Home>Editorial>Opinion>Boy Mapagtiwala

Boy Mapagtiwala

SABI ng mga matatanda sa una, wala naman ibang sumisira sa bakal kung hindi ang sarili niyang kalawang.

Ayon sa mga kaisipan, ang katrayduran ay palaging nagmumula sa kaibigan at hindi sa kaaway.

Kaya nga palaging sumasama ang loob ng mga taong nabiktima ng ganitong klase ng sistema na naging palasak kahit saang aspeto ng buhay natin.

Maraming tao ang likas sa kanila ang maduda, pero marami rin ang mga taong madaling magtiwala. Minsan, may mga tindahan na papasok ka pa lang sa puwesto nila, iisipin na agad magnanakaw ka or may gagawin kang masama.

Sa isang banda, maganda rin ang ganitong ugali kasi maaagapan mo iyong masamang mangyayari kaya magiging alerto ka na. Okey lang din minsan iyon kaya lang iyong iba, praning na sa pagdududa.

Dapat daw, titingnan din minsan sa pagkatao or kasuutan. Kaya lang, iba na rin ang postura ng mga kriminal ngayon, minsan mas katiwa-tiwala pa iyong gusgusin kaysa sa nakakurbata.

Okey nga sana ang mapagtiwalang karakter kaysa sa mapagduda. Mahirap kaya iyong lahat ng kilos ng tao ay pinag-iisipan mo ng masama. Wala kang kapanatagan kung hindi mo pagkakatiwalaan ang mga taong nasa paligid mo.

Pero importante ring may limitasyon ang pagtitiwala, lalo na kapag usapan sa loob ng kompanya. Halimbawa na nga ay itong paghahabla ng broadkaster na si Anthony Taberna sa kanyang dating kaibigan at empleyado dahil sa isyu ng pagkawala ng pera.

Personal kong kakilala si Tunying, mahirap alisin sa kanya iyong masyadong matiwala. Para sa kanya kasi, wala siyang persepsiyon na gagawa ng masama ang taong ginagawan niya ng mabuti.

Hindi siya marunong mag-isip ng masama sa kapwa kasi pakiramdam niya, kahit kulay pula ang kutis ng tao na may hawak na malaking tinidor, puwedeng maging mabuti.

Sa salitang kanto, walang gulang si Tunying dahil nga iyon siya. Mabangis lang sa radyo at telebisyon pero sa totoong buhay, masyado siyang malambot.

Apektado ang buong kompanya ng Ka Tunying’s Cafe kasi maraming branches ang isinara dahil sa nangyari. Marami ring empleyado ang nawalan ng trabaho dahil lang sa sobrang pagtitiwala.

Mapagtiwala rin naman ako. Sa dami na rin ng naging tauhan ko magmula pa noong magsimula akong maging boss sa iba’t ibang kompanya at opisina, nabasa ko na ang karakter ng mga tao.

Ang kaibahan lang ng pagtitiwala ko, may reservation at masyadong maobserba sa mga kilos sa paligid. Si Tunying, kung mahuhulog na yan sa eroplano, magtitiwala pa rin siyang ililigtas siya ng pilotong galit na galit at kinasusuklaman siya.

Ang masakit sa nangyari sa kompanya ni Tunying, maraming pamilya ang nagutom dahil nawalan ng trabaho bukod pa ang paghina ng operasyon sanhi ng pandemya.

Uulitin ko, hindi masamang maging mapagtiwala dahil ganoon naman talaga ang mabuting Kristiyano, pero kailangan din ng limitasyon. Naalala ko iyong linya ng matanda ko sa una, iyon daw ngipin at dila, palagi nang magkasama, nagkakagatan pa.

Kung ano man ang kahihinatnan ng isinampang kaso ni Tunying laban sa dati niyang empleyado, harinawa’y magbigay din ng aral sa kanya at sa ating mga kababayan natin na masama ang sobrang maging Tunying alyas Boy Mapagtiwala. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV