‘Bonus’ sa Atletang Pinoy at CPP-NPA ‘Kill Plot’

December 05, 2019

NATUTUWA naman tayo at pansamantalang isinantabi ng ating mga mambabatas ang kanilang ‘political differences’ sa pagpapatuloy ng ‘30th SEA Games’ kung saan ‘Pinas ang ‘host country.’

Ang tinutukoy natin ay ang pagpasa ng Kamara ng ‘House Resolution 568’ na nagbibigay ng ‘cash bonus’ na P10 milyon para sa lahat ng ating atleta na nanalo ng ‘gold medal’ at nagbigay ng dagdag na karangalan sa ating bansa.

Nabatid pa natin na ang pabuya— bukod pa ito sa ibibigay ng ‘Phil. Sports Commission’ (PSC) ay “tatapyasin” sa sahod ng mga kongresista sa susunod na buwan (Enero) bilang pagkilala at pagpalakpak sa karangalang bigay ng ating mga atleta sa bayan ni Juan.

Ang resolusyon ay pinangunahan nina: Speaker Alan Peter Cayetano, na siya ring presidente ng  Philippine SEA Games Organising Committee (PHISGOC); House Majority Leader Martin Romualdez;  Deputy Speakers Paolo Duterte at Prospero Pichay;

House Committee on Accounts chairman Rep. Abraham Tolentino, pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC); at House Committee on Youth and Sports Development chairman, Rep. Eric Martinez.

Kaya nga ngayon pa lamang, mainit na nating binabati ang mga humakot ng mahigit 50 na medalyang ginto ng Pinas sa SEAG sa ika-apat na araw pa lamang ng palaro.  

Kasama na dito ang gold medalists na si Carlos Yulo sa gymnastics, si Agatha Wong sa Wushu at iba pa nating atleta.

Maganda at nakaka-inspire ang ginagawang ito ng mga kongresista.

Translation? “Kayo” ba d’yan sa Senado, SP Vicente Sotto, sir, ano bang “balak” ninyo, hehehe!

Dapat sa ganitong makabuluhang bagay nagkakaisa ang mga Pilipino. Hindi yung sa mga puna na ibinabato sa preparasyon ng SEAG na “resbak” pa nga ni Speaker Alan, ang malaking porsiyento ay ‘fake news.’

***

Ibinisto ng militar na may panibagong ‘Kill Plot’ ang CPP-NPA laban sa mga opisyal ng gobyerno kung saan ang ‘top of the list’ ay itong ating kaibigan na si ex-AFP chief at ngayon ay DILG secretary, Eduardo Año.

Sa ganang atin, “wala nang bago” sa impormasyong ito dahil sa buong panahon ng kanyang matapat at mahusay na serbisyo, ‘sandamakmak na ang ‘death threat’ na tinanggap ni Sec. Ed sa “kamay” ng CPP-NPA.

Ang nakatutuwa naman dito, dear readers, kahit kailan ay hindi niya “sinuklian” ng ganito ring “kaitim na plano” ang mga lider-rebelde.  

Aber, kung sa mga panahong “ginusto” itong mangyari ni Sec. Ed, aba’y matagal na sigurong “naubos” ang liderato ng CPP-NPA na halos lahat ay nahuli— nang buhay— dahil sa kanyang mga inilunsad na ‘intelligence operations.’

Pansinin na bago pa nagdesisyon si PDU30 na muling “subukan” ang ‘peaceful path to national unity’ sa pamamagitan ng muling pagbubukas ng ‘peacetalk’ sa mga komunista, “nakakulong” na lahat ang ‘top leaders’ nito katulad nina CPP chairman at Secretary General, Benito at Wilma Tiamzon na nahuli noong 2014– at kahit ang kanyang kapalit, si Adelberto Silva ay buhay din na nahuli pagkaraan lang ng ilang buwan.  

Kahit ang ating “Bosing” na si Tirso ‘Ka Bart’ Alcantara na isa na sa pinakamagaling na kumander ng NPA, ay” buhay” na nahuli noong 2011 (at balik na naman ngayon sa “armadong pakikibaka”) dahil wala sa “bokabularyo” ni Sec. Ed na “patayin na lang” ang mga “kalaban.”

Alam din natin na “kung nasunod” ang “plano,” buhay din dapat na nahuli (at hindi napatay) si Leoncio ‘Kumander Parago’ Pitao noong 2015.

Ang tanong naman natin, mga kabayan: “Ano” ang “interpretasyon” ng bagong ‘Kill Plot’ na ito ng CPP-NPA?  

Una, pagpapakita ito ng “desperasyon” at kung mapatunayan na “totoo,” eh, simpleng mga “terorista” na lang sila— “bansag” na mariin nilang tinutulan dahil hindi raw ito “totoo.”  

Sa madaling salita, “baka” mas “mapabilis” ang deportasyon pabalik ng ‘Pinas ni CPP founder Jose Maria Sison dahil buong mundo ay nagkakaisa sa paglaban sa mga terorista, sakaling makumpirma na totoo nga ito.

Bakit kanyo? Dahil ang ganitong estilo ng ‘dirty war’ ay may “basbas” nang Komite Sentral ng CPP, sabihin pa! At kapag sinabing ‘central committee, “sino” ba ito kundi si ‘Ka Joma.’

Ikalawa, ang paggamit ng terorismo ay “labag” sa panununtunan ng ‘People’s War’ na nakabatay sa ‘slogan’ na ‘arouse, organise, mobilise’ sa hanay ng “masa.”

May malaki kasing “pagkakaiba” ang mga terorista at “mga rebolusyunaryo:” “Idelohiya.” Walang idelohiya ang mga terorista samantalang idelohiya ang “nagpapakilos” sa mga rebolusyunaryo.

At sa maraming karanasan na nabasa natin at nasaliksik, hindi kailanman naging epektibong instrumento ang “terorismo” para ipagtagumpay ang isang ‘political objective.’  

Kaya ang tanong pa natin: “Naguguluhan” na yata sa kanilang desperasyon ang mga rebelde? Terorista na ba kayo o mga ‘Marxista-Leninista? “Umayos” kayo ha, hehehe!

“Tamang Duda” rin tayo, mga kabayan, kung may “kakayahan” pa kaya ang CPP-NPA na maisagawa ang ganitong plano samantalang matagal nang “nawala” ang isa sa mga ‘fundadores’ ng CPP-NPA-SOG (Special Operations Group), na ang “pinakasikat” na binuo ay ang  ‘Alex Boncayao Brigade’ (ABB).

Ang tinutukoy natin ay itong ating kaibigan na si Philip ‘Ka Ador’ Limjuco na hindi pa rin natin alam ang nangyari matapos siyang “dukutin” noong 2005, kung hindi tayo nagkakamali.

Sa “pagkawala” ni Ka Ador, tuluyan nang “humina”— hanggang sa nabuwag— ang SOG at kung may pagtatangka man ngayon ang “Partido” na muli itong buuin para “itumba” ang mga lider ng gobyerno, eh, naniniwala tayong walang “kalidad” ang mga magiging operatiba nito.

Sa ‘Kill Plot’ na ito ng mga rebelde, isa lang ang masasabi natin: “Desperation” is written all over it, period!