‘Calibrated embarrassment,’ estilo ng mga Dilawan

November 21, 2019

BAGO ang lahat, isa munang pagbati at pasasalamat sa ating mga kapatid sa media sa Mindanao (SOCCSKSARGEN) sa kanilang mainit na pagsalubong sa delegasyon ng National Press Club (NPC) noong Miyerkules.

Salamat din kay Lake Sebu municipal mayor, Floro Gandam at sa kanyang butihing maybahay sa kanilang bukas-pusong pagtanggap sa NPC bilang mga bisita.

Maraming mga “balita” ang “ikukuwento” ko sa inyo, mga kabayan, sa mga susunod na araw. At mainam sigurong “pampainit” ang nakalap natin na sa ‘GenSan’ (General Santos City), isang malaking “kahihiyan” ang inabot ni San Miguel big boss, Ramon Ang.

Bakit kamo, kasamang Dax Lucas? Dangan kasi, lumalabas na ‘fake title’ ang titulo ng lupa na naibenta sa SMC sa loob ng ‘ancestral domain’ ng Tribong B’laan.

Sang-ayon kasi sa mga umiiral na batas, hindipuwedeng magkaroon ng titulo ang mga “dayuhan” sa mga lupain ng ating mga ‘indigenous peoples’ (IPs o mga katutubo/Lumad). At kung may hawak na “titulo” si Ang, eh, anong klaseng titulo yan, aber, hehehe!

Ang squatting’ at ‘massive land grabbing’ sa mga lupain ng mga Lumad katulad ng mga B’laan ang isang malaki at nagpapatuloy na problema sa Mindanao. At “aataduhin” natin ang isyung ito sa mga susunod na araw kaya… abangan!

***

Ilang araw na lang at pormal nang bubuksan, sa Nobyembre 30, ang ika-30 edisyon ng ‘ASEAN Games’ (Southeast Asia/SEA Games) kung saan muling ‘host’ ang ‘Pinas pagkatapos ng edisyon noong 2005 o pagkaraan ng 14 na taon.

At noong Lunes, Nobyembre 18, bilang ‘chairman’ ng ‘PHISGOC’ (Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee), isinantabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang ‘interparliamentary courtesy’ at ‘legislative protocol’ nang magpunta sa Senado upang soplahin, ehek, ipaliwanag, ang mga ‘much-ado-about-nothing’ na mga katsang ni Senate Minority Leader, Sen. Frank ‘Dilawan’ Drilon.

Ayon pa kay Cayetano, sinadya niyang huwag magtago sa “pundilyo” ng ‘interparliamentary protocol’ dahil ang mga hirit ni Sen. Frank ay hindi lang lumilikha ng mga intriga kahit sa labas ng bansa bagkus, nakadaragdag pa ang mga ito sa ‘demoralization’ ng ating mga atleta at ng mga tumutulong sa pamahalaan sa ating paghahanda para sa nasabing torneo.

Aniya pa, kailangang “maituwid” ang lahat ng isyu na nilikha ni Drilon at maipakita sa publiko na walang dapat ikabahala sa ginawang paggastos  ng pondo para sa SEA Games na mula sa panukalang P7.5 bilyon pondo ay si Drilon din ang “pasimuno” upang gawin na lang itong P5 bilyon.

Kung matatandaan, P7.5 billion ang badyet na hiniling para sa SEA Games, pero “tinapyasan” ito ng Senado dahil na rin sa “pang-uurot” ni Drilon, ng P2.5 bilyon.

Nadagdagan lang ito ng P1 bilyon pa dahil sumaklolo ang tanggapan ni PDU30 at bukod diyan ay nangalap ng mga sponsor ang PHISGOC para masalo ang iba pang gastusin.

