‘Bibilhin ko na ang Technohub’

January 22, 2020

WALA nang makakapigil sa akin. Inilabas ko na ang lahat ng ipon ko, kasama na ang alkansiya ng aking apo. 

Bibilhin ko na talaga ang buong Ayala Technohub na nasa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Matagal ko nang pangarap na makabili ng commercial properties kaya lamang kapos ang aking pera.

Pero sa pagkakataong ito, wala nang atrasan. Itotodo ko na ito.

Sa ngayon, inuupahan pala ng Ayala company ang UP property na Technohub sa halagang P20.00 per square meter.

Aabot sa 37 ektarya ang UP property na iyon. Sa kuwenta ko, lalabas na P200,000 lang kada ektarya.

Kung multiply by 37 ang 200,000, aabot lang ito sa P7.4M. Balak kong umutang sa bangko ng P5M tapos ibenta ko sasakyan pati bahay. Siguro konting-konti na lang, aabot na sa P7.4M ang pera.

Pero gusto ko benta na ng UP sa akin, ayoko ng long term lease.

Kasama na pala ang deal na ito sa pinaiimbestigahan ni Pangulong Duterte. Boss  Rody baka naman puwede bilhin ko na yang UP property na yan para gawin kong taniman ng munggo!

Anong klaseng deal na naman ito? Katulad din ata ito ng Mile Long property na pag-aari ng gobyerno sa Makati. Inupahan sa gobyerno ng P150.00 per square tapos iyong nag-lease naman ay pinaupahan ng P300K per square. Parehas na parehas!

Buti na lang nabawi na ng gobyerno ang Mile Long property na nasa Amorsolo, Makati.

Iyong Trinoma at Vertis North and Seda Hotel deal kumusta naman kaya?

Ang alam ko pag-aari ng NHA ang ekta-ektaryang lupain na yan sa North Edsa.

Nabanggit sa akin noon ni former Housing czar at former Cabinet secretery Jun Evasco na paiimbestigahan din niya ang lupa na kinatatayuan ng Trinoma. Ano na kaya ang nangyari dito.

Kung P20.00 din ang lease contract dyan, baka pag-isipan kong bilhin na rin ang Trinoma, Seda Hotel at Vertis North.

May itinatayo pang Solaire sa tapat ng Landmark at Seda Hotel baka maisama na iyon sa bibilhin ko kapag P20 din ang renta nila.

Wala nang sisingit sa deal na ito, ako na naunang nagplano kaya akin lahat yan!

Kung gusto nyong makabili ng parte ng lote, bilhin nyo sa akin ng P400K  square dahil yan na ang presyo ngayon ng mga lupa na iyon.
allanpunglo@gmail.com