Bureau of Customs Intel dapat ‘linisin’ ni DCI Ramiro

January 07, 2019

“NAGSIMULA” na nga ba ang “rigodon” sa Aduana?

Ito ang tanong ng mga miron sa pantalan matapos ang “palitan” sa puwesto ng ‘district collector’ sa dalawang ‘premier port’ ng bansa, ang ‘Port of Manila’ (POM) at, ‘Manila International Container Port’ (MICP), epektibo kahapon, araw ng Lunes, Enero 7.

“Balik-POM” si Atty. Rhea Gregorio kapalit ni Coll. Marites Martin habang “balik-MICP” naman si Atty. Dino Austria, kapalit ni Coll. Filemon Mendoza.

‘Yun nga lang, ‘asan na ang kani-kanilang ‘CPO’ (customs personnel order), dahil wala pa tayong nakikita, tama ba, kasamang Dexter Gatoc, hehehe. Translation? Hindi natin naisulat dito kung ano naman ang “kapalaran” nitong ating mga kaibigan na sina Coll. Martin at Coll. Mendoza, huhuhu!

Wala namang dapat ipagtaka -- at magtaka -- kung magkaroon nga ng “balasahan” sa Aduana dahil ‘prerogative’ ito ni Comm. Jagger Guerrero na higit dalawang buwan pa lang din naman sa puwesto matapos palitan si Comm. Sid Lapeña noong nakaraang Oktubre 2018.

Kailangan siyempre ni Comm. Jagger ng mga opisyal na puwede niyang “asahan” at higit sa lahat, “pagtiwalaan.”

‘In fairness’ pa kay Comm. Jagger, “pinatunayan” niya na “walang katotohanan” ang “agam-agam” noon ng mga kawani at mga miron na “militarisasyon” ang “kahahantungan” ng Aduana sa kanyang “pagpasok” upang ganap nang matuldukan ang problema sa korapsyon at ‘smuggling’ sa ating mga pantalan, partikular na ang pagpasok ng iligal na droga.

Ang “agam-agam” ay dala na rin ng deklarasyon ni Pang. Rody na “pumasok” ang AFP at Phil. Coast Guard (PCG) sa Aduana upang tulungan si Comm. Jagger, kung saan nasaksihan pa nga natin ang pirmahan ng BoC, AFP at PCG ng isang ‘MOU’ (Memorandum of Understanding) hinggil sa magiging “hatian sa trabaho” ng tatlong grupo sa loob at labas ng pantalan.

Ayon pa sa mga miron, ang “pagpawi” ni Comm. Jagger ng kanilang takot hinggil sa militarisasyon ng kanilang ahensiya at ang anila ay “sinserong pagsisikap” ni Comm. Jagger na makuha ang kanilang tiwala at kooperasyon ang “dahilan” kung bakit, ‘defying the odds makers,’ wika nga, “nalampasan” ng BoC ang ‘2018 collection target’ nito na higit P584 bilyon ng higit P661 milyon.

Bukod naman sa kanyang dalawang ‘mistah’ sa PMA ‘Maharlika’ Class 1984, sina DCA (Deputy Commissioner for administration) Donato San Juan at DCI (Deputy Commissioner for intelligence) Raniel Ramiro, wala pa tayong nakikitang mga “bagong mukha” sa pantalan na “ipinasok” ni Comm. Jagger.

Ito ay sa kabila nang katotohanan na may ‘free hand’ si Comm. Jagger na sibakin at alisin sa serbisyo at kanilang mga puwesto ang may 20 ‘presidential appointees’ na “dinala” naman ni Comm. Sid nang pumasok siya sa Aduana noong 2017.

Translation? Aba’y dapat “matuwa” ang mga nasabing ‘appointees’ hindi ba, DoF Secretary Sonny Dominguez? Ang ibig lang kasing sabihin nito, mas pinili ni Comm. Jagger na “subukan” at “pagtiwalaan” sila -- sa ngayon, hehehe!

Ayon naman sa mga kaibigan natin sa militar, patikular na sa 2nd Infantry ‘Jungle Fighter’ Division, “proud” sila dito kay Gen. Ramiro! Oh, yes, DCI Ramiro, may ganern, hehehe!

Anila kasi, kung “palagi” pa rin daw kasi akong “pumapasyal” sa Camp Mateo Capinpin katulad noong una, hindi raw malayong “nakilala” ko doon si Gen. Ramiro na respetado nila bilang “magaling” na ‘intelligence officer.’

Translation pa ulit? Hindi nagkamali si Comm. Jagger na ipuwesto sa BoC intel si DCI Ramiro, hurrah!

Sa ganang atin naman, dear readers, may katagalan din tayong “nagtambay” d’yan sa IG, partikular sa termino ni ex-AFP chief, DCI Jessie Dellosa at kahit sa termino ni DCI Dick Quinto; kahit paano ay nalaman natin ang ‘best practices’ ng IG -- at higit sa lahat, ang “katarantaduhan” ng mga “operatiba” dyan.

Isa na rito ay ang paggamit ng ‘power to alert and hold the release’ nang ano mang kargamento—hindi para “timbugin” ang mga iligal na kargamento bagkus, para “perwisyuhin” ang kargamento ng mga “kalaban” ng kanilang mga protektadong smuggler.

Kung “nasawata” ang kabulastugang ito noong panahon ni DCI Dellosa at DCI Quinto, aba’y dapat maging “alerto” rin si DCI Ramiro sa ginagawang “palundag” sa kanya ng mga operatiba d’yan sa CIIS.

Nasabi natin ito dahil napansin ng mga miron na “nagsisimula” na naman sa ganitong bulok na estilo ang CIIS sa ilalim ni Dir. Jeff Tacio.

At nagulat din tayo dear readers nang malaman natin na ang mga notoryus na operatiba ng CIIS noong termino ni Comm. Nick Faeldon, aba’y “namamayagpag” pa rin pala, talaga rin naman!

Sa nakita kasi nating ‘press release’ ni Cagayan de Oro District Collector Floro Calixihan at Tagoloan (MICT) Subport District Collector, John Simon, hinggil sa pagbabalik ng mga basurang dito “itinapon” mula sa South Korea, “tumaas” ang ating kilay na doon pala ngayon nakapuwesto sa CIIS-CDO ang mga kumag na ito, tsk,tsk,tsk!

Kung bakit naman walang ginawang aksyon si Dir. Jeff Tacio para tiyaking hindi na “makaporma” pa ang grupong ito eh, bakit nga ba, hehehe!

Wala ba siya sa mga naging pagdinig noong 2017 sa Kongreso hinggil sa  mga “lumusot” na shabu sa termino ni Comm. Nick kung saan kasama sa “nalabarda” itong mga ito?

Hindi rin ba siya nag-abala man lang na “silipin” ang mga ‘derogatory report’ laban sa mga ito dahilan upang lubos na “madisymaya” noon si DCI Dellosa sa kanila?

Isa ang IG-CIIS sa mga “krusyal” na yunit sa BoC, dear readers, hindi ba? Kung epektibo at propesyunal ang operasyon nito, may makalulusot bang mga shabu sa pantalan, tama ba, Sen. Dick Gordon.

At kung hindi naman nakikita ang “malasakit” ni Dir. Jeffrey sa pangalan at kredibilidad ng kanyang opisina, patunay ang pananatili ng mga bistadong tiwali sa CIIS eh, bakit pa kaya siya andyan? Bakit nga ba, hehehe!

Ang ating “payong kaibigan” kay DCI Ramiro? Simulan na niyang “linisin” ang IG-CIIS, now na!

For your own good, DCI Ramiro, and that of efficient public service. Abangan!