Barangay tanod, pumapapel bilang traffic investigator?

February 19, 2019

PANAHON na siguro upang sapilitang isailalim sa seminar ang mga barangay tanod lalo na sa mga malalaking barangay sa National Capital Region (NCR) dahil kadalasan ay umaabuso na sila sa kapangyarihan na nagreresulta para matutong mangotong.

Karamihan kasi sa mga tanod, lalo na sa mga lugar na pinamumugaran ng mga drug addict ay walang alam kung hanggang saan ang hangganan ng kanilang kapangyarihan na kadalasan ay nagiging ugat tuloy ng hindi pagkakaunawaan.

May ilang lugar pa nga sa Metro Manila na pumapayag ang kanilang barangay chairman na armasan o makapagdala ng baril ang mga tanod na lalo lamang nagbibigay sa kanila ng sobrang lakas ng loob upang gumawa ng mga maling hakbang.

Hindi lang naman miminsan nangyari ang pang-aabuso ng mga barangay tanod na gumagawa ng hakbang na lagpas sa kanilang dapat gampanan lalo na kung kinukunsinti sila ng mismong barangay chairman.

Dito nga lang sa barangay 164 Zone 14 sa Talipapa, Caloocan City na pinamumunuan ni Barangay Chairwoman Mila Uy, mukhang hindi yata alam ng isa sa kanilang mga barangay tanod kung hanggang saan lamang ang kanyang tungkulin.

Sa reklamo kasi ng isang rider, naatrasan niya ang dalawang motor na nakaparada sa lugar na sakop ng barangay ni Chairwoman Uy na ang isa ay pag-aari pala ng isang barangay tanod at dahil nagkaroon ng sira ang nabagsak na motor, kailangang kausapin niya ito.

Hindi kaagad nagkasundo ang dalawa sa presyo hanggang hingin daw ng tanod ang lisensiya ng rider at para patunayan na mayroon siyang lisensiya, pinakita niya ito pero ang nangyari, tuluyan ng kinumpiska ang lisensiya at nagsagawa na rin ng sariling imbestigasyon.

Anak ng tokwa, pinapelan na ng tanod ang dapat ay tungkulin ng isang traffic investigator?

Ang ginawa ng rider, dumiretso na siya sa Police Community Precinct (PCP) na nakakasakop sa lugar at isinumbong ang ginawang pagkumpiska ng tanod sa kanyang lisensiya. Pinaliwanagan naman daw ng pulis ang tanod na wala siyang kapangyarihan para magkumpiska ng lisensiya kaya’t napilitan na silang magtungo sa Sangandaan Police Traffic Enforcement Unit upang doon na ayusin ang problema.

Panawagan lang natin kay Chairwoman Mila Uy na sana, turuan niya ang kanyang mga tanod kung hanggang saan ang hangganan ng kanilang tungkulin. Hindi halal ng bayan ang mga tanod kaya’t anumang oras ay puwede silang sipain ng kabesa o ng lupon ng mga kagawad.

Kilalang mahusay at tapat sa tungkulin si Chairwoman Uy patunay na ibinigay ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan ang kanyang tiwala sa babaing kabesa kaya’t nararapat lamang na protektahan din niya, hindi lamang ang mga constituents at mga opisyal ng barangay kundi maging ordinaryong mamamayan.

Dagdag na social pension.

Maganda ang panukala ni dating Malabon Rep. Jaye Lacson-Noel na dagdagan ng pensiyon ang mga senior citizens mula P500 hanggang P1,200 lalo na’t nagtaasan na ang mga pangunahing bilihin matapos ang implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion law.

Dapat lang kasi na mabigyan ng kahalagahan ang naging kontribusyon ng mga lola at lolo sa ating lipunan at ang pagkakaloob sa kanila ng sapat na pensiyon ang isa sa kanyang magagandang adhikain.

Nagpahayag nga siya ng pagkabahala dahil ang dati aniyang maayos na pay-out para sa mga senior citizen na ipinamamahagi ng lokal na pamahalaan ng Malabon batay sa isinasaad ng Administrative Order 15 ng Department of Social Welfare and Development ay pinasok na rin ng pamumulitika.

Tiniyak ng naging three-term congresswoman na makikinabang ang lahat ng mga senior citizen sa bansa sa oras na maisabatas ang ipapanukala niyang dagdag na buwanang pensiyon sa oras na muling palaring makaupo bilang kinatawan sa Kongreso ng lungsod ng Malabon.

Bukod ito sa pangako niyang pagpapa-igting at pagpapalawak ng antas ng kabuhayan at ekonomiya ng lungsod.

Guess who?

Nagtaas na raw ng puting bandila, meaning, surrender na ang isang bagman ng isang mataas na opisyal ng kapulisan dahil hindi umano kayang malikom ang sapat na salapi na dapat niyang ibahagi, hindi lang sa opisyal, kundi sa iba pang gastusin.

Masyado raw mataas ang quota na itinakda ng opisyal kaya panay na lang ang hirit niya sa mga gambling lord sa nasasakupang lugar upang masustinihan ang kapritso at gastusin pero mukhang nabanas na rin ang mga illegalista kaya maging sila ay sumurender na rin sa mga hirit.

Ilang ulit na palang nagpapalit-palit ng bagman ang opisyal pero halos lahat daw ay sumusuko kalaunan dahil hirap silang matugunan ang quota ng opisyal. Kaya raw ganito ang hirit ni Sir ay dahil mucho-dinero siya sa nilisang posisyon bago pa mapunta sa kasalukuyang puwesto.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.