Kung gastos rin lang ang pag-uusapan, hindi naman tinatanggi ni Cayetano na magastos talaga ang magsagawa ng SEA Games— kung paniniwalaan naman ang mga pang-intriga ni Drilon, puwedeng isipin na maidaraos dito sa ‘Pinas ang SEA Games nang hindi na kailangang gastusan pa ng pamahalaan at hindi tayo malalagay sa malaking kahihiyan.

Take note: ang gagawing SEA Games sa ating bansa ang pinakamalaki sa kasaysayan ng palarong ito.

Marami ang kailangang lugar na pagdadausan ng mga sports competitions. Pero kahit na mas maliit pa sa badyet ng Singapore na P15 billion noong 2015 ang badyet ng Pilipinas nakapaghanda tayo ng mga lugar at mga pasilidad na pasado sa ‘world standards’ katulad ng bagong ‘sports stadium’ sa New Clark City, Tarlac.

Yung “kaldero” (cauldron) naman na ilang beses inintriga ni Drilon bilang ‘overprice’ sa sinabi niyang halaga nito na P50 milyon ay napatunayan din ni Cayetano na walang batayan.

Dahil kumpara sa “bandalismo” sa mga pader ng Maynila ng maka-komunistang ‘Panday Sining’ (na mga “kakampi” ng mga Dilawan), ipinunto ni Cayetano na talagang ‘work of art’ ang nasabing kaldero dahil pinagbuhusan ito ng talento at galing ni National Artist for Architecture, Bobby Mañosa.

Kung tutuusin pa nga ay ‘priceless’ o hind mapapantayan ang halaga nito. Ang Singapore nga ay gumastos ng P63 million para sa kanilang SEA Games cauldron na hindi naman nila maipagmamalaking gawa ng isang national artist.

Sa pagtatapos ng pagpapaliwanag ni Cayetano, maraming miron ang napailing na lang kay Drilon nang kanyang sabihin na “wala” siyang sinasabing ‘overprice’ sa mga gastusin para sa SEA Games sa ilalim ng pamumuno ni Cayetano na ang ‘anti-corruption stand’ ay pinuri rin niya.

Sabagay nga, ang pagiging “galit” sa korapsyon” ang naging konsiderasyon din naman ni PDU30 nang pumayag siyang si Cayetano ang italagang chairman ng PHISGOC.

At “napailing” na lang ang mga miron dito kay Drilon dahil nagkaroon na ng ‘life of its own,’ ang kanyang mga ginawang pang-iintriga sa Manila SEA Games at sa integridad ni Cayetano kaya ano mang “pagbawi” niya sa kanyang nilubid na kuwento nang papurihan si Cayetano ay wala na ring silbi. Marahil, ito lang naman talaga ang pakay nilang mga Dilawan— muling ilagay sa intriga at kahihiyan ang ating gobyerno.

Pansinin na kahit naipaliwanag at nasagot na lahat ang mga isyung nilikha ni Drilon, mas “maingay” pa rin kahit sa ‘social media’ hanggang ngayon ang mga kuwentong ito.

At kapansin-pansin din, mga kabayan, na ginawa ito ni Drilon ilang araw na lang bago magbukas ang SEA Games.
Wala itong pinagkaiba sa isyu ng ‘M/V Green Aura,’ isang ‘Liberian-registered oil tanker’ na umano’y  ‘hinarass’ ng Chinese Navy sa SCS/WPS.

“Pinasabog” ng mga Dilawan sa ‘mainstream media’ ang istorya na nangyari noon pang Setyembre 30,  habang nasa Thailand noong Nobyembre 1, si PDU30 para sa pagpupulong ng mga lider ng ASEAN. Kumbaga, mistulang “itinataon” ng mga Dilawan ang kanilang panghihiya sa bansa sa tuwing may malalaking ‘event’ katulad ng SEA Games at ASEAN Summit.
Hmm. Sa ganito na lang ba talaga “magaling” ang mga Dilawan— sa kanilang ‘calibrated embarrassment’ laban sa ating pamahalaan? Abangan!!!