Bawas singil sa SLEX

HINDI pa man tuluyang pumapasok ang sinasabing Christmas traffic jam ay matinding kalbaryo na ang dinaranas ng mga kababayan natin mula sa Southern Luzon paluwas ng Metro Manila dahil sa Skyway extension project.

Dahil dito, iginiit nina  Senador Grace Poe at Senador Win Gatchalian na magpatupad ng bawas-singil sa toll fee sa South Luzon Expressway (SLEX) dahil sa epekto sa mabagal na daloy ng trapiko.

Ayon sa mga mambabatas, hindi katanggap-tanggap na malaking pera ang ibinabayad ng mga motorista sa SLEX para mapadali ang takbo ng mga ito subalit kabaligtaran naman ang nangyayari sa kasalukuyan.

“Motorists deserve to pay less for the trouble the gridlock is causing due to the extension project. Sa mala-prusisyong usad ng trapiko dahil dito, masama bang hilinging kaltasan ang toll sa mga motorista?” pag-uusisa ni Poe.

Sinabi pa nito na sa pamamagitan ng bawas toll fee ay maipakikita ng pamahalaan at ng tollway management ang sentimiyento ng mga motoristang dumaraan sa SLEX.

“Nagbabayad tayo ng toll dahil gusto natin ng mabilis na biyahe, kaya nga expressway. Pero ngayon, 28 kilometro ang ginagapang ng ating mga kababayan araw-araw,” giit ni Poe.

Una nang sinopla ni Poe si  Abraham Sales, executive director ng Toll Regulatory Board (TRB), sa pagsasabi nitong hihilingin ang tulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa susunod na linggo upang makatulong na maibsan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa SLEX.

“Bakit pa hihintayin iyong next week?  I’m sure you can call the MMDA to come now and help,” sabi ni Poe.

Iginiit naman ni Gatchalian na  ipagpaliwanag ng TRB ang Skyway at SLEX sa pagsasagawa ng konstruksyon nang wala man lamang mitigating measures na ipinatutupad.

Sa inilabas na traffic advisory ng TRB, isinara ang Lane 3 northbound o ang outermost lane paglagpas ng Alabang Viaduct sa Muntinlupa City simula pa noong Setyembre 24 dahil sa konstruksyon ng pylons sa 6-km. extension ng Skyway mula Barangay Cupang hanggang Susana Heights.

Sa ganang akin, nararapat lamang na bawasan ang singil sa toll lalo pa’t mas malaking gastusin sa krudo o gasolina ang dulot ng napakahabang trapiko.

Marami ang natutuwang dumaraan sa mga expressway lalo na sa Skyway kahit nagbabayad ng mas mahal dahil ang katumbas naman nito ay ang oras na matitipid sa mabilis na biyahe.

Subalit kung ganito ang nangyayari, hindi na makatarungang magbayad ng mas mahal na toll sa mga kalsadang ito hangga’t hindi natatapos ang proyekto.