Burahin na ang mga trapo sa 2022

January 27, 2020

BINIBILISAN na ng DPWH ang mga connector ng NLEX, SLEX at Harbourlink mula NLEX patungong R10 Pier area.

Binanggit ni Sec. Mar Villar na hanggang Pebrero ay posibleng madaanan na ang Harbourlink na makakatagos hanggang C3 Dagat-dagatan, Caloocan mula NLEX-Mindanao Avenue, Quezon City.

Malaking decongestion sa Mindanao Avenue, A. Bonifacio hanggang Blumentritt, Manila ang pagbubukas ng Harbourlink na ito.  

Ang connectors naman ng SLEX at NLEX na itatagos ang Alabang link hanggang Balintawak ay inaasahan natin ang pagbubukas hanggang May 2020. Kapag nagbukas ang Skyway stages na ito, iyong mga patungong North ay hindi na kailangang dumaan ng EDSA. Ganoon din ang mga patungong South.

Mapapaluwag na rin nito ang North at South bound ng EDSA. Hindi madali para sa DPWH na magawa ang lahat ng ito sa loob lamang ng tatlo’t kalahating taon kaya bigyan din natin ng kredito si Sec Villar at ang lahat ng men and women ng Public Works.

Less than 10% lang ang nagawa ng nakaraang administrasyon dahil hindi nila natapos ang Right of Way acquisition. Kaya nga halos 4 years na-delay ang lahat ng projects kasama ang MRT 7 dahil hindi nakumpleto ang mga dapat gawin.

Umaasa tayo kapag natapos ang termino ni Pangulong Duterte, ang lahat ng infra ay matatapos. Kung may maiiwanan man, tiyak na matatapos na ng susunod na administrasyon dahil minimal constructions na lamang ang kailangan.

Ang naging problema sa mga nakaraan, ayaw ituloy ng mga bagong admin ang project dahil hindi nila proyekto. Kaya maraming pagawain ng gobyerno ang hindi natatapos on time dahil na rin sa pamumulitika ng mga dumarating na Pangulo.

Ang maganda kay Presidente Duterte, walang political agenda, basta pakikinabangan ng bayan, wala siyang pakialam kahit sino pa ang nagsimula, ipatatapos niya.

Kaya dapat ay tumigil na sa pag-angkin ang ibang grupo dyan sa mga horizontal at vertical projects na nakikita natin sa buong bansa, lalo na sa Metro Manila, dahil sa totoo lang naman, tumpok ng lupa lang na-accomplished nila matapos ang anim na taon.

Katulad ng MRT 7 na tinatapos ngayon ni DOTR Secretary Art Tugade mula North Ave hanggang San Jose Del Monte, Bulacan. Dapat yan ay operational na noong pang December 2014 pero kahit isang supot ng semento ay wala silang nahalo mula 2010 hanggang 2016 kaya super delayed.

Umaasa tayong functional na ang karamihan ng infra na ginagawa ngayon ng Duterte administration bago matapos ang kanilang termino sa June 30, 2022.

Kaya nga importante rin kung sino ang susunod na presidente kay Digong dahil nakasalalay sa kanya ang kinabukasan ng mga proyektong ito na magpapaunlad ng ating bansa.

Burahin na natin sa mapa ng pulitika ang mga asal trapo na walang ginawa kung hindi bolahin lang tayo.
allanpunglo@gmail.com