Bent cops’ pinakamahirap hulihin

BAGSAK ang presyo ng mangga sa Pilipinas dahil sumobra ang suplay nito. Ibig sabihin, mas marami ang inaaning mangga ngunit kaunti ang bumibili nito. Apektado tuloy ang kabuhayan ng ating mga magsasaka.

Sa katunayan, tutulong ang Department of Agriculture upang magawan ng solusyon ang problema. Kasalukuyang itinutulak ng DA ang Philppine mango sa abroad at nakatanggap na ito ng order mula sa Germany kung hindi ako nagkakamali.

Samantala, patuloy kong hinahanap ang sinasabing murang mangga dito sa Metro Manila ngunit hindi ko makita. Kung sabagay, bago dumating ang mangga dito sa Metro Manila ay katakot-takot na patong sa presyo na ang ginawa ng mga ‘middle man’.

Hindi kaya peke ang sinasabing bagsak na presyo ng manga?

**

Mainam ang ginawa ng Department of Information and Communications Technology at National Telecommunications Commission sa pag-obliga sa Globe at PLDT na kusang buksan o gawing ‘open’ ang mga cellphone na kanilang ibinibigay sa mga subscriber kapag tapos na ang kontrata.

Dati kasi ay kahit tapos na ang kontrata ng mga subscriber sa mga telecommunications company o telco ay ‘closed’  pa rin ang device kaya hindi mapalitan ng subscriber ang serbisyo. Pero ngayon, obligado nang buksan ng mga telco ang mga device kapag tapos na ang kontrata.

Obligado rin ang mga telco na magtayo ng mga pasilidad kung saan maaaring magtungo ang mga kwalipikadong subscriber upang buksan ang kanilang mga cellphone.

Pero hindi ba’t napakadali namang buksan o gawing ‘open’ ang mga cellphone? Punta ka lang sa kanto ng barangay at nandun na si ‘kuya’ at si ‘ate’ para gawin ‘yun.  Nasa P150 lang yata ang singil nila at pwede ka nang magpalit ng serbisyo, Globe man o PLDT.

Ang dapat sigurong pag-isipan ng DICT at NPC ay kung paano agad pagandahin ang serbisyo ng mga telco sa bansa dahil napakahina ng signal at napakabagal ng internet natin. Kulang din sa pansin ng DICT at NPC ang sinasabing mga ‘naka-load’ na umaabot sa bilyong piso.
Ang usapin ng close o open line ay barya lang mga kaibigan.

**

Napakahirap humuli ng kriminal o mga taong lumabag sa batas pero pinakamahirap ang humuli ng mga baluktot na tagapagpatupad ng batas.

Ito ang tema ng bago kong kinagigiliwan na palabas na ‘Line of Duty’.  Tungkol ito sa isang unit (AC o Anti-Corruption 12)  ng pulisya sa Britanya na tumutugis sa mga tiwaling pulis o tinatawag nilang ‘bent coppers’.

Walang sinasanto ang AC 12.  Ordinaryong pulis, imbestigador, opisyal, active or retired.

Hindi pa malinaw sa akin kung ano ang counterpart nito sa ating Philippine National Police pero mismong sina PNP Chief Oscar Albayalde at NCRPO Chief Guillermo Eleazar ang nakikita nating dumadakip sa mga masasamang itlog ng ating pulisya. Pero alam naman natin na may mga nagtatatrabaho sa likod nila upang madakip ang mga salarin. Nariyan ang mga informants, witnesses at  police operatives.

Sana ay may mahuli rin na malalaking isda sa hanay ng PNP sina Albayalde at Guillermo. Alam naman kasi ng taumbayan na puro mga maliliit na isda lamang ang nahuhuli nila.
May ibubuga pa kayo mga sir.

**

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com