Banyo ng LGBT

August 16, 2019

PAULIT-ULIT ang isyu ng umano’y diskriminasyon sa mga LGBT, partikular sa sinasabing hindi pagpayag sa ibang transgender na gumamit ng banyo ng lalaki or babae.

Ilagay muna natin sa tamang perspektibo ang desisyon ng Farmers Plaza employee na palabasin sa women’s comfort room ang isang transgender. Kung matinong katwiran ang batayan, puwede nating sabihing tama ang pasya.

Huwag nating kalilimutan na ang nagisnan nating lahat at batay na rin sa Bibliya, dalawang uri lamang ang taong nilalang, babae at lalaki. Wala tayong intensiyong suportahan ang anumang diskriminasyon, doon lang tayo sa logical discussions.

Ngayon, halimbawang hindi nga pinapasok sa female restroom ang transgender, ang susunod na tanong, paano kung may janitor naman sa male toilet na hindi rin siya pinapasok?

Una, kung gagamit siya ng women’s restroom, maiilang ang mga babae na karaniwan namang nangyayari. Kung sa male toilet naman, may mga lalaki rin na naiilang kapag may pumasok sa kanilang banyo na nakaposturang babae.

Paano naman siya gagamit ng palikuran kung halimbawang bawal siya sa lalaki, bawal din siya sa babae? Dito papasok ang mandatory implementation ng pagkakaroon ng sariling banyo ng mga LGBT na dapat ay karaniwan na sa lahat ng establishments.

Aminin man natin o hindi, malaki ang populasyon ng LGBT, hindi lamang sa Pilipinas bagkus ay sa buong mundo. Sabi nga, hindi man sila nanganganak, parami naman sila nang parami.

Wala tayong nakikitang dahilan para kastiguhin ang Farmers Plaza sa ginawa ng kanilang janitress. Sa tingin natin, tumupad lamang ito sa kanilang obligasyon.

Maraming beses na tayo nakakita ng senaryo na nagrereklamo ang mga babae kapag may pumasok na “bakla” sa kanilang banyo. Kaya nga dito papasok ang tamang kaisipan na bigyan na natin ng sariling palikuran ang LGBT pero hindi rin dapat ito isang uri lamang. Meaning, hindi dapat basta “LGBT RESTROOM ONLY” dahil pagmumulan din ito ng gulo sa kanilang hanay.

Kailangang malinaw, LGBT (male) at LGBT (female) para alam din ng bawat isa kung saan sila dapat. Halimbawa, isa kang lalaki o babae na nagpapalit ng ari, dapat alam mo kung saan ka dito para hindi magulo.

Aminin man natin o hindi, kung anong uri ka ipinanganak, iyon ka na habambuhay kahit nagpapalit ka pa ng ari, nagpalagay ka pa o nagpatanggal ng boobs. Wala naman talagang isyu ng diskriminasyon sa ginawa ng janitress, doon lang tayo sa tamang katwiran.

Hindi na makokontrol ang mundo ng pagdami ng LGBT kaya kailangan din natin silang tanggapin. Sa isang banda naman, kailangang ding umayos ng kanilang sektor para hindi nagkakaroon ng isyu.

Iyong cross-dresser ng mga tibo ay hindi masyadong isyu pero sa iba, iyong cross dresser ng bakla ang nagiging problema. Kaya nga may mga high end bar ang hindi rin nagpapasok ng cross dresser na bakla dahil umaangal din ang ibang customers.

Kaya nga importante rin na umayos ang sinumang magpapasya ng sarili nilang kasarian by choice para makaiwas sa kontrobersiya.

Puwede naman talaga ang peaceful co-existence hangga’t walang nasasagasaan gaya ng tamang paggamit ng banyo.

Ang lahat ng panig, babae man, lalaki o LGTB ay kailangan niyang umayon sa hugis na kanyang kalagyan para mapayapa ang pagtanggap saan mang panig ang usapan.
allanpunglo@gmail.com