Home>Editorial>Opinion>Brod Eli at Ka Erdy

Brod Eli at Ka Erdy

WALA tayong alam sa pinagmulan ng hindi pagkakasundo ng Ang Dating Daan at ng Iglesia Ni Cristo.

Pareho namang malapit sa puso ko ang INC at ADD dahil marami tayong mga kaibigan sa dalawang religious group.

Katunayan, nakasama na ako sa Pagsamba ng INC at nakasama na rin naman ako sa Pananalangin ng ADD sa Apalit, Pampanga. Balimbing na kung balimbing. Ako po ay isang Romano Katoliko mula pagkasilang.

May mga ADD na humihikayat sa akin na umanib, may mga INC rin na gusto akong maging kapatid. Ang palagi ko namang isinasagot sa kanila, kuntento naman ako kung nasaan ako ngayon. Ang sinasabi sa kanila, bagama’t sa magkaibang bangka tayo nakasakay, sumasagwan naman tayo sa iisang dagat.

Nalulungkot tayo sa pagpanaw ni Brother Eli Soriano na puwede nating sabihing Bible genius and scholar talaga. Naging bahagi ako ng UNTV morning show na pag-aari ng ADD at doon ay nakasama natin si Kuya Daniel Razon kaya naging malapit din ako sa kapatiran nila.

Hindi tayo nagkaroon ng tiyansa na makausap nang personal si Brod Eli pero may isang pagkakataon via online ay nakausap ko siya na kumustahan lamang naman.

Nakikiramay tayo sa pagpanaw ni Brod Eli na puwede nating sabihing sentro, nagpalakas at nagpalawak din sa kapatiran ng ADD.

Noong pumanaw naman si INC Executive Minister Ka Erdy Manalo, nagkaroon tayo ng tiyansa na makapagbigay ng huling respeto sa kanyang labi. Nakasilip tayo sa mismong sentral na pinagburulan sa kanya.

Kung mayroon na tayong hinahangaan sa INC, iyon ay walang iba kung hindi si Ka Erdy. Para sa akin, iyong purity ni Ka Erdy ay hindi na mapapantayan ng kahit sino sa INC kaya nga nagtiyaga akong pumila sa templo para makasilip sa kanyang labi dahil iba ang pagtingin ko sa kanya.

Si Brod Eli, may kakaiba ring karisma kapag nakausap mo. Iba iyong naririnig mo lang siya, iba pa rin paka kapag nakausap mo siya.

Naala ko tuloy nang dumating dito sa atin si Pope Francis. Iyong makikita mo siya na umiikot sakay ng Pope Mobile, malakas ang dating. Pero hindi ako nakuntento, talagang nakipagsiksikan ako nang magmisa siya sa Quirino Grandstand. Halos five meters away lang ako nang dumaan sa aking harapan ang Pope Mobile plus nakapuwesto pa ako sa likod mismo ng kanyang pinagmimisahan.

Ano ba ang gusto nating ipunto rito? Hindi natin puwedeng imenos ang sinumang lider ng simbahan o ng anumang relihiyon dahil naniniwala akong malaking papel ang kanilang ginagampanan sa kapayapaan ng mundo.

Walang dahilan para magkaroon ng sigalot sa alinmang hanay ng relihiyon dahil may mga “kawan” o tagasunod na palaging nakatingin sa kanilang mga lider bilang isang mabuting halimbawa.

Ang sangkap lang naman ng mabuting pananampalataya ay ang pagpulot sa mabubuting binhi at pagwaksi sa mga mali at masasama.

Puwede naman talaga ang peaceful coexistence kung matuto lang tayong rumespeto sa pananampalataya ng bawat isa. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV