Bumalik tayo sa normal na sistema

February 17, 2020

HINDI na pala natin kailangan ng giyera para lamang maparalisa ang mundo. Sa isang matinding virus lamang na tulad ng COVID-19, malaking epekto na sa mga bansang tinamaan.

Ang travel ban sa China, Hong Kong, Macau at Taiwan nitong nakaraang mga linggo ay nagdulot ng  dagok sa kanilang ekonomiya. Nitong weekend, inalis na ang ban sa Taiwan matapos umangal ang kanilang gobyerno.

Ang Macau mukhang susunod na sa pag-alis ng ban. Ang Hong Kong ang dumanas ng matinding dagok dahil bago pa ang travel ban, nilumpo ng protesta ang kanilang ekonomiya.

Hindi lamang ang mga direct flight sa naturang mga bansa ang tinamaan, pati mga connecting flights na galing Amerika, Europe or Middle East ay apektado rin.  

Ang Thailand, Singapore, Malaysia, Vietnam, Dubai, Germany at iba pang bansa sa Europe ay naapektuhan din. Bagama’t hindi local ang mga virus, sapat na ito para maalarma ang kani-kanilang gobyerno.

Dito sa atin, may kaso na ng namatay sa virus. Hindi rin ito local dahil nagsimula ang virus sa Chinese na galing sa Hubei at Wuhan.

Sa mga bansang hindi tinamaan, ramdam din ang pag-iingat kaya mas istrikto ang screening ng mga outgoing at incoming passengers.  

Nagbago na ang galaw ng mundo dahil sa virus. Maraming personal, corporate, group and family travels ang hindi na natuloy dahil dito.

Isipin mo nga naman, karaniwan ay 3 to 4 days lamang ang plano mong bakasyon tapos kung magpatupad ng mandatory 14  days quarantine ang bansang pupuntahan mo, sira ang lahat ng lakad mo.

Tiyak na may tama ang  virus sa world economy kaya dapat lamang na matapos na ang problemang ito.

Dito masusukat ang pagkatao nating lahat. Sa halip na matuwa tayo sa sinapit ng mga kapwa natin bansa, dapat tayong malungkot at makisimpatiya sa kanila. Sa halip na nagpapakalat tayo ng takot at ng fake news, sikapin nating tumulong sa positibong paraan.

Imagine, ang face mask na hindi naman natin pinapansin noon, atin itong pinagkakaguluhan ngayon. Ang ubo at hatsing na bahagi naman ng sistema ng mortal na katawan, atin nang kinatatakutan.

Ang mga malalaking event, ang maraming Valentine concerts ay nakansela dahil sa takot na nilikha rin nating lahat.

Huwag nating hayaang sirain ng virus na ito ang ating buhay sa pamamagitan ng pagpapalaki sa kanya bilang killer disease. Tama lang na maging maingat tayo sa ating kalusugan, may virus scare man o wala.  

Pero huwag nating gawing sistema ang pananakot sa ating kapwa na magkakasakit kapag hindi nakamaskara. Bumalik tayo sa ating normal na buhay, tulungan natin ang ekonomiya ng ating bansa at ng mundo.

Simulan mo ito sa mga positibong pagkilos, sa mga positibong post sa social media para makabawas ka sa problema.

allanpunglo@gmail.com