Build, build, build ‘takubits’

December 22, 2019

Ayon sa mga dalubhasa, ang sakit na polio ay nakukuha sa dumi ng tao na itinatapon na lamang kung saan-saan lalo na sa mga estero o sapa hanggang dagat.

May ilang kababayan tayo na muling tinamaan  ng sakit na polio sa ilang mga lalawigan ng bansa ngayong taon na ito. Hindi pa alam kung may iba pa na hindi lamang nakararating ang mga ulat sa media o awtoridad hinggil sa muling “pagkabuhay” ng sakit na ito.

Noong bata ako ay marami akong nakikitang mga batang hirap kung maglakad o hindi pantay ang haba ng mga binti kaya hindi rin pantay ang kanilang paglalakad.

May isa pa ngang yumaong kilalang artista-mang aawit  noon na kasama rin ng isang yumaong sikat na aktor na naging tanyag sa kabila ng kanyang sakit na polio. Pinatunayan naman ng mga taong may polio na hindi hadlang ang sakit na ito sa kanilang mithiin sa buhay. Ano pa nga ba ang magagawa nila kundi ang magpunyagi at huwag magpakadena sa nasabing karamdaman.

Ngunit ilan lang marahil ang nakaaalam na ang sakit na polio ay nakukuha sa dumi ng tao. Ang kadalasang kaalaman noon ay isa itong abnormalidad ng tao na maaaring tumamama kahit kanino. Usapin ito ng kalinisan kabilang na ang laging pagsasabon, paghuhugas ng mga kamay bago at matapos kumain lalo na kung galng sa kasilyas o “takubits.”

Kaya may rin bakuna para sa polio. Ngunit lumalabas ngayon na may ilan nang hindi nagpapabakuna lalo na ‘yung mga tinamaan ng polio ngayong taong ito.

Sa isang email press release, sinabi ni Anakalusugan party-list representative Michael Defensor na kailangang wakasan na ang Zero Open Defecation o ang pagdumi ng mga tao kung saan-saan. Maraming walang takubits o kasilyas ang dumudumi sa mga estero , ilog at dagat.  Madalas na tawag sa kubeta ay “takubits” at ikinukumpara pa sa mga beaches na puwede ring dumihan ng kahit sino nang hindi napapansin ng iba. Isa na rito ang Manila Bay.

Ayon kay Defensor,  Chairman ng House Public Accounts Committee at Vice –Chairperson ng House Health Committee, na may 3.5 milyong residente sa Metro Manila ang walang kasilyas o “takubits.” Sinabi rin niyang sa halagang P20,000 ay maaari nang makapagtayo ng isang maayos na kasilyas.

Ayon din kay Defensor, dapat ay ang pamahalaang  barangay ang mamahala sa pagtatayo ng mga kasilyas ng mga residenteng wala nito. Mababantayan aniya ng mga residente ang pagtatayo ng mga kasilyas. Bantay anomalya nga naman ang mga residenteng makikinabang sa takubits.

Ang tanong ay may pera ba ang mga barangay upang makagawa ng mga kasilyas? Sa Quezon City nga ay maraming kalsada ang wala pang CCTV hanggang ngayon kahit  na ipinangako ito ng mga tumakbong pulitiko nang nakaraang eleksyon. Paano pa kaya ang kasilyas sa mahihirap na komunidad?

Ang daming mga tulay, MRT, LRT, skyway at kung anu-ano pang mga kongkretong bagay ang ipanagagawa ngayon sa ilalim daw ng build, build, build, program ng pamahalaan. Bilyong piso ang gagastusin umano dito. Kahit kaunti ay puwede namang makapaglaan ang mga kumpanyang gumagawa ng mga kongkretong bagay na ito upang makabuo ng mga “takubits” sa mga barangay.

Higit na malaki ang gagastusin sa mga gamot, pagpapa-ospital at kawalan ng mga malulusog na Pilipino kung mananatiling dumudumi sila kung saan-saan lamang. Siyempre kailangan ding may septic tank o poso negro na pupuntahan ang mga dumi ng tao at hindi sa mga estero at ilog patungong dagat din.

Build, build, build naman kayo ng takubits. Ang dami ngang mga dambuhalang konstruksyon na nagkakahalaga ng milyon-bilyong piso ngunit kapos naman tayo sa mga takubits? Kadiri!

(bangonkalikasan@yahoo.com)