‘Black widow’ si Isko

MAY kakaibang karakter ang  babaing gagamba na kung tawagin ay black widow na may scientific name na latrodectus.

Sa mga hindi nakakaalam, ang kamandag ng black widow ay mas matindi pa sa ibang ahas.

Kinatatakutan ang gagambang ito ng kanyang mga kapwa gagamba. Kaya tinawag na black widow o itim na biyuda dahil lahat ng gagambang nakatalik niya ay pinapatay at kinakain niya.

Kakaiba naman ang kakilala kong pulitiko na may scientitlfic name rin na “iskusmurenos.”

Ito naman ay iba, hindi niya pinapatay ang lahat ng mga nakasama niya sa pulitika. Kung ang black widow ay pumapatay ng partner after sexual intercourse, ito namang iskusmurenos ay iba.

Pagkatapos naman niyang maging partner at hindi na makasundo sa political discourse, sinisiraan naman niya ang kanyang nagiging partner.

Ang mga kumakalat na viral video ni iskusmurenos na may titulong “boy saksak” ay nagpapakitang nagkatawang-tao rin ang black widow sa kanya.

Ipinapakita sa video na sinisiraan ni Isko ang mga naging partner niyang sina former Mayor Alfredo Lim, Mayor Lito Atienza at Mayor Joseph Estrada.

Ang karakter ni Isko ay pupurihin at ilalagay sa pedestal ang mga naging kasama niya sa pulitika pero kapag nag-iba na ang kanyang interest, bibirahin naman niya. Literal na kinakain niya ang kanyang mga isinusukang salita.

Ngayong kumakandidato siyang alkalde ng Maynila, parang dragon na bumubuga ng apoy si Isko at pinipintasan si Mayor Estrada na noon ay halos sambahin niya sa pagpuri dahil nabayaran ang P4.8 bilyon na utang ng dating administrasyon.

Para kay Isko, si Erap ang pinakamagaling na naging alkalde ng Maynila dahil nga sa matatag na fiscal management nito at maayos na pamamahala sa lungsod.

Pero kapag papakinggan mo ang mga sinasabi niya ngayong kumakampanya siya, si Erap naman ang masamang alkalde tulad din ng mga sinasabi niya noon laban kina Lim at Atienza.

Kung ganitong klase ng kandidato ang humaharap sa bayan na sa halip maglatag ng kanyang plano para sa ikabubuti ng mga mamamayan ay winawasak lang sa paninira ang kanyang mga kalaban, anong kinabukasan ang naghihintay sa atin?

Kung ako kay Isko, sabihin niya kung ano ang nagawa niya bilang mahabang panahong naging bise alkalde at huwag siyang magpokus sa paninira kila Lim at Mayor Erap.

Alisin na niya ang ugaling black widow kung gusto pa niyang magkaroon ng future sa pulitika.

Ang bata pa, kilos trapo na!
allanpunglo@gmail.com