, “napirmahan” na raw ang kanyang appointment eh, sa malamang, “no dice” na ako sa kanya dahil ang naging “dating” natin dito kay Ariel ay isa tayong “suplado,” tama ba, kasamang Jun Veneracion, hehehe, ayy, huhuhu!

Translation? Aba’y kahit ‘janitor’ sa Aduana o tagabalik ng alon sa Manila Bay, hindi na tayo mabibigyan ng posisyon sa pantalan nitong si “Comm. Ariel,” aguy, aguy, aguy!

Pero bago ka tuluyang “maguluhan,” kaibigang Jervy at Vic Reyes, hindi si ex-deputy commissioner for enforcement Ariel Nepomuceno (kumusta na kaya ang kaibigan nating ito? Long time no drink, err, no see, hehehe) ang tinutukoy ng ating ‘source’ sa Palasyo. Bagkus, itong si ‘Mr. Ariel Roa Victorino.’

Oh yes, ex-Comm. Nick Faeldon at ex-CIIS director, Neil ‘Star’ Estrella. Si Mr. Ariel Victorino nga na sinasabing “kamag-anak” ni PDU30 at noong 2017 ay nagpakilala na “siya” na ang “bagong customs commissioner,” kapalit ni Comm. Nick Faeldon, hehehe!

Aber, termino pa lang ni Comm. Bert Lina (na pinalitan ni Comm. Faeldon), sinasabi na rin nitong si Victorino na “siya” ang “susunod” o “bagong” commissioner ng Customs.

Kumbaga, dear readers, masasabing “ex-commissioner” na itong mamang ito dahil ilang beses nang napabalita na siya ay commissioner of customs, hihihi!

Kung bakit naman palagi niya itong ginagawa eh, “alam na this,” hindi ba dear readers? Hanggang ngayon kasi, sa maniwala kayo at sa hindi, marami pa ring “tanga” d’yan sa pantalan, ahahay!

Sabagay nga, hindi naman bawal ang mangarap -- kahit gising, hehehe!

* * *

Napag-usapan na rin lang ang pantalan, dear readers, heto pa ang isang hindi kapani-paniwalang “balita” sa pantalan.

Sa mga nakaraang araw kasi, napansin natin ang mga “banat” kay Comm. Jagger at sa kanyang administrasyon ng isang pahayagan, partikular na sa isyu ng “tara.”

Naniniwala naman tayo na mayroong ‘source’ ang nasabing pahayagan hinggil sa mga nangyayari sa Aduana.

Ang tanong nga lang natin eh, hindi naman kaya “nakakahalata” ang nasabing pahayagan na nagmimistula itong “ogags” dahil ang inilalabas na detalye sa isyu ng tara ay talagang malayo sa katotohanan?

Halimbawa na lang ay ang naisulat sa nasabing pahayagan na umaabot sa higit P30,000 per container ang ibinibigay bilang “tara” ng ilang mga smuggler sa tanggapan ni Comm. Jagger upang makalusot ang kanilang mga kargamento.

Ay sus, ginoo, hindi ba dear readers? Hindi ba produkto itong numerong ito ng isang nahihibang na pag-iisip?

Dangan kasi, kahit “sira-ulo,” hindi magagawang “maghatag” ng P30,000 “per lata” sa kahit saang opisina ng BoC.

At wala ring “sira-ulong” opisyal at kawani ng BoC na hihingi ng ganito kalaking halaga dahil alam nilang hindi ito kayang ibigay kahit ng pinakamalaking smuggler sa bansa.

Aber, nang tanungin nga natin ang ilang mga “antigo” sa hanay ng mga may transaksyon sa Aduana sa balitang ito, kahit sila ay napatawa na lang din.

Anila pa, “gusto” na sana nilang “maniwala” sa nasabing artikulo subalit agad nilang naisip na isa itong “basura” dahil sa detalyeng ito. “Wala ‘yan, intriga lang yan na walang basehan. Baka gusto lang magpakilala kay Comm. Jagger,” banggit pa nila sa atin.

Oo nga naman, hehehe!