BBB nakasalalay sa BoC at BIR

January 22, 2020

BILANG na ang araw ng mga  tiwaling opisyal at tauhan ng Bureau of Customs (BoC).

Mismong si Pangulong Rody Duterte na ang nagsabing panahon na para wakasan ang  ginagawang panloloko ng ilang taga-BoC.

Hindi puwedeng walang mangyari sa utos ni Pangulong Duterte na internal cleansing sa ahensiya.

Mahalagang papel ang ginagampanan ng BoC sa Build, Build, Build” program ng gobyerno.

Kailangan ni Duterte ng sapat na pera para pondohan ang mga BBB project.

Huwag natin kalimutan na ang BoC, na pinamumunuan ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero, ang siyang pangalawang pinakamalaking revenue generator ng gobyerno.

Siyempre, ang number one ay ang Bureau of Internal Revenue o BIR.

Nakasalalay ang tagumpay ng BBB program sa revenue collection ng BoC at BIR.

Ito ang dahilan kung bakit dapat walisin na sa Aduana ang mga lingkod bayan na nakikipagsabwatan sa mga ismagler/player.

Sir Jagger, naghihintay ang Malakanyang  kung kailan mawawala ang mga tiwaling taga-BoC, isabay mo na ang mga taga-CIIS na protektor ng mga bigtime player/smuggler na ang kayang pahirapan ay ang maliliit na broker/importer.  

Huwag nating hintaying mainip pa si Pangulong Duterte sa kahihintay ng resulta ng BoC internal cleansing program.

Marami ang mga nakahandang  magsilbi sa Aduana.    

***

Ang gusto ng mga taga- Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BoC-NAIA) ay magtrabaho na malayo sa limelight.

Pero hindi naman puwede, kasi talagang pang-diyaryo, telebisyon at radyo ang kanilang mga  accomplishment.

Kagaya na lang nang pagkakasabat nila kamakailan ng mga liquid marijuana sa ibat-ibang bodega sa Pasay City.

Alam naman ng lahat na ang giyera laban sa iligal na droga ang isa sa mga tinututukan ng administrasyon.

Noon ngang nakaraang Lunes ay iprinisinta sa mga mamamahayag ni BoC-NAIA district collector Mimel S. Manahan-Talusan ang may P.7 milyong halaga ng liquid marijuana.

Ang marijuana ay nakalagay sa 333 cartridges sa magkakahiwalay na cargo air parcels.

Nakipag-ugnayan kaagad si Collector Talusan sa Philippine Drug Enforcement Agency at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Force.

Nasa pag-iingat na ng PDEA ang nasabat na marijuana para sa kaukulang imbestigasyon.

Sa tingin natin ay galit na galit na ang mga nagpaparating ng mga kontrabandong droga kay Talusan.

Marami na kasing nasasabat na shabu, marijuana at iba pang iligal na droga sa NAIA.

Hindi lang magaling na tax collector si Talusan kundi matinik na drug buster din.

Talagang proud na proud si dating BoC Depcom Julie Singson-Manahan sa ginagawa ng kanyang anak na si Collector Talusan.

Si Depcom Julie ay kapatid ni dating Ilocos Sur Governor at ngayon Narvacan Mayor Chavit Singson.

***

Gustuhin man ng gobyerno na dito na lang magtrabaho ang ating mga kababayan ay hindi pa puwede sa ngayon.

Kumpara sa ibang bansa, ang baba ng kinikita ng mga nagtatrabaho sa Pilipinas.

Ang liit na nga ang sahod, ang hirap pang ma-regular ng mga empleyado sa bansa.

Halos lahat ng Pinoy ay gustong magtrabaho sa labas ng bansa.

Ito’y sa kabila ng mga dumaraming insidente ng pananakit sa ating mga kababayan na nagtatrabaho sa ibang bansa lalo na ang ating mga kababaihan na hinahalay at sinasaktan ng mga malulupit na foreign employer.

May mga panawagan na ngang ipagbawal na ng gobyerno ang pagpapadala sa labas ng bansa ng mga babaeng domestic worker.

Madalas kasing sila ang inaabuso ng mga among banyaga.

Panahon na para ikulong ng habambuhay ang mga may-ari ng recruitment agency na nagpadala sa labas ng bansa ng mga pinatay, hinalay o ikinulong na overseas Filipino worker.

Kung hindi gagawin ito ay  hindi titigil ang pang-aabuso sa mga OFW.

(Para sa inyong komento o suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)