Bigo ang ‘kikiam gang’

December 02, 2019

NAKAALPAS na sa matinding obstacle course ang SEA Games organizing committee.

Ang tinutukoy kong obstacle ay iyong mga walang magawa sa buhay kung hindi mag-isip ng ikasisira ng ating bayan. Iyong mga tsismosa’t tsismosa na ang pangarap lang sa buhay ay makapanira ng kapwa mula pagkabata.

Sila iyong bago matulog sa gabi ay nag-iisip na kung paano sisiraan ang bayan para maganda ang gising nila.

Ngayong nakita nila ang big bang opening ng SEA Games na world class ang peg, nakanganga sila na parang naghihintay na mabagsakan ng kikiam ang kanilang mga bibig.

Sa kasaysayan ng ating bansa sa pag-host ng  international sports event, ngayon lamang tayo nakakita ng ganitong klase ng preparasyon na sinikap ibagsak ng kikiam gang pero nabigo.

Ibang klase rin ang mga taong ito, humuhugot ng lakas sa ikasisira ng kanyang bansa.

Iyon iba, nagbabangong-puri matapos malaman na fake news pala ang kanilang pinagsi-share sa social media, lalo na ang kikiam issue at binigyan ng baboy ang Muslim athletes.

Pilit nilang nilulunok ang kanilang kabulastugang pagpapakalat ng mga post na laban sa organizing committee at sa gobyerno. Hoy huwag kayo magkaila, kabilang din kayo sa mga hindi nagbabayad ng tamang buwis!

Matapos ang spectacular opening night, tiklop lahat sila, ayaw magpahalatang napahiya sila sa mga pinakalat nilang fake news. Nang malamang peke ang nai-share nila,  ang naisip naman nilang siraan ay si House Speaker Alan Peter Cayetano.

Hindi man lang nila kakilala si Speaker Alan Peter at wala silang idea kung anong hirap ang inabot sa preparasyon, kung anu-ano na ang sinasabi.

Ganoon ang mga taong walang iniisip kung hindi lumundag sa kahit anong makita nilang balita. Mabilis silang mag-react gamit ang mga balita na likha rin ng mga instrumentong nagpapakalat ng fake news.  

Ang problema, kapag nilaliman ang pagkilatis sa mga taong walang magawa sa buhay, sobrang babaw naman!

Iyong isang dilawang bloger na nagpapanggap na journalist, iba rin ang tingin sa spectular opening. Para sa kanya, mukhang karnabal at perya lang daw.  

Lumapit-lapit ka nga rito para maigapos ka namin sa kaldero!  

Kung ganitong klase ng mga Pilipino ang nasa abroad habang sinisiraan ang kanyang bansa, dapat siguro ay pinapadala lahat ang kanyang gamit kung nasaan man siya para huwag nang pabalikin dito.

Kunsabagay, kasama ito ng kikiam gang na dapat ikahiya ng bayan dahil wala pang nagagawang matino mula nang maputulan ng pusod!

Tandaan nyo ang mukha ng mga miyembro ng kikiam gang, iwasan nyo ang mga taong yan dahil ipaphahamak kayo nyan!

allanpunglo@gmail.com