Home>Editorial>Opinion>BTS as in Bitter Talaga Sila?

BTS as in Bitter Talaga Sila?

NANINIWALA na ‘kong marami talagang tumatangkilik sa sikat na K-Pop Group na BTS.

Wala pa rin kasing tigil ang patutsadahan sa social media tungkol naman sa paggamit ng grupo ni dating Speaker Alan Peter Cayetano sa ‘acronym’ na BTS para lamang batikusin ang liderato ni Speaker Lord Allan Velasco.

Kamakailan, isinulong ni Cayetano ang BTS – hindi para gayahing kumanta at magpa-kyut ang sikat na Korean boy band na may pitong guwapong miyembro na Koryano – kundi para makatawag ng atensiyon na kailangan sa Kongreso ang ‘Balik sa Tamang Serbisyo.’

Ayon kay Cayetano, puwede ring ang ibig sabihin nito ay Bayanihan, Tapang at Serbisyo na umano’y wala na ngayon sa Kamara de Representante.

Noong siya ang Speaker, ang tawag sa Kamara ay House of the People o HOPE, ngunit ngayon ay naging House of Politics na, dagdag pa ng mister ni Taguig Rep. Lani Cayetano.

Ang punto ng BTS sa Kamara de Representante ay muling mapagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ang mga mahahalagang isyu tulad ng COVID-19 vaccination program at economic recovery ng bansa, ang mga presyo ng bilihin at kuryente, at iba pang nakakaapekto sa pang araw-araw na buhay ng mamamayang Pilipino,” sabi pa ng dating senador.

Ngunit para sa mga panatiko ng BTS na karamihan ay mga kabataan, isang ‘baduy na gimik sa pulitika’ ang ipinalabas ng grupo ni Cayetano.

Sa kagustuhang matawag ang atensiyon ng karamihan, gumagamit ito ng nakasusukang gimik na malayong sobra para kagatin at paniwalaan ng taumbayan.

Marami pang iba’t ibang negatibong komento ang mababasa natin sa social media. Ang iba, talagang ipinagtatanggol si Velasco at ang iba naman ay talagang hindi lang nila matanggap na maging BTS (Pinoy version) si Cayetano, kasama ang mga dating deputy speakers na sina Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, Laguna Rep. Dan Fernandez, Batangas Cong. Raneo Abu, Capiz Cong. Fredenil Castro, Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado at Anakalusugan partylist Rep. Mike Defensor.

Para sa mga panatiko ng BTS, hindi dapat inihahalintulad ang kanilang idolo sa mga trapong pulitiko.

Sigaw naman ng kampo ni Velasco, imbes na tumulong para umunlad ang bansa sa gitna ng pandemya ng COVID-19, puro lang pamumulitika at pagpapansin ang inaatupag ng Cayetano boys, kasabay ng tangka na harangin ang mga panukalang batas na makatutulong sa kapwa Pilipino.

Hindi rin daw kapani-paniwala na ‘silent majority’ ang grupo ni Cayetano dahil kung talagang mayorya sila sa pagsusulong ng magandang legislative agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte, disin sana’y hindi nakakuha ng 186 na boto mula sa kabuuang 299 congressmen si Velasco na siyang naging dahilan para mapatalsik ito bilang Speaker ng Kamara noong nagdaang Oktubre 12, taong 2020.

Ang tingin ng ilang malalapit sa kampo ni Velasco, unti-unti na ring kumakalas si Cayetano sa Duterte administration dahil batid nito na hindi susuportahan ng erpat ni Davao City Mayor Sara Duterte ang kandidatura ng dating running-mate sakaling tumakbo sa nalalapit na 2022 presidential elections.

Ang dapat antabayan anila, kung talagang gusto ni Cayetano ng tunay na isyu ng kalinisan sa pamamahala ay ang buhayin na nang tuluyan ang isyu naman ng umano’y anomalya sa ‘overpricing’ na pagpapagawa ng ‘cauldron’ sa New Clark City – isang kalderong pinagningasan ng apoy noong nagdaang Southeast Asian Games na ang halaga ay tumataginting na P50 million.

Ang tingin ng Velasco camp, ‘bitter’ lamang sila, kaya nag-iingay na naman ang grupo ni Cayetano.

Parang mga bata lang na nahuling may ginawang kabalbalan. Kapag hino-hostage ng mga congressman ang legislative agenda na makatutulong sa Pilipinas. Sabagay, puwede rin namang palitan ang tawag sa kanilang Ampalaya boys na BTS as in Bitter Talaga Sila,” sigaw pa ng mga sumusuporta kay Velasco.

Kung ako ang tatanungin, maganda na rin ang patutsadahang ito ng kampo nina Cayetano at Velasco. Patunay lamang na buhay na buhay pa rin ang demokrasya sa bansa.

Ang maganda pa rito, nagkakaroon ng tsansang makapag-isip ang mamamayang Pilipino kung sino ba talaga sa mga namumuno sa pamahalaan ang karapat-dapat nilang pagtiwalaan o hindi.

Sana lang, hindi matapos sa ‘cheap’ na gimik ang patutsadahan ng dalawang kampo, kundi makakita rin sana tayo ng magandang resulta na tunay namang ikauunlad ng ating bayan.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large