Bureau of Customs Commissioner Rey Guerrero, huwag padala sa mga sulsol!

November 28, 2018

LALO pang pinapaigting ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kampanya laban sa katiwalian at korapsyon sa gobyerno.

Marami ang naniniwala na tagumpay ang kampanya dahil sa tulong ng mga diyario, radyo at telebisyon.

Sa totoo lang, nakararating sa atensyon ng Malakanyang  ang mga katarantaduhan ng mga tiwaling lingkod-bayan sa pamamagitan ng media.

Sa Aduana nga ay malaking tulong sa Malakanyang ang mga expose ng mga waterfront-based na peryodista.

Hindi lang “eagle-eyed” ang mga peryodistang ito na karamihan ay mga beterano sa pamamahayag.

Hindi kalaban ng Malakanyang  ang waterfront press corps kundi partner ito para malinis ang Aduana sa mga katiwalian.

Mahalagang makapagtrabaho ng malaya ang mga mamamahayag sa pantalan para makarating sa publiko ang mga nangyayari sa Aduana.

Hindi kailangang limitahan ng pamunuan ng BoC ang galaw ng mga peryodista sa loob ng nasabing ahensiya.

Huwag nating kalimutan na paulit-ulit na nananawagan si Pangulong Digong  sa taumbayan na iparating sa kanya ang mga kalokohan sa gobyerno.

Alam ng mga mandurugas na nakabantay sa kanila ang mga taga-media kaya hindi sila basta nakagagalaw.

Inuulit natin. Katulong ni Pangulong Duterte ang mga taga-diyario, radyo at telebisyon para mawala ang katiwalian at korapsyon sa mga opisina ng gobyerno.

* * *

Sana maisingit ni Customs Commissioner Rey Guerrero sa kanyang tight schedule ang pakikipag-dialogue sa mga port user, lalo na sa mga importer at broker.

Huwag kalimutan ni Commissioner Guerrero na  nanggagaling sa mga importer ang perang pumapasok sa kaban ng BoC.

Kung walang importasyon ang mga negosyante ay walang papatawan ng buwis at taripa ng BoC.

Ngayon nga ay dapat tingnan ni Guerrero ang walang patumanggang pagtataas ng buwis at taripa ng ilang sipsip niyang mga kawani.

Hindi tama na basta na lang oobligahin na magtataas nang magtataas ng bayarin ang importer at broker.

Sa totoo lang, ang mangyayari ay mapipilitang itaas ng mga importer ang presyo ng mga produkto sa merkado.

Sino ngayon ang tatamaan?

Siyempre, taumbayan!

Ang mahalaga sa Aduana, respeto at pagtutulungan ng mga stakeholder para walang gusot at problema.

Ang kailangan ay regular na dialogue sa pagitan ng mga taga-BoC at port user.

Hindi kailangang mag-away ang mga nakatira sa “barangay Aduana.”

Walang dapat pag-awayan sa Aduana, ang mahalaga ay makatulong kay Pangulong Duterte para mapabilis ang pag-unlad ng bansa.

At huwag padadala sa mga sabi-sabi o mga sulsol ng mga gustong magkagulo sa pantalan.

Ang mahalaga ay maayos ang mga problema bago pa lumala ang mga ito.

Iyan ang kailangan kung desidido kayong makatulong kina Pangulong Rody Duterte at  Secretary Carlos Dominguez.

* * *

Malala na ang problema ng pamimili ng boto tuwing may eleksyon sa bansa.

Problema ito ng Commission on Elections.

Mahirap na yata talagang patigilin ito dahil walang aaming bumili at nagbenta ng boto.

Sino ba naman ang aamin eh, parehong makukulong ang namili at nagbenta ng boto.

Ang maganda niyan, tanggapin ang pera pero huwag iboto ang namili.

Huwag makonsensiya dahil hindi tama ang pamimili ng boto.

At huwag kayong matakot dahil walang nakakaalam kung sino ang ibinoto niyo.

Kapag natalo ang namili ng boto ay magtatanda na ‘yan sa susunod na halalan.

Nasa mga botante na ang susi para matigil ang nakakasukang gawain na ito.

Hindi man kayang patigilin ng Comelec ang vote-buying pero ikaw na botante, kaya mo.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430
email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)