Home>Editorial>Opinion>Bawal epal sa pandemya

Bawal epal sa pandemya

MINSAN ang mga epalitiko o ang mga pulitikong mahilig pumapel ay wala nang pinipiling panahon sa kanilang pamumulitika.

Tulad ngayong panahon ng pandemya dulot ng COVID-19 crisis, marami pa ring pulitiko ang hindi nagpapapigil at ipinagbabalandra ang kanilang mga pangalan at mukha sa bawat pagtulong na kanilang ginagawa.

Kaya naman dapat nating paulit-ulitin ang babala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga politikong gagamitin ang pamamahagi ng ayuda para sa eleksyon.

The use of the ayuda for partisan political purposes for the 2022 national elections is strictly prohibited. The DILG will not tolerate the politicization of government aid or tolerate the practice when we see it or made aware of it,” saad ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya.

Ipinaliwanag ni Malaya na sa ilalim ng Section 82 ng General Appropriations Act ipinagbabawal ang paggamit ng “name, visage, appearance, logo, signature, or any other analogous image of any public official, whether elected or appointed, on all programs, activities, and projects of the government.

Sinabi ni Malaya na mahaharap ang sinumang lalabag sa kasong administratibo batay sa COA Circular 2013-004.

Tulad na lang ng impormasyon na nakarating sa atin hinggil sa isang barangay councilor sa Baclaran, Paranaque City na nangunguna raw sa pagiging ‘epalitko’.

Isinabay umano ng barangay official na ito ang pagkakalat ng kanyang mga sticker sa pamamahagi ng ayuda na bigas, noodles at de lata.

Sa kanyang stickers, makikita ang mukha at pangalan ng epalitiko na dati nang tumakbo bilang konsehal ng bayan.

Alam nating aktibo ngayon si Metro Manila Council Chairman at Paranaque City Mayor Edwin Olivarez sa mga desisyon ng mga alkalde sa buong Kalakhang Maynila para sa iisang aksyon kontra sa pandemic na ito.

Nakikita naman ng lahat ang maayos niyang pamumuno sa MMC at tunay na malasakit para sa lahat.

Naging batik nga lang sa kanya ang pagturing bilang VIP sa artistang si Mark Anthony Fernandez para makakuha agad ng bakuna na dapat ay inuuna ang mga healthcare workers.

Sa puntong ito, makakabawi si Olivarez kung pangungunahan niya mismo ang pagkastigo sa barangay councilor na ito at sa iba pang epalitiko sa kanyang nasasakupan.

Ang aksyon niyang ganito ay tiyak kong pamamarisan hindi lamang ng iba pang alkalde sa Metro Manila kung hindi sa buong bansa.

Bata mo ko, Mayor Olivarez, Boss!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large