Home>Editorial>Opinion>Bayanihan at hindi RevGov ang sagot sa pandemya

Bayanihan at hindi RevGov ang sagot sa pandemya

SA GITNA ng laban ng bansa kontra sa COVID-19 pandemic, inilutang ng mga nagpakilalang taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte ang posibilidad ng pagsusulong revolutionary government.

Layun umano nito na mapanatili ang stability ng liderato ng pamahalaan kahit matapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng pagtatalaga sa kanyang pinuno ng Revolutionary Government.

Sa gitna naman nito, pinayuhan ni Senador Manny Pacquiao ang grupong nagsusulong ng revolutionary government na ituon na lang ang kanilang atensyon sa pagtulong sa gobyerno sa kampanya laban sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Pacman na mas makabubuting gamitin ng grupo ang kanilang pondo sa pagbili ng mga PCR testing kits at i-donate sa publiko para sa libreng testing.

Iginiit ni Pacquiao na hindi napapanahon at insensitive ang pagsusulong ngayon ng revolutionary governnment.

“Nagsalita na ang ating mahal na Pangulong Duterte. Sana naman kung tunay po kayong nagmamalasakit sa Pangulo at sa sambayanang Pilipino ay isantabi niyo na po ang inyong isinusulong nang treason ang gumagawa nito.

“Huwag na po natin ipilit ito lalo na ngayon na halos wala ng makain ang iba nating mga kababayan dahil sa pandemya. Mas mabuti na sa halip na ubusin natin ang ating panahon sa mga bagay na lalo lamang nagiging dahilan ng pagkakawatak-watak natin ay gamitin na lang natin ito upang makatulong sa ating mga kababayan,” diin pa ni Pacquiao.

Sa aksyon na ito ng grupong supporter umano ni PRRD, marami ang lumabas na haka-haka sa tunay na kalagayan ng bansa at ng kalusugan ni Pangulong Duterte.

May mga natakot subalit marami rin ang natawa na lang sa aksyong itong ng grupo lalo na nang dumistansya ang Pangulo sa naturang hakbang.

Sa panahon ngayon na marami ang nawawalan ng trabaho, naghihirap, problema sa mailalagay na pagkain sa kanilang lamesa at sa pag-aaral ng kanilang mga anak, sa ating pananaw ay hindi kinakailangan ng mga hakbangin na tingin natin ay lalong makapaghahati-hati sa dati na ngang hati-hating Pilipinas.

Tulad ng panawagan simula nang pumutok ang COVID-19, bayanihan o pagkakaisa ang higit na kailangan natin ngayon upang tiyak nating malagpasan ang pagsubok na dulot ng pandemyang ito.

Kaya naman pabor tayo sa panawagan ng Pambansang Kamao na sa halip na gastusan ang isinusulong na RevGov, gamitin na lang ang pera, panahon at lakas sa pagtulong sa mga higit na nangangailangan.

Sa ganitong paraan, sabay-sabay tayong hahakbang pasulong at yayakapin ang magandang bukas.

 

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large