Basketball court, ginawang pay parking area

October 30, 2019

ISA ang lungsod ng Caloocan sa nabigyan ng 100 porsiyentong pagsunod sa kautusang linisin ang mga lansangan at bangketa sa lahat ng uri ng sagabal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) validating team.

Hindi magtatagumpay ang lungsod na makamit ang-60-araw na itinakdang deadline kung hindi naging masigasig si Mayor Oscar Malapitan na pukpukin ang bawat opisyal ng barangay na tumalima sa kautusan.

Siyempre, kahit masakit sa loob ng mga punong barangay na linisin ang nasasakupan nilang lansangan sa mga sagabal tulad ng mga illegal vendor na hindi maikakailang pinagkakakitaan ng karamihan sa kanila, kinailangan nilang tumalima dahil seryoso ang DILG at si Mayor Oca na kasuhan ang mga kabesang hindi susunod sa kautusan.

Ang hinaing lang ng ilang kabesa, may ilan sa kanila na nilinis nga sa vendors ang bangketang nasasakupan pero nakapagtatakang natayuan pa rin ng panibago dahil binasbasan umano ng isang opisyal ng city hall.

Ang iba namang punong barangay, may diskarte pa rin kahit nawala ang kanilang ganansiya sa mga sidewalk at illegal vendors pero siyempre hindi maaalis na may mga magrereklamo.

Tulad na lang dito sa Barangay 16, dumadaing ang mga kabataan dahil inalis ang basketball court sa pinaglalaruan nilang lugar upang gawing garahe at paradahan ng mga pribadong sasakyan, kapalit ng kanilang pagbabayad.

Hindi na kasi makagarahe o makapagparada sa mga gilid ng lansangan ang mga may-ari ng pribadong sasakyan dahil sa clearing operation kaya pinatos na nila ang umano’y singil na mula P20 hanggang P50 kada parada sa dating basketball court.

Nang tanungin natin kung saan napupunta ang perang ibinabayad ng mga nagpaparada ng sasakyan sa basketball court ng Barangay 16, aba’y ang tanungin daw ay ang kanilang barangay chairman.
Drug- cleared barangay

Sabi ni Navotas City Mayor Toby Tiangco, mahaba at mahirap ang laban kontra sa iligal na droga pero hindi sila susuko dahil ang bawat tagumpay aniyang makamit ay kapakipakinabang sa taumbayan.

Sa katunayan, isa na namang barangay sa lungsod, ang Bagumbayan North (BBN) ang idineklarang drug-cleared ng PDEA matapos makamit ang mga inilatag na alituntunin ng Dangerous Drug Board kaya umabot na sa siyam sa 18 barangay ang drug cleared kabilang ang North Bay Boulevard South (NBBS) Dagat-dagatan, NBBS Proper at NBBS Kaunlaran, Navotas East at Navotas West, Tanza I at Tanza II, at San Rafael Village.

Mismong si Mayor Tiangco, kasama ang Sangguniang Panlungsod, ang nag-abot ng PDEA certificate kay Chairwoman Marilou Gonzales at iba pang opisyal ng Barangay BBN sa simpleng seremonyang idinaos noong Oktubre 22 sa barangay hall.

Upang maging drug cleared ang isang barangay, ang drug personalities na nasa unified watch list ay kailangan mabigyan ng karampatang tugon, ang barangay ay may drug-free workplace; ang mga opisyal nito ay aktibong sumusuporta sa anti-drug activities, at iba pa.

Pinaalalahanan ng alkalde ang mga Navoteño na ang pagiging drug-cleared ay hindi nangangahulugan na tuluyan ng nawala ang problema ng droga sa barangay kaya’t kailangan ang pagiging mapagmatyag at kaagad isumbong sa Text JRT o Toby ang kahina-hinalang kilos o aktibidad ng isang tao upang mapanatiling ligtas ang mamamayan.
Text ng readers

Reklamo ng isang motorista, bakit daw nabigyan ng 100 percent compliance ng validation team ng DILG ang Caloocan City sa pagsasagawa ng clearing operation gayung kabi-kabila ang nakabalagbag na pagparada ng mga tricycle sa kahabaan ng C. Namie Street sa Bgy. 25 na hindi masawata ng barangay official. Ang naturang lansangan pa naman ang alternatibong daan sa pagitan ng Maynila at Caloocan lalo na kung tag-ulan at lubog sa tubig-baha ang kanto ng Rizal Avenue at R. Papa.

Isa namang reader ang inireklamo ang mga pasaway na tsuper ng pampasaherong jeep na biyaheng Pritil-SM San Lazaro via Tayuman dahil sa garapalang paghihintay ng pasahero sa mismong gitna ng Tayuman sa kanto ng Rizal Avenue. May mga traffic enforcer naman daw sa lugar pero dedma lang at hindi man lang pinapaalis o tinitikitan ang mga kapal-muks na driver.

Sa text ng reader na may huling numero ng mobile phone na 2939, hiling niya sa bagong upong hepe ng Highway Patrol Group (HPG) na si Brig. Gen. Dionardo Carlos na magsagawa raw ng malawakang operasyon laban sa mga pribadong motoristang gumagamit pa rin ng “wang-wang” para makalusot sa masikip na daloy ng trapiko. Karamihan daw ay mga Chinese looking ang mahilig mag-wang-wang ng kanilang bagong sasakyan na wala pang plaka.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363