Bureau of Customs, banderang kapos!

December 16, 2018

BANDERANG  kapos!

Sa mga karerista, ito ang nangyari sa Bureau of Customs.

Maliwanag na kinapos ang BoC, sakay si Commissioner Rey “Jagger” Guerrero, sa “home stretch” ng karera.

Sa tingin naman natin, walang kasalanan si Guerrero sa kabiguan ng ahensiya na makamit ang inasam-asam na collection target sa huling dalawang buwan ng taon.

Nagkaroon kasi ng “wait-and-see attitude” ng mga importer at broker dahil sa pagkakaalis kay dating BoC Chief Sid Lapeña at ilan niyang mga tauhan.

Normal ‘yan pag nagkakaroon ng bagong hepe ng BoC.

“Slowdown ang mga negosyante dahil hindi nila alam kung ano ang mga patakaran ni Guerrero.

Pati mga opisyal at kawani ng BoC, kaysa mag-concentrate sa trabaho ay nawala sa focus.

Hindi nila alam kung ano ang mangyayari sa kanila sa pagpasok nina Jagger at mga tropa ng AFP at Coast Guard.

Ang kailangan kasi ay pulungin ni Guerrero ang kanyang mga tauhan at alamin kung bakit kinapos ang ahensiya.

Kausapin din dapat  ni Jagger ang mga importer at broker pati na ang mga taga-media.

Ang mahalaga ay maging maayos ang working relationship ng mga waterfront stakeholder.

Huwag nating kalimutan na nanggagaling ang mga buwis at taripa sa mga importer.

Kung walang negosyante ay walang kargamento na papatawan ng buwis.

Hindi dapat pinahihirapan ang mga nagbibigay ng pera sa gobyerno.

Ang kailangan sa Aduana ay magtulungan para sa kapakanan ng lahat — gobyerno, BoC at port user.

Huwag mong ilayo ang sarili mo Sir Jagger sa mga importer, broker at taga-media.

Sila ang unang makatutulong sa iyo!

***

Walong  araw na lang ay Pasko na.

At labin-limang araw naman, matatapos na ang taon.

Kanya-kanyang bagong resolusyon na naman ang taumbayan.

Lalo na ang mga taong gustong magbagong buhay sa darating na bagong taon.

Kung minsan, may mga gustong magbago pero napipilitang gumawa ng masama dahil sa pangangailangan.

Ito ang mga mahihirap na ang tanging gusto ay kumain ng tatlong beses sa maghapon ang kanyang mga mahal sa buhay.

May mga lingkod-bayan namang sobrang gahaman sa pera at kapangyarihan.

Ito ang mga opisyal na gusto ni Pangulong Duterte na mabulok sa bilangguan.

Dahil sila ang salot ng lipunan

Sa darating na taon, sana magbago tayong lahat para sa kapakanan ng bayan.

***

Kinasuhan na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga taong sangkot umano sa pagpupuslit ng illegal drugs na nakapaloob sa magnetic lifters.

Dahil nasa Department of Justice (DoJ) na, pabayaan na lang natin na umusad ang kaso.

Nasa mga DoJ prosecutor na ang bola.

Huwag natin pabayaan na ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek ay maging hadlang sa socio-economic development ng bansa.

Ang mahalaga ay harapin natin ang problema na nagpapahirap sa taumbayan.

Tama ba kami Pangulong Rody Duterte?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)