BoC, abala sa paghabol ng mga ismagler!

May 31, 2020

Abala ang Bureau of Customs sa pagpapatupad ng customs laws, rules and regulations, kahit ngayong panahon ng pandemia.

Noon ngang Mayo 28 ay sinalakay ng mga ahente ng Enforcement and Security Service ang isang bodega na naglalaman ng mga pekeng sigarilyo sa Naguilian, Isabela.

Maliban sa mga pekeng sigarilyo, nakakumpiska rin ang mga ahente ng BoC ng sampung makinang gumagawa ng sigarilyo, 12 units ng cigaret-packing machines at 300 kahon ng raw tobacco materials.

Ang mga sigarilyo, tabako at makina ay nagkakahalaga ng P1.3 bilyon.

Ang inspeksyon ay isinagawa ng mga ahente ng ESS sa bodega,  sa bisa ng letter of authority na inisyu ng BoC.

Ang operasyon ay  ginawa sa tulong ng mga opisyal ng barangay Palattao, PNP Isabela Police Provincial Office at Bureau of Internal Revenue.

Ang pagkakatuklas sa bodega ay bunga ng magandang ugnayan ng mga ahensyang nagpapatupad ng mga BoC at BIR laws, rules and regulations.

Magandang senyales ito laluna't kailangang-kailangan ng gobyerno ng pera para sa COVID-19.

Araw-araw ay malaking pera ang ginagastos ng gobyerno para labanan ang salot na virus.

Inaasahan ngang may mga proyektong matetengga dahil sa kakulangan ng pondo.

Kaya kailangan ang pagkakaisa sa panahon ng krisis.

***

May pandemic na nga, may mga kababayan pa tayo na walang iniisip kundi kumita ng malaki kahit na puwedeng ikapahamak ng iba.

Mabuti at nandiyan ang mga lingkod bayan na walang ginawa kundi pangalagaan ang kapakanan ng taumbayan.

Isa na rito si District Collector Carmelita "Mimel" S. Manahan-Talusan ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BoC-NAIA).

Kung hindi sa kanya at kanyang mga tauhan ay nakalusot sana sa airport ang mga kontrabandong gamot galing ng Xiamen, Fujian, China.

Dahil hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA), ang mga kinumpiskang gamot ay hindi puwedeng ibenta sa publiko.

Nagkakahalaga ng mahigit P700,000, ang mga gamot ay idineklarang mga "vitamin pills."

Ang shipment ay naka-consigned sa isang lalake na taga-Muntinlupa City.

Matatandaan na noon lang Mayo 6 ay naglabas ang FDA ng advisory na huwag bumili ng mga hindi rehistradong gamot na gawang China.

Sinabi ni Collector Talusan, anak ni dating BoC deputy Commissioner Julie Singson-Manahan, na hinding-hindi niya palulusutin ang mga kontrabando sa NAIA.

Lalong-lalo na ang mga iligal na droga at hindi rehistradong gamot.

Suportado niya ang kampanya ni BoC Chief Rey Leönardo Guerrero laban sa ismagling.

Hindi niya hahayaang magamit ang COVID-19 pandemic para makapagpasok sa bansa ng mga misdeclared goods.

***

Magsisimula na ngayong araw ang enrollment para sa school year 2020-2021.

Ang problema, paano ba talaga makapag-aaral ang mga bata na hindi nakukumpormiso ang kanilang kalusugan pati na nang kanilang mga guro.

Sinabi na nga ni Pangulong Rody Duterte na hindi niya papayagang pumasok sa klase ang mga bata hanggat wala pang bakuna laban sa Corona virus.

Pero sa pamimilit ni DepEd Sec. Leonor Briones, ay nakumbinsi din niya si Duterte na buksan ang klase sa Agosto 24.

Kung tutuusin, tama naman si Pangulong Duterte dahil nakamamatay at madaling makahawa ang COVID-19.

Maraming mapeperhuwisyo kapag nagkahawahan ang mga bata.

Sayang lang ang mahigit dalawang buwang sakripisyo natin kapag pinabayaang pumasok ang mga bata sa paaralan.

Kung wala ring matututunan ang mga bata, lalo na sa mga lugar na mahina ang signal ng internet, mainam pa na huwag na lang munang ituloy ang pasukan.

Magkaroon na lang ng mass promotion at sa second semester na lang papasukin ang mga bata.

Hindi puwedeng makipagsapalaran ang gobyerno.

Buhay nating lahat ang nakataya dito.

Tama ba, Pangulong Duterte, Secretary Briones at Ched Chairman Popoy de Vera?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan. )