Chairman Adriano, ‘napulitika’?; Okay si Gen. Danao

Malaking palaisipan sa mga nakakakilala nang lubos sa butihing barangay chairman  na si Jaime ‘Jimmy’ Adriano ng Barangay 17,  Zone 78,  District V sa Malate, Maynila, ang insidente kelan lang kung saan may isang trak na nagtapon ng mga dumi ng tao sa lugar na kanyang nasasakupan.

Palaisipan din ito sa mga kasamahang opisyal ng barangay ni Adriano at maging sa mga residente dahil sa laki ng Maynila na may 896 barangay, kung bakit doon pa napili ng kumag na driver at alalay nito na itambak ang mababantot nilang kargada.

Kaya naman buo ang suporta ni Chairman Adriano sa naging deklarasyon ni Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Vicente Danao, Jr. nang umapela ito sa mga nasa likod ng nasabing kababuyan na sumuko na lang dahil kung mahuhuli daw niya ang mga ito ay ipaiinom niya sa kanila ang mga dumi na iniwan nila.

Napag-alaman kay Adriano na hindi pala ito ang unang beses na ginawa sa barangay niya ang bagay na ‘yan.  Ang una ay nangyari may ilang buwan na nakalilipas at hindi rin nahuli ang may kagagawan.

Ikalawang beses naman ‘yun nakunan ng closed-circuit television o CCTV ng barangay noong Lunes, March 4, kung saan nakita dakong 8:40 p.m. ang isang truck na nakaparada at nakabukas ang ‘hazard’ na ilaw.  Dalawang lalaki  ang bumaba at nagdiskarga ng ng dumi ng tao sa drainage system sa kahabaan ng P. Ocampo, Sr. Street o dating Vito Cruz, sa tapat ng Orchid Garden Suites at Century Park Hotel.

Malas lang na sa una ay di nakita ang buong plaka dahil nakatiklop ang dulo nito kaya ang nakita ay kulang, na kundi AXN-48 ay TNV-48.  Medyo malabo din ang kuha at kailangan pa ng ‘enhancement.’  Pero ngayon sabi ni Chairman Adriano, ACV-4682 o kaya ay AKV-4682 ang plaka batay sa kanilang pagbusisi sa CCTV footage.

Nakatanggap ng tawag si Adriano nang araw na iyon na isang truck daw ang pumarada at nagtatapon nga ng dumi ng tao. Dahil nga pangalawa na ito, agad na sumugod sa nasabing lugar si Adriano at mga tauhan nito.  Malas nga lang dahil di na nila inabot pa ang mga lokong sakay ng trak at ni hindi natapos ang pagtatapon dahil tila nakatunog daw ito na may nagsumbong.

Sa liit ng kanyang nasasakupang lugar at dami ng bilang ng barangay sa Maynila na umaabot ng 896, tama lang talaga na magtaka si Adriano  kung bakit  doon pa napili ng mga salaula na magtapon at dumi pa mandin ng tao.

Kapuna-puna pa naman na ‘pink’ ang kulay na dala ng barangay ni Adriano dahil itinutulak niya ang programang pang-kalusugan para sa mga nasasakupan at kasama na diyan siyempre pa ang pagkakaroon ng malinis na kapaligiran, bagay na pangunahin ang papel para sa isang malusog na pamayanan.

Di kaya may sumasabotahe sa pamamalakad ni Adriano sa kanyang barangay kaya pilit itong binabahiran ng dumi? At literal pa huh!

* * *

Nakakabilib naman si Danao nang tumanggi itong magdeklara na may ‘pulitika’ sa likod ng nasabing insidente.

Aniya, kailangan pa nilang imbestigahan ang pangyayari at siya ay magba-base lang ng kanyang pananaw at mga pahayag sa ‘facts’ o matibay na katibayan na malilipol sa gitna ng imbestigasyon.

Wala daw silang impormasyon para suportahan ang haka-haka na may bahid nga ng pulitika ang mabantot na insidente.  Eh ni hindi pa nga naman daw tukoy ang pangalan ng driver at helper ng nasasangkot na truck.

Sabi pa ni Danao, ‘In so far as the MPD is concerned, we cannot establish it’s politically-motivated’

Ang malinaw lang para sa kanya ay isang paglabag sa ‘Clean Water Act’ ang ginawa ng mga iresponsableng nagtapon ng dumi na dapat lamang na hulihin at parusahan.

Sa ginawang pahayag na ito ni Danao, ipinakita lamang nito na siya ay isang matalino, patas at maingat na opisyal.  Hindi siya basta-basta lang bumubuga nang walang matibay na ebidensiyang pinanghahawakan.

Okay talaga si Gen. Danao. May utak na, may dibdib pa.

* * *

Beauty tip -- A healthy diet can work wonders for your skin. Stimulate your complexion’s collagen growth with foods rich in antioxidants, including leafy green vegetables, blueberries, cantaloupe and other melons. (Source: Dr Rosary May Canay-Diaz of Californian Bloom Aesthetic Institute and Medical Spa /4108424/4669596/09178038240/ 025053987).