Bureau of Customs Employees Association ‘kuntento’ kay Comm. Jagger

January 21, 2019

“TALIWAS” sa naging relasyon ng ‘BOCEA’ -- Bureau of Customs Employees Association -- kay Comm. Sid Lapeña, na napansin nating “malamig” at may “tamang hinala” ang magkabilang panig, masasabing ‘warm, cordial and marked with openness’ ang kanilang relasyon ngayon kay Comm. ‘Jagger’ Guerrero.

Aber, dear readers, isa nga tayo sa hindi agad makapaniwala sa pangyayari dahil nga bilang dating militar, at dahil na rin sa mga “hugot” ni Pang. Digong na mas “gusto” niya nang ‘military takeover’ sa Aduana para matigil na ang mga kontrobersiya dito, ang anunsyo na si Comm. Jagger ang papalit kay Comm. Sid ay agad “nagpalalim” pa sa “agam-agam” at “tamang hinala” ng mga empleyado.

Hindi rin napawi ang “alinlangan” ng mga empleyado nang malaman na dalawa ring dating heneral sa Sandatahang Lakas (AFP) na mga ‘mistah’ niya sa PMA Class 1984, ang mga unang “binitbit” ni Comm. Jagger sa ahensiya, si Gen. Donato San Juan at Gen. Raniel Ramiro.

Pinalitan ni Gen. San Juan si deputy commissioner Gladys Rosales bilang DCA (deputy commissioner for administration) habang pinalitan naman ni Gen. Ramiro si deputy commissioner Ricardo Quinto bilang DCI (deputy commissioner for intelligence).

Bagaman nga mga ‘PMA graduates’ sina Comm. Sid at DCI Quinto, naging mga opisyal sila ng PNP na isang ‘civilian government agency’ na katulad ng BoC.

Isa ring “sibilyan” si DCA Gladys na “dinala” ni Comm. Sid sa BoC mula sa PDEA (isa pa ring civilian agency).

Yun nga lang, masasabing  hindi naging maganda ang kanilang relasyon sa unyon, bagaman “pare-pareho” namang ‘civilian agency’ ang kani-kanilang pinanggalingan.

At kung hindi na nga naging “maayos” ang relasyon ng BOCEA sa kanilang mga “kapwa-sibilyan” sa bagong administrasyon pa kaya ngayon sa Aduana na pulos ‘full blooded military generals’ ang kanilang mga bagong “bosing?”

Subalit noong isang linggo, nang mapasyal tayo sa tanggapan ng BOCEA, nagulat tayo na hindi kritisismo at batikos, bagkus, pulos “papuri” ang narinig natin mula sa mga opisyales ng unyon sa pangunguna ni Pang. Remy Princesa, dito sa administrasyon ni Comm. Jagger!

“Taliwas” daw kasi sa administrasyong Lapeña, aba’y “mas bukas” pa umano sa paliwanag at pag-uusap itong ‘Team Jagger!’

Katunayan nito, magandang balita para sa lahat ng kawani na ang “natengga” na ‘CNA’ (collective negotiation agreement) ng BOCEA at pamunuan ng Aduana ay naghihintay na lang ng ‘formal signing agreement,’ yeheyy!

At kung mangyari na ito, aba’y may tatanggapin na ‘signing bonus’ ang bawat kawani na hindi umano bababa sa P11,000 bawat isa, kaya, yeheyy ulit!

* * *

Sa termino ni Comm. Bert Lina, unang nagkaroon ng CNA ang ‘BoC management’ at ang BOCEA kung saan isa sa mga ‘stipulations’ ay ang pagbibigay ng ‘signing bonus’ sa bawat miyembro ng unyon na kukunin sa ‘savings’ ng ahensiya.

At bagaman pulos eskandalo ang “dinala” ni Comm. Nick Faeldon (na isa ring dating militar) sa kanyang termino, “bilib” din naman sa kanya ang BOCEA dahil “kinilala” nito ang nasabing CNA at sa kanya pa ngang termino naibigay sa mga empleyado ang P25,000 signing bonus.

Masasabi namang ‘from good to bad’ ang naging takbo ng relasyon ng unyon at BoC management sa termino ni Comm. Sid (na isa ngang sibilyan) dahil kahit piso ay walang naibigay na ‘agency bonus’ sa mga kawani sa katwirang ‘no savings’ ang BoC noong 2017, ahahay!

Sa panig ng BOCEA, “imposible” na walang “naisubi” ang BoC sa termino ni Comm. Sid para sa kanila dahil na rin sa “polisiya” ng gobyerno na bawat ahensiya ay mayroong ‘mandatory savings’ na 10 porsiyento sa kani-kanilang mga badyet, hehehe!

At ‘from good to bad’ talaga ang nangyari sa relasyon ng BOCEA at pamunuan ng Aduana dahil sa halip na mag-usap ang unyon at si Comm. Sid o DCA Gladys, ‘nagbatuhan” na lang sila ng mga kaso sa Civil Service Commission (CSC) at sa Ombudsman, aguy,aguy,aguy!

Ayon pa nga sa mga lider-unyon na nakausap natin, ilan pang mga kasong kriminal (graft and corruption) ang “ipapahabol” nila kay Comm. Sid bagaman nga “nananahimik” na ito ngayon bilang TESDA secretary general.

Kung “sino” naman ang unang “kukurap” sa nangyaring ito, abangan na lang natin, tama ba, kasamang Dexter Gatoc, hehehe!

Sa ngayon naman, “kuntento” na ang BOCEA sa pamunuan ni Comm. Jagger dahil “pinawi” lahat ni Comm. Jagger ang kanilang mga agam-agam at tamang hinala, yehey na naman!

Anila pa, “okay” na rin sa kanila kahit P11,000 lang ang kanilang ‘CNA bonus’ kumpara naman daw kay Comm. Sid kung saan lahat sila ay “nganga,” hihihi, ayy, huhuhu!

Hindi rin nila inaasahan na muli, taliwas sa kanilang akala na pulos ‘NATO’ lang din si Comm. Jagger (No Action, Talk Only), aba’y matutuloy pala ang kanilang ‘performance bonus’ sa ilalim ng LAL (Lateral Attrition Law) dahil sa magandang koleksyon ng Aduana noong nakaraang taon.

Una na nating binanggit sa BOCEA na dahil may ‘surplus collection’ ang BoC noong isang taon, “lalakarin” ni Comm. Jagger na mabigyan silang lahat ng performance bonus.

At ngayon ngang “tinotoo” na ito ni Comm. Jagger sa kanyang memorandum na ipinadala noong Enero 10 kay DoF secretary Sonny Dominguez, muli na naman silang “napanganga.”

‘Yun bang… “nganga na may kasamang “ngiti” hehe.

Ito yung “ngiti” mga kabayan, ng mga taong “kuntento” dahil ‘a man of his word’ daw pala talaga si Comm. Jagger, alright, hehehe!