Balik dignidag sa mga naaping babae

November 09, 2019

MARAMI sa babae sa Pilipinas ang nagnanasang ibalik ang orihinal nilang apelyido sa panahon na nagkaroon sila ng hindi magandang karanasan sa kanilang relasyon.

Gayunman, marami sa mga babae ang hirap na itong gawin dahil sa matinding proseso at mga ligal na hakbangin sa korte.

Kaya’t napapanahon ang panukalang isinusulong sa Senado na payagang gamitin ng mga kababaihang may asawa ang apelyido nito sa pagkadalaga.

Sa inihaing Senate Bill No. 985, o mas kilalang Reversion to Maiden Name Act ni Senador Manuel “Lito” Lapid hinahangad nito na ipabalik ang pangalan sa pagkadalaga nang walang nakakapagod at mahal na proseso ng korte na nauugnay dito.

“Sa ilalim ng kasalukuyang batas, hindi papayagang magpalit ng apelyido ang isang babae sa kanyang pasaporte kahit na hindi na sila nagsasama ng kaniyang asawa. Pwede lamang baguhin ang apelyido ng isang babae sa kanyang pasaporte kung namatay na ang kanyang asawa, di kaya naman sila ay annulled na sa korte, o kung ikaw ay ikinasal sa ibang bansa at nakipagdiborsiyo sa iyo ang iyong foreigner na asawa,” paliwanag ni Lapid.

Sinabi ni Lapid na layon ng panukala na mabigyan ng pagkakataon na maging indipendiyente ang mga kababaihan sa pamamagitan ng muling paggamit ng apelyido nito sa pagkadalaga.

Nakasaad din sa panukala na bigyan ng pagkakataon makapamili ang isang babae habang may asawa na gamitin o hindi ang apelyido ng asawa nito.

“Ang ganitong klase ng napakahigpit na panuntunin ay nakakahadlang naman sa karapatan ng ating mga kababaihan.  Ang piliing bumalik sa dati niyang apelyido ay dapat maging bukas na opsyon sa mga babae,” dagdag pa ng senador.

Para sa iba ang mga ganitong panukala ay maliit na bagay at hindi labis na mahalaga dahil hindi naman sila makikinabang.

Subalit para sa mga babaing nais bawiin ang kanilang dignidad at karangalan, prayoridad itong maituturing.

Kung sa ganitong bagay makakabawas tayo ng sakit at pait na nararamdaman ng ating mga kababayan, sa ating tingin ay karapat-dapat itong pag-ukulan ng atensyon.

Umaasa tayo na mabibigyang pansin ng ating mga mambabatas ang panukalang ito ni Leon Guerrero.