Binola na naman nila ang ABS-CBN

Kahit anong pambobola pa ang gawin nila Senador Grace Poe at Senador Franklin Drilon sa ABS-CBN, hindi pa rin mabubura ang katotohanang pinaasa lang nila sa wala ang istasyon.

Mabuti pa itong si Atty. Larry Gadon na minamaliit nila, mas mukhang Bar top notcher pa kaysa kay Drilon. Si Drilon, 3rd sa 1969 Bar exam at hindi pa natalo sa senatorial election.

Si Gadon, unang takbo, talo at wala namang balita na nag-top sa Bar exam. Ang malaking credential lang na nakakabit kay Gadon, simple lang, nagpatanggal ng Chief Justice!  

Makailang ulit ko nang sinabi na ang Senate at House Resolution kahit anong talim pa ng pagkakasulat ay isa lamang piraso ng papel na puwedeng lamukusin.

Sangkatutak na paliwanag pa sila sa Senate floor na ginamit pa sa pagpapapogi sa ABS- CBN para sabihing may resolution na sila “authorizing the National Telecommunication Commission” na bigyan ng provisional franchise ang dos para makapag-operate pa rin kahit expired na ang prangkisa sa May 4, 2020.

Una, kailan pa nagkaroon ng kapangyarihan ang legislative na utusan ang ahensiya na nasa executive? Ang totoo para sa kaalaman ng 12 senators at ng 300 plus na congressmen, kahit si Pangulong Duterte ay hindi mauutusan ang NTC dahil  mayroon itong quasi judicial function. Ibig sabihin, ang anumang decision ng NTC, hindi kayang baliin o panghimasukan ng Malacanang kahit nasa executive department ito.

Tanging ang Korte Suprema lamang ang makakapagpabago ng pasya ng NTC at puwede itong utusan ng highest tribunal kung halimbawang sa pananaw ng mga panginoon sa Padre Faura na mali o umabuso sila sa kanilang kapangyarihan.  

Kaya nga kapansin-pansin, mula sa pagiging Senate resolution, biglang naging Sense of the Senate. Meaning, ito lang pananaw at pakiramdam nila dahil wala nga silang power over NTC.

Inuulit natin, suportado ko ang pagkakaloob ng bagong prangkisa sa ABS-CBN kahit pa ginamit itong instrumento ni Gabby Lopez para gipitin ang kandidatura ni Mayor Rody Duterte noong 2016.

Pero ang gusto natin, ay Kongreso ang  magbigay tapos ratipikahan ng Senado dahil iyon maman talaga ang tama at hindi iyong mga pakulo nila Drilon at Poe.

Kapag sa Kongreso kasi nagmula ang prangkisa na siyang itinatakda ng batas, may bagong 25 years franchise ulit ang ABS-CBN, fresh mandate ika nga. Apat na presidente na naman ang lilipas bago mawalan ng bisa ang kanilang prangkisa.

Sana lang, kapag naibigay na ang bagong 25 years, tiyakin na ni Carlo Katigbak na wala na silang papaborang kandidato, wala na silang wawasaking kandidato gamit ang black propaganda ads at wala na rin silang pakikialamang mga polisiya ng gobyerno.

At sana lang, mabawasan ang promosyon ng kabaklaan at kaimoralan gamit ang mga teleserye at variety shows!

Pasok sa franchise condition na ang isang telebisyon ay magsusulong ng kagalingan ng bansa.

Sa isang banda, nagbigay din sa atin ng bagong kaisipan ang quo warranto petition ni Solgen Calida dahil lumilitaw pala na kahit active franchise ay posibleng mapawalang bisa kapag may mga violation, assuming lang ito na may violation, nasa Korte Suprema pa ang determination nito.

Kaya nga ang panawagan natin sa Kongreso, paging sa kaibigan nating si Speaker Alan Peter Cayetano, na bilisan na ang pagtalakay sa prangkisa ng dos para maka-move on na tayo.

Iyong mga nagsasangkalan na press freedom issue ito, patawarin kayo ng Diyos kasi hindi nyo alam ang inyong mga sinasabi.
allanpunglo@gmail.com