Bilisan ang pag-decongest ng mga pantalan!

April 08, 2020

Dapat mapabilis ang decongestion ng mga pantalan ng dalawang pinakamalaking puerto sa Manila-- ang Manula International Container Port at Port of Manila.

Kailangang ilipat na ang lahat ng overstaying, kumpiskado at abandonadong kargamento sa Port of Batangas at Port of Subic.

Gawing round-the-clock ang paglilipat ng mga kargamentong ito.

Hindi puedeng pabagal-bagal, lalo na ang Philippine Ports Authority at mga shipping lines  dahil kailangang maibaba kaagad sa mga barko ang mga importasyon na kailangan sa paglaban sa Covid-19.

Maraming buhay ang masasagip kapag mabilis na madala sa mga ospital ang mga face mask, alcohol,  testing kits at iba pang PPE na gamit para labanan ang Covid-19.

Nandiyan naman ang mga "frontliner" na taga-Bureau of Customs para mabilis na maproseso ang mga kargamento.

Laging handa ang mga opisyal at tauhan ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero na magsilbi sa tao at bayan.

Bilang isang dating heneral ng militar, alam niya ang kahalagahan ng mabilis na aksyon kung may maselan na misyon.

Para naman sa PPA, ito na pagkakataon ninyo na  madecongest ang mga pantalan.

Kayo din naman ang nagbigay pahintumot  para gamitin ng mga shipping line ang mga pangalan na tambakan ng kanilang empty containers.

Sana ngayon maging makatotohanan ang hakbang ninyo para naman maibsan ang mga importer at broker sa dami ng binabayaran sa mga shipping lines.

***

Kagaya nang nauna nating sinabi, dapat magtrabaho ng overtime ang mga intelligence operative ni Depcom Raniel Ramiro.

Kailangang matukoy ng mga operatiba ni Depcom Ramiro kung saan nakaimbak ang mga kontrabando.

Natitiyak natin na maraming itinatagong kontrabando hindi lang sa Luzon kundi sa buong bansa.

Ngayong may health crisis, mahalagang makumpiska ang mga puslit na bigas, asukal, sardinas at iba pang pangangailangan para ipamahagi sa taumbayan.

Ang mga puslit na sasakyan, motorsiklo, celfon, laptop at  iba pang mamahaling gamit ay isubasta.

Kailangan ng BoC ang dagdag na pera para punuan ang nawawalang  buwis bunga ng quarantine sa Luzon.

Araw-araw ay malaki ang nawawala sa kaban ng BoC.

Kailangan din tumulong ang taumbayan para matukoy kung saan-saan nanggagaling ang mga kontrabando.

Ang tingin kasi ng marami, alam ng ilang ambulant vendor kung saan nakatago ang mga kontrabando.

Sa mga probinsya, madalas makikita ang mga tricycle na nagtitinda ng kung anu-anong imported goods.

Manmanan lang ang mga ito at malalaman kung saan sila kumukuha ng paninda.

***

Pinalawig hanggang katapusan ng Abril ang enhanced community quarantine o ECQ sa Luzon.

Sana naman siguraduhin ng gobyerno na may makakain ang mga mahihirap na nagkalat sa buong bansa.

Maglagay ng sapat na gamot sa mga barangay dahil maraming tao ang may sakit.

Lalo na ang matatandang mahihirap na kinakailangan ng maintenance medicines.

Baka mamatay sila  hindi sa Covid-19 kundi dahil walang maibili ng gamot.

Dapat bantayan din ang pamamahagi ng tulong dahil maraming nagrereklamo.

May palakasan daw sa pamamahagi ng relief goods.

Hindi mawawala ang mga reklamo dahil grabe ang politika sa ating bansa.

Matagal ng tapos ang 2019 eleksyon pero hanggang ngayon ay marami pa rin ang hindi nag-uusap dahil sa politika.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay ang buong pangalan at tirahan.)