Bureau of Customs, kayang patinuin ni Comm. Guerrero

November 25, 2018

SA kasaysayan ng Aduana, ngayon lang nangyari na apat na grupo ang gagamitin para sugpuin ang katiwalian sa Bureau of Customs (BoC).

Dati ang mga  “eagle-eyed” na taga-broadcast at print media ang mortal na kaaway ng mga kawatan sa Aduana.

Sumunod naman ang CCTV o closed circuit television.

At ngayon nga, nandyan na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).

Hindi natin masisisi si Pangulong Rody Duterte kung bakit kinakailangan niyang magpadala ng mga armadong grupo sa Aduana.

Ayon kay Duterte, may “anarchy” daw sa Aduana na kailangang masugpo.

Sana matakot ang mga ismagler at iba pang manloloko sa Aduana, na tinaguriang “snake-infested.”

May mga nagsasabi na “tumino” daw ang mga nakatira sa “waterfront community” nang panahon nina Komisyuner Ramon Farolan ng PAF at Guillermo Parayno Jr. ng PN.

Sina Farolan at Parayno ay mga produkto ng PMA.

Sa tingin natin ay kayang patinuin ni BoC Chief Rey “Jagger” Guerrero ang mga taga-Aduana.

Bilang sundalo, si Guerrero ay sanay sa labanan at intelligence.

Kaya naniniwala tayo na kayang talunin ni Guerrero ang mga kawatan sa Aduana na ang pangunahing armas ay pera at black propaganda.

* * *

Maagang  binigyan ng Pamasko ni Customs Commissioner Jagger Guerrero ang kanyang mga opisyal at tauhan.

Wala daw madi-displace na kawani ng BoC kahit nandiyan ang mga taga-AFP at PCG.

Niliwanag ni Guerrero, na ang mga sundalo at PCG personnel “would augment and not displace” ang mga taga-BoC.

Walang papalitan, pero kung mangyayari raw ito ay hindi dahil sa mga nakatalagang AFP at PCG personnel.

Ito’y dahil daw sa ginagawang “performance review” sa lahat ng mga opisyal at kawani ng ahensiya.

Bilang hepe ng BoC, kailangang malaman ni Guerrero ang kalibre ng kanyang mga empleyado.
Kung tiwali ang isang tauhan, kailangan itong masipa sa gobyerno.

Pero ang mga matitino at magagaling ay dapat i-promote bilang gantimpala sa kanilang magandang serbisyo.

Ang importante lang ay isang “honest-to-goodness” performance review ang ginagawa.

Tama ba kami, Pangulong Duterte at Finance Secretary Carlos Dominguez?

* * *

Kahit hindi pa nagsisimula ang election campaign period ay dapat ilagay na sa COMELEC control ang mga bayan, syudad at probinsiyang kontrolado ng mga political warlord.

Palitan na rin ang mga taga-COMELEC  at pulis na nakatalaga sa mga “political hotspot.”

Kagaya nang kagustuhan ni Pangulong Digong, kailangang maging malinis, payapa at katanggap-tanggap ang darating na eleksyon.

Panahon na para bigyang laya ang mga botante na makapamili ng mga karapat-dapat na lingkod-bayan.

Hindi na uubra ang mga kalokohan ng mga lokal na politiko.

Sa taumbayan, ito na ang pagkakataon ninyong wakasan ang panloloko sa inyo ng iisang pamilya.

Gumising na kayo dahil  galit si Pangulong Duterte sa mga mandaraya sa eleksyon.

At lalong galit si Duterte sa mga politikong nananakot sa botante.

Nandiyan ang celfone, social media at Malacanang hot line.

Isumbong niyo kaagad ang mga kalokohang nangyayari sa inyong bayan, syudad o probinsiya.

Huwag kayong matakot, kakampi niyo si Pangulong Digong.

Hindi ba dating SAP Bong Go?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pabgalan at tirahan.)