Bureau of Customs, United States -Homeland Security Investigation, nagtutulungan

January 02, 2019

NAGTUTULUNGAN ngayon ang Bureau of Customs  at U.S. Homeland Security Investigation (US-HSI) para imbestigahan ang importasyon ng mahigit P1 milyung halaga ng bala.

Ang mga high-end ammunition ay dumating sa bansa noong Disyembre 6.

Ang mga bala ay nakalagay sa anim na balikbayan boxes na galing sa California.

Ayon kay Alvin Enciso ng BoC Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), misdeclared ang kargamento.

Idineklara ang laman ng kargamento na personal effècts at household goods.

Ang gusto ng BoC ay alamin ng US-HSI kung saan at paano binili ng shipper ang mga bala.

Maaari kasing may sindikatong nasa likod ng importasyon ng mga bala.

Nakakalungkot na may mga tao pang nagpipilit gamitin ang mga balikbayan box para mag-smuggle.

Bilang respeto sa mga OFW ay hindi na basta binubuksan ang mga balikbayan box na pinapadala sa bansa.

Saka lang binubuksan kapag may nakita sa X-Ray machine na kahinahinalang bagay sa kahon.

Kaya dapat patawan ng mabigat na parusa ang mga gumagamit ng balikbayan box para ilagay ang mga iligal na bagay.

Sila ang nagpapasama sa imahe ng mga OFW natin.

* * *

Marami ang naniniwala na tapos na ang mga maliligayang araw ng mga teroristang politiko.

Hindi papayag si Pangulong Rody Duterte na sila’y makapandaya at manakot pa ng mga botante at kandidato.

Kung nakaya niyang durugin ang mga teroristang Maute sa Marawi City ay walang dahilan para ‘di  niya malipol ang mga teroristang politiko sa bansa.

Mabuti pa itokhang na ang mga abusadong politiko kasama ang kanilang mga upahang mamamatay tao.

Isama na rin ang mga pulis na nagpapagamit sa mga lokong kandidato.

Sabi nga ni Pangulong Duterte: “I promise the Filipino people, my country that I will not allow  political terrorism, oppression, and intimidation.”

Ayon pa kay Duterte, ang mga tao ay may karapatang tanggalin kayo para umunlad ang demokrasya sa bansa.

“As I have been telling everybody, do not ever, ever think that you monopolize evil in this country... To your sorrow, you will find out,” dagdag niya.

Loud and clear ang babala ni Pangulong Rody.

Hindi na puwede ang mga kalokohan ng mga teroristang mayor, gobernador at iba pang lokal na lider.

May katapusan talaga ang lahat ng bagay.

Darating ang araw na sisipa-sipain na lang kayo ng mga taong matagal niyong inapi.

Tiyak ‘yon!

* * *

Sa ating mga masugid na mambabasa, Masagana at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat!

Sana huwag kayong magsawang sumuporta sa People’s Tonight at People’s Journal.

Sa PJT at PJ, wala kayong mababasang fake news.

Ang aming New Year resolution?

Lalong pagbutihin ang aming paglilingkod sa inyong lahat.

Sa mga taong paminsan-minsan ay nakakantiyawan natin, sori po.

Trabaho lang at walang personalan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4766430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)