BoC Assessment “iniiwasan”na nga ba?

October 17, 2019

BAGO ang lahat, isa munang mainit na pagbati sa ‘Presidential Task Force on Media Security’ (PTFoMS) sa ika-3 anibersaryo nito noong Oktubre 11; ginanap naman ang selebrasyon ngayong Miyerkules, Oktubre 15, sa Malakanyang.

Muli nating banggitin dito na ang pagkakaroon ng PTFoMS ang isa sa mga “kongkretong patunay” sa pagpapahalaga ng administrasyong Duterte sa kapakanan at seguridad ng mga kasapi ng media at sa kahalagahan ng media at pamamahayag sa ating bansa.

At sa panig ng National Press Club (NPC), natutuwa tayo na ang ipinaglaban nating ito sa mahabang panahon— pagkakaroon ng isang ahensiya na “kakalinga” sa kapakanan ng media— sa napakahabang panahon— ay naging isang katotohanan sa ilalim ng administrasyon ni PDU30.

At siyempre pa rin, ipinagmamalaki natin na galing sa hanay ng NPC ang mga pangunahing personalidad na “nagpapatakbo” sa PTFoMS, sa katauhan ni Undersecretary at PTFoMS Executive Director, Joel Sy Egco (pinalitan ko sa puwesto noong 2016 bilang pangulo ng NPC) at si PTFoMS co-chairperson at PCOO Secretary, Martin Andanar.

Para naman siyempre sa ibang grupo na walang inaatupag kung hindi batikusin at pintasan ang gobyerno ni PDU30, “damay” sa kanilang kampanya ng paninirang-puri ang PTFoMS, bagay na hindi na rin dapat ipagtaka.

Dangan nga kasi, hindi lang ang kanilang pekeng kredibilidad bilang ‘Philippine media representative’ ang nawasak, bagkus, “nawalan” pa sila ng “delihensiya,” aruy!  

Ang tinutukoy natin dito, dear readers, ay ang kanilang ginagawang pangangalap ng pondo mula sa mga “tolonges” na organisasyon sa labas ng bansa na palagi nilang “nabobola” na magbigay ng milyones “bilang tulong” sa tuwing may napapaslang na miyembro ng media dito sa ‘Pinas.

Sabagay, “kanya-kanyang raket lang yan,” hindi ba, kasamang Non Alquitran, hehehe!

At habang naglilibang kayo sa pagbabasa ng aking kolum dear readers, maidagdag ko na rin, ‘Bayang Karerista,’ na bukas na, Oktubre 19, ang ika-7 edisyon ng NPC-PHILRACOM Benefit Race, na muli nating gaganapin sa pista ng ‘Manila Jockey Club, Inc. (San Lazaro racetrack) sa Carmona, Cavite.

Kaya siyempre, muli nating pinasasalamatan ang Philippine Racing Commission, sa pangunguna nina Chairman Andrew Sanchez at Executive Director Andrew Mangubat Buencamino, sa patuloy na pagsuporta ng PHILRACOM sa ‘fund-raising activity’ na ito ng NPC para sa kapakanan ng ating mga miyembro.

Salamat din ng marami sa iba pa nating mga sponsor katulad ng ‘Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa pangunguna ni Chairperson, Andrea ‘Didi’ Domingo at ang maganda, magaling at mabait nating “kapatid” na si Twinkle Valdez at siyempre, kay ‘boss’ Eric Balcos.

Nagpapasalamat din tayo na habang tumatagal ang NPC-PHILRACOM Benefit Race, nadaragdagan ang ating mga taga-suporta, katulad nina Mr. Edward Vincent ‘Don Edong’ Diokno at Mr. Marlon Cunanan, mga kilala at respetadong ‘businessman’ at ‘horse owner.’

Salamat din sa City Mall Commercial Centers, Pingping’s Lechon, Container Bridge Philippines, New San Jose Builders at kay San Juan City Rep. Ronaldo ‘Ronnie’ Zamora sa kanilang suporta at siyempre, sa iba pa nating mga kaibigan na palaging handang sumuporta sa NPC na hindi na kailangang banggitin pa ang mga pangalan.

Kaya bukas, mga ‘classmates’ sa mga OTBs, magkita-kita tayo sa pista ng San Lazaro!

***

Dahil umano sa “problema” sa “implementasyon” nitong YVVS, agh, NVVS (National Value Verification System) ng Aduana, sa “bantay-sarado” na ginagawa ng tanggapan ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner ‘Jagger’ Guerrero sa operasyon ng ‘Assessment Division’ (FED) at sa mga nangyaring insidente sa pantalan kung saan marami sa mga taga-FED ang “sumabit,” totoo kaya na marami na ngayon sa mga taga-BoC ang “ayaw” nang ‘ma-assign’ dito?

Sabagay nga, kung babalikan, “mayorya” sa higit 60-katao mula sa Aduana na ipinatawag ni PDU30 sa Palasyo para lang “boldyakin” bago ang kanyang SONA noong Hulyo ay galing sa FED ng iba’t ibang ‘collection district.’ At ang mga ito, dear readers, ay haharap, o humaharap na ngayon, ng mga kasong kriminal at administratibo sa Ombudsman.

Kaya umano “iwas-pusoy” na sa FED ang karamihan ay dahil nga sa hindi maayos na pagpapatupad nitong YVVS, asus, NVVS kung saan ‘show cause letter’ ang tinatanggap ng pobreng examiner/appraiser kung hindi nila ipatutupad ang NVVS, ahahay!

Dahil naman sa mga reklamo, nalaman pa natin na sa susunod na linggo, magkakaroon ng ‘grand tour’ sa lahat ng BoC collection districts si Import Assessment Service (IAS) director, Atty. Yasser Abbas, upang “ipaliwanag” kung ano ba talaga itong kanyang YVVS, susme, mali na naman, NVVS, hehehe!
Harinawang maging maayos na ang lahat pagkatapos nito ‘Let-Me-Explain-Tour’ ni Dir. Abbas, dahil apektado na ang operasyon at koleksyon ng buwis ng BoC.
At ano na pala ang nangyari sa “balak” ng unyon  sa Aduana, ang BOCEA, na ‘press conference’ laban dito sa NVVS? Malakas ba talaga ang karisma, ehek, ‘persuasive power’ nina Depcomm. Vener Baquiran at Asscomm. Jett Maronilla, hehehe.
May nagsasabi naman na posibleng problema lang sa ‘management style’ at “pakikisama” sa mga tauhan” ang dahilan, Comm. Jagger, kung bakit marami sa mga empleyado mo ay “tigas-tanggi” na mapunta sa FED— maliban sa mga tinatawag ngayon na mga kasapi ng ‘BoC Suicide Squad,’ hahaha!

Dangan kasi, nakapagtataka na ang mga gustong “magpalipat,” aba’y “nagsisiksikan” sa tanggapan ni Atty. Maronilla d’yan sa Post Clearance Audit Group o PCAG samantalang wala namang “pizza” (read: “pitsa”) d’yan sa PCAG, kumpara sa FED, hehehe!

Kumbaga, “anong meron” sa karakter at liderato nitong si Atty. Jett at  “lahat” yata “gusto” siya ang “boss,” hehehe!
Abangan!