Bilis ng panahon kay Duterte

KAHANGA-HANGA ang lalo pang pagtaas ng performance at trust rating ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ibig sabihin, marami pa rin ang umaasa ng pagbabago sa ilalim ng kanyang administrasyon sa kabila ng mga ampaw na batikos laban sa kanya.

Tatlong taon na lamang at matatapos na ang termino ni Duterte sa Malakanyang. Ayon sa kanyang mga kritiko, mabilis na lamang ang tatlong taon. Tumpak naman sila dito dahil mabilis talaga ang takbo ng panahon sa isang pangulo na maraming ginagawa.

Katatapos nga lang ng may 17 paliparan na pinaayos ni Duterte upang lalo pang mapalakas ang kalakalan at turismo sa Pilipinas. Mahalaga ang mga airport at iba pang pasilidad para sa transportasyon upang lumakas ang ekonomiya ng bansa.

Sana ay matapos rin sa ilalim ng administrasyon ni Duterte ang mga mahahalagang proyekto sa imprastraktura partikular ang mga skyway, subway at railway projects na kasalukuyang tumatakbo upang maibsan ang problema sa trapiko ng Metro Manila.

**

Ang mainam kay Duterte kaya siya pinagtitiwalaan ng taumbayan ay ang kanyang polisiya sa ‘transparency’. Walang tinatago ang pangulo kaya nga hindi siya plastic. Bagamat ito rin ang ibinabala ng kanyang mga kalaban upang kutiyain siya, marami pa rin ang hanga sa kanyang tapat na istilo.

Epektibo ang style ni Duterte sa kanyang kampanya laban sa korapsiyon dahil hindi siya nagdadalawang isip na sibakin ang mga tiwali sa gobyerno maging kaibigan pa niya ang mga ito. Para sa kanya, ang mali ay mali. Period.

Hindi natin sinasabi na malinis ang lahat ng opisyal ni Duterte. Meron din mga opisyal na may itinatagong baho pero hindi rin naman sila magtatagal dahil maaamoy ito ni Duterte. Tulad nga ng sabi ko, maiksi na lang ang panahon ng pangulo sa palasyo at may mga opisyal na nagmamadaling magpayaman gamit ang kanilang pwesto.

Ang payo lang natin ay galingan nila para hindi sila mahuli ni Digong dahil kung hindi ay may kalalagyan ang mga buwayang ito.

**

Kawawa naman pala itong isang teacher sa Quezon City na nasira ang mukha matapos siyang mabagsakan ng nabubulok na puno sa Catanduanes kamakailan.

Durog ang mga buto sa mukha ni teacher Analiza Balmaceda at hindi siya makapagturo sa kasalukuyan.

Upang maibalik sa dati ang kanyang mukha, kinakailangang ang mahigit P100,000 sa isang maselan na operasyon.

Sumaklolo naman ang isang konsehal ng Quezon City at nangakong magaabuloy ng P20,000 para sa biktima.

Ayon kay Quezon City councilor at dating mambabatas na si Winston ‘Winnie’ Castelo, bukod sa kanyang donasyon ay hinihikayat niya ang mga ahensiya ng gobyerno na tulungan si Balmaceda.

Aniya, nariyan ang Department of Social Welfare and Development, Philippine Charity Sweepstakes  Office, at Philippine Gaming Corporation na maaaring tumulong sa kawawang guro.

Inamin ni Castelo na malambot ang kanyang puso sa mga guro dahil sila ang naghuhubog sa mga kabataan upang maging kapakipakinabang sila sa bayan.