Bumbay na may pusong Pinoy!

NAKATUTUWANG isipin na sa gitna ng dinaranas nating krisis likha ng mapaminsalang COVID-19 ay maraming grupo at indibuwal ang kusang loob na nagbibigay tulong sa mga apektado nating kababayan.

Bagaman may ilan na ayaw tumigil sa paggawa ng ‘fake news’ at batikos sa pamahalaan, mas marami naman ang bilang ng mga kababayan nating mas pinipili pang tumulong kaysa sumawsaw sa ‘gulo sa pulitika.’

Mahirap isa-isahin kung sinu-sino ang mga taong ito na may mabubuting kaloooban dahil talaga namang sobrang dami nila.

Mula sa multi-national companies, maliliit na negosyante, iba-ibang samahan,  sektor ng lipunan at mga private individuals, nakatataba ng pusong makarinig na bukas palad ang pagtulong nila sa mga panahong ganito.

May isang grupo ang pumukaw sa ating atensiyon dahil sa ibinigay nilang tulong sa Philippine National Police (PNP), particular na sa Highway Patrol Group (HPG) na nasa ilalim ng pamamahala ni Brig. Gen. Eliseo ‘Eli’ Cruz.

Ito iyong Filipino Indian Commerce and Welfare Society Inc. (FICWSI)  na pinamumunuan ni Majinder James Kumar, isang matagumpay na Filipino-Indian national sa bansa na kilala rin sa pagiging pilantropo at matulungin sa  mga nangangailangan nating kababayan.

Naisulat ko na ang grupong ito noong kasagsagan ng pagsabog ng Bulkang Taal, nitong buwan ng Enero.

Halos 50,000 bakwit ang nahatiran nila ng tulong mula sa 217 evacuation centers sa Cavite, Tagaytay at Batangas nang sumabog ang Taal.

Kabi-kabilang trak na punung-puno ng relief goods ang ipinamahagi nila noon na labis ikinatuwa ng ating mga kababayan. Bukod kasi sa bigas, delatang pagkain, biscuits, gamot, vitamin c, alcohol, tabo, balde, sabon; nagbigay din sila ng laruan sa ilang batang bakwit.

Labas pa riyan ang ilang donasyon niya sa mga pulitikong nagpapadala rin ng tulong sa mga bakwit ng Taal.

Sa iba’t ibang araw na pamamahagi ng tulong ay kasama pa ni Kumar ang magandang misis na si Bianca Gonzales-Kumar; mga anak na sina Kiersen, Iago, Kristan, Zy at Ronnie; gayundin ang kapatid na aktor na si Mandib Kumar.

Maraming humanga kay James noong panahong iyon dahil ayon sa kanya, bagaman may lahi siyang Bumbay, dugong Pinoy na ang nananalaytay sa kanyang ugat, puso at kaisipan.

Minsan na natin siyang pinasalamatan at sa pagkakataong ito, hayaan n’yong muli tayong magparating ng pagbibigay puri sa kanila para naman sa mga natulungan niyang pulis mula sa hanay ng HPG.

Kamakalawa ay nag-donate  ang  FICWSI ng 5.000  surgical masks; 500 piraso ng N95 masks; 25 galons ng antibacterial alcohol; 2.000 hand gloves at 200 piraso ng face shield! 

Malaking bagay ito para sa mga miyembro ng HPG na bahagi ng tinatawag na bagong bayani ng bansa.

Bilang isa sa mga frontliners, mahalaga ang ibinibigay na serbisyo ng tropa ni Gen. Cruz dahil sila ang nakikita nating bantay ngayon sa iba’t ibang checkpoints na nakikita natin sa mga pangunahing lansangan habang ipinatutupad ang ‘enhanced community quarantine.’

Hindi biro ang ginagawang trabaho ng HPG, gayundin ang ilang miyembro ng pulisya dahil tulad nating lahat, tao rin silang maaaring kapitan ng mikrobyo ng COVID-19 na possible nilang ikasakit at ikamatay.

Mahalaga ang tungkulin ng kapulisan sa panahong ito na kasing halaga ng mga bayani rin nating mga doktor, nurses at mga hospital workers at iba pang volunteers.

Isinusulat ko ito’y 22 pulis na ang iniulat na namatay sanhi ng sakit na COVID-19.

Ayon kay PNP Spokesman Brig. Gen. Bernard Banac, nakapagtala ang PNP-Health Service ng rekord na 299 Patients Under Investigation (PUI). Ang 68 ay mga Police Commissioned Officers (PCO); 217 ang Police Non-Commissioned Officers (PNCO) at 14 naman ang Non-Uniform Personnel (NUP).

Isinailalim naman sa Persons Under Monitoring (PUM) ang 1,384 PNP personnel na binubuo  ng 322 PCOs; 1,007 PNCOs at 55 NUPs.

Sa tulong na ibinigay ng grupo ni Kumar, masasabing malaking bagay ito upang mapigilan ang posible pang pagdami ng bilang ng mga pulis na magkaroon ng COVID-19.

Dahil malaking bagay bilang panangga sa pamemerwisyo ng COVID-19 ang mga mask, gloves at iba pang bahagi ng tinatawag na Personal Protective Equipment (PPE).

At kasabay ng pasasalamat natin sa buong hanay ng PNP, partikular na sa pamunuan nina PNP chief Gen. Archie Gamboa at kay PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Gulliermo Eleazar, gayundin kay Gen. Cruz ng HPG, isabay ko na rin ang aking pasasalamat at paghanga sa FICWSI, lalo na kay James Kumar.

Sumasaludo po ang ‘Uncovered’ sa inyong lahat, mga bossing!

Mabuhay po kayo at nawa’y matapos na ang mapamuksang problema ng COVID-19 sa mapaghimalang tulong ng ating Panginoon!