Bilib kami sa sistema ng Parañaque

November 27, 2018

NGAYONG magpa-Pasko,  hindi na maiiwasan ang masikip na daloy ng trapiko sa mga lansangan dahil kabi-kabila na ang sale sa mall na umaabot sa hatinggabi at iba pang aktibidad na hindi kayang kontrolin at resolbahin ng Department of Transportation (DoTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) lalo na’t libu-libo na ang  mga sasakyan sa lansangan.

Dito naman ako talagang napabilib sa Parañaque dahil bukod sa MMDA, sila ang kauna-unahang LGU na gumamit ng tinatawag na “no-contact traffic apprehension system” kung saan hinuhuli sa pamamagitan ng high-definition cameras ang mga violator sa kalsada. Nase-save ng camera ang sinumang gumawa ng violation at nakukuha ang plaka nito, kasunod ang pagpapadala ng ticket sa kung kanino nakarehistro ito. Wala talagang lusot ang violator. Higit sa lahat, bawas ang kotong dahil maiiwasan na ang pag-aayos sa mga enforcer na manghuhuli.

Saludo tayo sa Parañaque sa pagkakataong ito. Sinusuportahan kasi yung ibang sangay ng gobyerno sa pagpapatupad ng traffic at ika nga ay self-regulating. Ilang milyon din ba ang commuters at drivers diyan araw-araw at importanteng daanan yan papunta sa South katulad ng Cavite at maging yung mga tutungo sa airport.

Ayon sa Waze, ang Metro Manila daw ay isa sa may pinakamalalang trapiko sa buong mundo. Pinatunayan din yan dun sa isang study ng Boston Consulting Group na inilabas noong nakaraang taon na sa kasalukuyang datos ng pagdami ng sasakyan sa Maynila ay nanganganib umabot sa standstill level of congestion na 10km per hour pagdating ng 2022. Nakakabahala talaga ito.

Ayon din kay traffic and road safety advocate Jason Salvador na dating managing director ng Global Road Safety Partnership ng Ateneo School of Government, halos bumaba ng 50% and bilang ng traffic violators sa Parañaque magmula nang magkaroon ng camera nitong taon. Hindi daw biro ang ganitong achievement. Magagawa lang daw ito ng isang lider na may “political will” dahil hindi biro ang magpatupad ng ganitong disiplina sa publiko.

Sana ay tularan ng ibang LGU ang ginagawang ito ni Mayor Edwin Olivarez at kanyang alas na si City Administrator Fernando “Ding” Soriano dahil magandang ehemplo ang pagkakaroon ng no-contact traffic camera apprehension system. Nadidisiplina ang mga tsuper. Nagiging responsable ang mga ito dahil takot mahuli. Nakakatulong din sa seguridad ang camera katulad ng pag-monitor ng krimen atbp. Nababawasan ang korapsyon. Win-win, ika nga. Panahon na para gayahin natin ang magandang sistemang ito.

Dalisay na paglilingkod.

Mahigit isang linggo pa lamang nakakaupo si Northern Police District (NPD) director Chief Supt. Rolando Anduyan pero sinalubong na siya ng sunud-sunod na patayan sa nasasakupang lungsod.

Bagama’t may bitbit na sariling mga tauhan ang opisyal, mukhang hindi naman daw kabisado ng mga ito ang malaking problema ng kriminalidad sa mga lungsod na nasasakupan, partikular sa Caloocan at Malabon dahil mukhang sa mga illegal na sugal daw nakatuon ang kanilang atensiyon.

Dapat siguro’y maging wagas at “dalisay” muna ang ipamalas na paglilingkod ng mga bata ni Gen. Anduyan at hindi ang paghahanap ng mina ang kanilang atupagin para hindi naman malagay sa alanganing sitwasyon ang kanilang hepe. Tama ba Mang Romy?
Bagong buhay

Panibagong buhay ang tatahakin ng may 19  pamilyang Navoteño na dating naninirahan sa mga mapanganib na lugar matapos silang mapagkalooban ng lokal na pamahalaan ng tirahan sa itinayong tatlong palapag na gusali sa Bgy. Tanza 2.

Mismong sina Mayor John Rey Tiangco at Cong. Toby Tiangco, kasama ang mga kinatawan ng National Housing Authority ang nagpasinaya sa bagong tirahan ng mapapalad na pamilya sa Navotas Homes, Tanza II na kabilang sa limang city-housing projects ng Navotas na nakalaan sa 1,803460 pamilyang naninirahan sa mga danger zones.

Sinabi ni Mayor Tiangco na pinagpursigihan nilang mabigyan ng ligtas at maayos na tirahan ang mga nakatira sa mga danger zones na hindi nangangamba sa kanilang kaligtasan habang pinaalalahanan naman sila ni Rep.Toby na sundin ang mga alituntuning inilatag ng pamahalaang lungsod upang mapanatiling maayos at payapa ang kanilang komunidad.

Kinakailangan lamang na pumasa sa drug test ang lahat ng miyembro ng aplikanteng pamilya at tiyakin na hindi sila magsusugal o iinom ng alak sa loob ng kanilang unit.

Samantala, pinasinayahan din nina Mayor Tiangco at Cong. Toby Tiangco ang Navocare Community Rehabilitation and Physical Therapy Clinic sa Bgy. Tanza I na magsisilbing klinika ng mga naninirahan sa Tanza na maaaring gumamot sa mga kaso ng “muscus skeletal cases” tulad ng pagkabali ng buto, nalamigang bahagi ng katawan, panginginig ng kalamnan, pulikat, pati na ang paghahandog ng therapy para sa dumaranas ng problema sa daloy ng dugo, Parkinson’s desease at cerebral palsy.

Naniniwala ang magkapatid na Mayor Tiangco at Rep. Toby na malayo sa kabayanan ang Tanza kaya’t dito nila naisipang itayo ang Physical Theraphy Clinic para matugunan ang pangangailangang medikal at pangkalusugan ng mga residente.

Nauna ng itinayo sa nasabing barangay ang 2-in-1 health facility kung saan nakapaloob ang lying-in clinic, health center, at Tuberculosis Directly Observed Treatment, Short Course (TB-DOTS) center habang itinatayo naman sa Bgy. San Jose ang isang medical hub na maghahandog din ng community-based rehabilitation and physical therapy.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.