‘Bulok’ na PNP, pabor sa NPA

October 08, 2019

NOONG Disyembre 4, 2018, nilagdaan ni Pang. Duterte ang EO 70, na nagtatalaga ng ‘Whole-Of-Nation- Approach’ upang matapos na ang problema ng bansa sa CPP-NPA-NDFP sa pinakamabilis na panahon.

At dahil nga ‘whole of nation approach,’ ang bagong “istratehiya” upang maresolba na ang higit 5 dekadang “problema” na ito, lahat tayo, mga kabayan, at lahat ng ahensiya at departamento ng pamahalaan ay may “tungkulin” na dapat gampanan.

Isa siyempre sa may “krusyal” na papel dito ay ang ating pambansang pulisya, ang ‘Philippine National Police.’

At sa patuloy na “paglitaw” ng mga “kabulukan,” at mga gawaing kriminal ng mga elemento ng PNP katulad ng nasasaksihan natin ngayon sa pagdinig sa Senado at sa mga malulungkot na karanasan ng ating mga kababayan sa kamay ng mga pulis, eh, hindi sila nakakatulong sa gobyerno.

Bagkus, masasabi pa nga natin na ang mga kabulukan at mga gawaing kriminal ng mga pulis ay nakatutulong para lalo pang lumakas ang CPP-NPA.

Bibigyan ko kayo ng halimbawa, mga kabayan, batay sa ating mga naging karanasan at obserbasyon.

Alam ba ninyo dear readers, na sa Southern Tagalog, halimbawa, kaya naging malalim at malawak ang naging pagsuporta ng “masa” sa New People’s Army eh, dahil sa pang-aabuso ng pulis at militar?

Sa isang sitwasyon kung saan inaabuso ang ordinaryong mamamayan ng mga kagawad ng militar at pulisya at mga lokal na naghaharing-uri katulad ng mga LGUs, saan ba sila “tatakbo” para humingi ng tulong at hustisya, aber?

Saan pa nga ba kundi sa NPA na agaran kung “maggawad” ng hustisya at ang mga miyembro pa ay talagang mga “disiplinado.”

‘In fairness’ sa AFP, mga kabayan, saksi tayo sa naging ‘transformation’ nito, partikular ang mga yunit ng Phil. Army na nakasama at nakasalamuha natin, dahilan kaya ngayon ay higit na mas mataas ang tiwala sa ating mga sundalo ng ating mga kababayan sa kanayunan—kumpara sa PNP.

Bigyang halimbawa din natin ang nabasa nating ulat kahapon ng ABS-CBN hinggil sa pagkamatay noong Sabado sa Marikina City ng isang binata at malubhang pagkasugat ng kanyang kaibigan sa kamay ng isang hindi (pa rin) kilalang pulis.

Sinasabi sa ulat na walang bisyo at “mabait na bata” itong si Kim Ramos, 23, na binaril sa ulo; mabait na bata rin umano ang kanyang kaibigan na si Lauro Lagarde na tinamaan sa katawan at nagpapagaling sa isang ospital.

Kung pinaglalamayan na ngayon si Ramos, “diretso” naman sa kulungan paglabas ng ospital itong si Lagarde dahil “siya” pa pala ang kinasuhan ng mga pulis-Marikina sa pangunguna ni COP Restituto Arcanghel.

Sa kanilang “bersyon,” “pinagtulungan” daw ang kanyang tauhan nitong sina Ramos at Lagarde, kasama ang dalawa pang ‘John Doe.’

Sa ganitong sitwasyon na “todo-payong” itong si Arcanghel sa kanyang “bata,” ‘asan ang hustisya dito, aber? Sa ganitong mga insidente, mga kabayan, “magtitiwala” pa kaya ang pamilya ni Ramos, Lagarde at kanilang mga kaibigan at mga kamag-anak sa PNP?

O, “tatawid” na lang sila sa probinsiya ng Rizal para humingi ng hustisya sa mga kasapi ng Narciso Antazo Aramil Command (NAAC-NPA)?

***

Sa nakaraang pagdinig ng Senado sa isyu ng mga ‘Ninja Cops,’ isa sa “malinaw” na nakita ng taumbayan ay kung gaano “kagaling” maghabi ng kasinungalingan at gumawa ng “senaryo” ang mga pulis, hindi ba?

Kunsabagay, nakita na rin natin nang ilang beses ang ganitong estilo ng mga pulis katulad ng ginawa nilang “STL” (story-telling-a-lie) sa kanilang pagtortyur at pagpaslang kay Red Santillan at kanyang kasama noong Disyembre,...

...anim na araw lang matapos lagdaan ni PDU30 ang EO 70.

Kung sa pagiging sinungaling din lang ang pag-uusapan upang pagtakpan ang kanilang mga krimen at pang-aabuso, aba’y tila wala nang tatalo dito sa mga pulis.

Ang masahol, pa “protektado” sila ng kanilang mga ‘superior officers,’ hindi ba, PNP chief, Oscar Albayalde?

At dahil nga “protektado” ng kanilang mga bosing, wala na ring pakundangan sa pagiging bastos ang ilang mga opisyal nito, katulad nitong si Plaridel, Bulacan, COP Victorino Valdez.

Ang siste, PNP-IMEG chief, Romeo Caramat, “wrong send” lang pala sa kanya itong ating kaibigan at miyembro ng National Press Club (NPC) na si Val Leonardo na ‘nag-text’ kay Valdez sa isang insidente sa San Rafael (nalipat na pala sa Plaridel itong si Valdez).

Eh, sukat ba naman, PTFoMS executive director Joel Egco, sagutin nang “pabalagbag” nitong si Valdez si “kapatid” na Val—”Gago! Wrong sent ka! Press pressen mo mukha mo!” ang aroganteng sagot nitong si Valdez.

At nang sumagot si Val na ipaaabot niya dito sa ating kaibigan na si Bulacan PD Chito Bersaluna ang “panggagago” sa kanya nitong si Valdez, ang mabilis nyang sagot, Region 3 RD Jigs Coronel?

“Samahan pa kita kung gusto mo! Salamat.”

At ang naging “aksyon” naman kahapon ni PD Chito sa “sumbong” ni Val? Eh, you are ‘correct in your guess,’ Sen. Dick Gordon at Sen. Ping Lacson.

Ano pa ba, kundi “idipensa” itong si Valdez, araguy!

Kung kahit ang mga lehitimong kasapi ng media na katulad ni kasamang Val at ang ating propesyon ay kayang-kaya na “bastusin” nitong mga katulad ni P/Lt. Col. Valdez eh, paano pa kaya ang ordinaryong mamamayan sa Plaridel, aber?

Eh, wala na tayong magagawa dito, mga kapatid sa media kundi ang manawagan kay PTFoMS director Joel Egco na: PTFoMS, pasok!

Sa mga ganitong insidente na “nagtatampok” sa mga pang-aabuso ng mga pulis, “bigla” tuloy nating ‘nami-miss’ si Tirso ‘Ka Bart’ Alcantara, hehehe!

Kumusta ka na, Bosing? Long time, no see! “Magparamdam” ka naman.

Abangan!