Bata-bata system sa PNP, tapusin na

September 07, 2019

MATIKAS na pagsaludo ang nais nating iparating sa mga tauhan ng Regional Special Operations Unit ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) makaraang hindi magpadala sa tukso at sa halip ay pinosasan ang isang Chinese, kanyang abogado at isa pang lalaki nang suhulan sila kapalit ng pagpapalaya sa isa pang Tsino na nahuli sa isang sex den sa Makati City.

Inaresto sina Xiangfei Huang, 29 anyos, nanunuluyan sa Gramercy Hotel sa Makati City; Atty. Joselito Vasquez, 56; at si Meljohn Palma, 43, messenger, residente ng Imus, Cavite.

Sa ulat ng NCRPO-RSOU, naganap ang insidente sa loob pa mismo ng kanilang tanggapan sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.

Una nang sinalakay ng pulisya ang isang sex den at kuta ng sindikato ng human trafficking sa Makati City na nagresulta sa pagkakasagip sa anim na babaeng Vietnamese na pinagtatrabaho bilang sex workers habang dalawang Chinese national ang nadakip.

Kumontak umano ang abogadong si Vasquez sa hepe ng RSOU na si PCol. Rogarth Campo at nag-alok ng P2 milyon para agad na mapalaya ang hinuling si Li Xuemei.

Nakipagkasundo ang RSOU sa suspect na nagplano para ikasa ang entrapment operation at nang ibigay ang P1 million, doon na pinosasan ang abogado.

Kung ganitong uri ng mga pulis ang mayroon tayo, tiyak na marami na ang matatakot na gumawa ng krimen at magsalaula sa ating mga batas.

Muli, snappy salute para kay Col. Campo at mga tauhan na palaging sumusunod sa bilin ni NCRPO Chief, Police Major General Guillermo Eleazar laban sa katiwalian.

*****

Buong kagalakan namang ini-welcome ni NCRPO Chief, Police Major General Guillermo Eleazar ang mga recruit na nakapasa sa pagsusulit ng Philippine National Police.

“Walang padrino-padrino, walang sponsor, walang nakiusap na pulitiko, at walang mayaman, walang mahirap,” saad ni Eleazar kasabay ng pagsasabing sa unang pagkakataon naman, gumamit na ang PNP ng BAR CODING SYSTEM  para sa kanilang recruitment process.

Sa naturang sistema, bibigyan ang aplikante ng secret code na walang makakaalam sa organisasyon.

Ngayong taon, nasa 4,000 aplikante ang sumalang sa physical at agility tests, kabilang na ang neuro-psychiatric exam nang wala nang intervention mula sa loob ng ahensya.

Lumitaw sa pagsusulit na mayorya ng mga aplikante ay may 85% pataas na average sa kanilang college subjects.

“It is about time we hire only the best policemen for the PNP  and for our country,” giit ni Guillor.

Bago anya ang pagbabagong ito, maraming aplikante ang misteryosong nakakapasa sa mga pagsusuri kabilang na ang neuro-psychiatric exam dahil sa panunuhol at koneksyon na nagiging dahilan ng pagkakaroon ng mga police scalawag.

Kasabay nito, hinamon ni Eleazar ang may 300 ‘millennial cops’ na maging tapat sa kanilang tungkulin at tiyaking hindi sasayangin ang kanilang pinaghirapan para makapasok sa organisasyon.

“We will train you well and we know that from this core will come some of the best policemen and officers in the history of the PNP,” bilin pa nito.

Pabor tayo sa naging pahayag ni Eleazar na panahon na upang matapos na ang bata-bata system sa recruitment sa PNP nang matiyak na mga deserving lamang ang makapapasok sa PNP at mapangalagaan ang integridad ng ating kapulisan.