Bonifacio, kauna-unahang biktima ng dayaan sa halalan

December 08, 2018

SI Gat Andres Bonifacio, ang Supremo ng KKK, ang kauna-unahang biktima ng dayaan at karahasan sa halalan. Isa itong malungkot at madilim na bahagi ng ating kasaysayan. Ang masaklap dito, ang dayaan at karahasan na maiuugnay sa halalan na dapat ay naglaho na dahil sa Automated Elections ay nandito pa rin. Ito kaya ay isang sumpa sa ating bansa?

Tuwing Nob 30, ang kaarawan ni Bonifacio, na isang Piyesta Opisyal,  pinaparangalan ang  kagitingan at katapangan ni Bonifacio subalit  ang DepEd ay patuloy na ginagamit sa pagtuturo ang mga text book sa Araling Panglipunan na napakababaw ang  paliwanag at tila gustong ikubli o kinahihiyang ungkatin sa  pagtalakay nito ang pagbanggit sa taong sanhi ng kamatayan nina Bonifacio, Antonio Luna at Paco Roman. Ang batang matalino sa klase ay hindi man lamang mapahintulutan magtanong bakit pinatay ng kapwa Pilipino si

Bonifacio? Kung totoo ang mga paratang sa kanya na siya ay nagtaksil sa pamahalaan, bakit pa ipinagdiriwang ng buong bansa ang araw ng kapanganakan ni Bonifacio? Ito kayang pangyayaring ito ang dahilan kung bakit hindi nirespeto ng nga Kastila ang nanalong pinuno sa dayaan kaya ibinenta nila ang Pilipinas sa mga Amerikano na nagpanggap na kakampi ng mga Pilipino?

At para mapagtakpan ang kanyang kawalan ng karanasan at husay sa digmaan, minabuti niyang mapaligiran siya ng mga tapat na mga sipsip na wala rin maiaambag na dunong na taliwas sa payo ni Mabini?

Panahon na para linawin itong maigi ng National Historical Commission at hindi sila dapat mangiming  magmungkahi na alisin ang pangalan ng taong nandaya sa halalan at pinamunuan ang isang nabigong himagsikan sa isang malaking kampo ng sundalo sa Quezon City at highway sa Lalawigan ng Cavite para mabigyan ng katarungan si Bonifacio at kanyang mga kasama na pinatay ng mga kapwa Pilipino.

Tama, tulad ni Dr. Jose Rizal na may Rizal Day na Araw ng kanyang kamatayan sa Bagumbayan sa kamay ng mga Kastila, may araw din si Bonifacio. Ngunit dahan-dahan na nawawalan ng timbang at kahulugan ang buhay ng ating mga bayani sa mata at puso ng kabataan. Panahon na para kumilos ang pamahalaan.

Una, dapat repasuhin ng DepEd ang mga text books na ginagamit sa Araling Panglipunan at kung papaano ito itinuturo ng mga guro upang hindi ito manatiling puro pagkakabisa lamang ng mga pangalan at petsa.

Pangalawa, maging mainit at masigasig sa   pagsisiyasat, pag-uusisa at pagwawasto ang Comelec para maiwasan ang mga kahinaan at batikos sa Automated Election System na kanilang pinapatupad.  Ang imbestigasyon sa Senado bunsod ng ibinunyag ng Senate President Tito Sotto ay wala pa rin resulta at tila hindi na pinag-aaksayahan ng  panahon sa Senado na  abala sa paghimay ng 2019 Budget ng Pamahalaan.  Malayong-malayo tayo sa Amerika.  Dahil sa reklamo sa pakikialam daw ng Russia sa halalan ng 2016 na pinanalunan ni Trump, parang hinahabol ng taga ang bilis ng pagkilos ng FBI at Federal Elections Commission na malaman ang katotohanan at maiwasan ang hacking ng Russia.

Imbes na magalit ang Comelec, lumalabas na pinagtatanggol pa nito ang SMARTMATIC sa imbestigasyon sa Senado at Malaking Kapulungan. Bakit  ganito ang asal ng COMELEC? Takot ba silang malaman ang katotohanan ng taong bayan na may samwatan ang COMELEC at Smartmatic?

Ang Araw ni Bonifacio nawa ay magsilbing tanda na malagim na trahedya ang binubunga ng dayaan sa halalan sa Pilipinas. At panahon na para pamunuan ni Pangulong Duterte ang pag-aayos at paglilinis nito.